hi! this is kinda long but i hope you enjoy reading (my favorite part is the last part, i think you'll like it as well). thank you for your patience waiting for the next update 🤍 and would appreciate it a lot if i hear your thoughts about this chapter 🥺 all love xx
*****
"May, nasa labas na raw po 'yong cake ni Kuya," bulong ni Clyde sa nanay nila.
Lingid sa kaalaman ni Clief, hindi lang hanggang tanghalian ang selebrasyon para sa kaniya. Magsisimula ang tunay at pormal na pagdiriwang ng kaniyang ika-dalawampu't isang kaarawan simula alas kwatro hanggang hapunan.
Si Nanay Clariza ang may pakana ng supresa ngunit ideya ni Clyde kung paano nila ito gagawin. Gusto kasi niyang maramdaman ni Clief kung gaano kalaki ang pagpapasalamat nila sa pagsusumikap nito sa pag-aaral, sa pagiging responsableng anak at panganay sa magkakapatid, at sa hindi nito pagrereklamo sa kung anong kaya lang nilang ibigay dito kasama na ang mga simpleng handaang nagdaan tuwing kaarawan nito.
Kahit kailan, wala silang narinig na reklamo galing sa anak. Sa halip, pagpapasalamat pa ang laging binibigkas ng mga bibig nito. Nagkasundo rin naman sila ng asawa sa plano at pinag-ipunang mabuti ang para rito.
"Senyasan mo na ang mga bisita sa loob," pabulong din na sagot ni Nanay Clariza bago ito tuluyang lumabas upang salubungin ang may dala ng keyk. Kahit ang mga bisita ay kasabwat nila sa sorpresang ito. Lahat ng alam nilang inimbita ng anak ay nasabihan na nila bago pa dumating ang nakatakdang araw ng pagdiriwang para sa binata. Buti nalang din at walang ibang dumating na hindi nila napagsabihan.
Isa-isang sinenyasan ni Clyde ang mga bisita ng nakatatandang kapatid at ilang minuto ang lumipas, isa-isang nagpaalam ang mga ito. May ilang minutong pagitan, hindi sunod-sunod upang hindi mahalata ng binata.
May iilang mga pagkakataon na gusto sana ni Clief ihatid sila hanggang sa labas ngunit umayaw na sila at kaagad din namang nilibang ang binata ng ilang natitirang bisita.
Huling naiwan sa loob ng bahay ng mga Alforque si Kaela, Cia, at Joven kasama ang tatay at ang mga kapatid nito. Sa unti-unting pagtahimik ng bahay, naramdaman din ni Clief ang lungkot na unti-unting gumagapang sa puso niya. Ayaw ko sanang matapos ang araw, ito ang nasa isip ng binata simula nang dumilat siya kaninang umaga.
Isang beses sa isang taon lang ang kaarawan niya, at isang beses sa buong buhay niya lang ipagdiriwang ang ika-dalawampu't isa niyang kaarawan. Masyadong maikli ang apat na oras na selebrasyon kasama ang mga mahal niya sa buhay para rito. Kaso ayaw niya man munang pauwiin sila, alam niya ring hindi sa kaniya umiikot ang mundo. Ilang oras lang ang pwede niyang hiramin sa araw ng mga 'to. Dahil kahit na espesyal na araw niya ngayon, normal na araw lang 'to para sa kanila.
"Clief, una na rin kami. Kami na lang naiwan grabe," ika ni Joven. Tumayo na rin sa kaniya-kaniyang upuan ang dalawang kaibigang dalaga nito at naghanda na rin sa pag-alis.
"Aalis na rin kayo? Ayaw n'yo bang manatili muna? Pwede tayong manuod ng movie. Marami sa flashdrive ko."
Labag man sa loob, tumanggi si Cia at sinabing, "May lakad din kasi ako after nito, eh."
Lumipat ang tingin ni Clief kay Kaela at kahit na ayaw niyang magsinungaling, para igalang ang pangako nito sa ina at kapatid ni Clief, napilitan siyang sabihing, "Nagpapasama rin kasi si Kylie sa akin. Sabi ko kasi after lunch lang kami rito kaya..."
Hirap mang itago ang lungkot sa mga mata, binigyan pa rin sila ni Clief ng ngiti at tangong may halong pag-intindi.
"Sige, hatid ko na kayo sa labas." Pero bago pa man maka-tatlong hakbang si Clief ay kaagad na sumulpot ang kapatid niyang si Clyde galing sa likod.
BINABASA MO ANG
gently like leaves (de torre twins #1)
RomanceKaela Marie De Torre had become accustomed to things ending. Like how their family did not last, long after she was born. Like the friendships that ended just after she became attached. And like how her lifeline passed when she was just starting to...
