Prologue

917 8 3
                                    


A/N: Dedicated to this balugang bata since it was his birthday yesterday. Belated Happy Birthday, Balugang Loser! Sana huwag ka na namang mag-hyperventilate nang dahil sa sobrang excitement pagkatapos mong basahin ang panimulang ito. Matuto ka namang i-contain kahit papaano ang mga emosyon mo. Matatagalan pa naman bago ako muling magpaparamdam dito, kaya huwag kang sasabog sa sobrang tuwa, ha? Aabutin pa nga ata 'to ng twenty hanggang thirty chapters depende sa trip at kasipagan ko. LOL. Anyway, sana magustuhan mo 'to!

_____________________________________________________________________________


Twelve Years Ago


June 6


"Austin, dito ka na muna, ha? Kung gusto mo, pwede kang kumuha ng mga laruan sa play area habang naghihintay," paalala ni Teacher Jenna pagkapwesto ko sa isa sa mga maliliit na upuang monoblock sa silid-aralan.

Inayos niya sa aking tabi ang dalang mini-trolley, at isinabit sa hawakan ang kalakip nitong lunch bag, na kanina'y hawak-hawak ko nang ihatid ako ni Mommy hanggang sa silid-aralan. Itinuro niya ang pwesto sa bandang gilid ng silid, na pinaliligiran ng makukulay na harang at may nakalapat na foam tiles sa sahig. May ilang nakakalat na laruan sa loob nito, at sa sentro ay may malaking lalagyanan na punung-puno rin ng mga laruan.

"Okay, Teacher Jenna," sambit ko, pinagmamasdan ang panibagong paligid.

Bago tumungo sa labasan ay may nilapag siyang ilang storybooks sa aking tapat, at banayad na tinapik ang aking ulo't ngumiti.

"You be a good boy."

Tumango na lang ako at kinuha ang kopya ng "Jack and the Beanstalk", na noong mga panahong iyon ay nagsilbing paborito kong kwento, na nakapatong sa pinakataas ng salansan ng mga aklat. Dinig ang ingay sa labas ng silid, lalo na no'ng buksan ni Teacher Jenna ang sliding door upang salubungin ang bagong dating na mag-aaral at ang mga kasama nito.

"Good morning, Sir and Ma'am!" Bati niya sa wari'y mga magulang ng kaklase ko.

"Good morning, Ms. Apostol," tugon naman ng mga ito.

Umayos ako ng upo at itinuon na lamang ang atensyon sa babasahin, isinasaalang-alang kung gaano pa katagal ang aking hihintayin bago tuluyang magsidatingan ang mga kamag-aral ko't magsimula ang klase. Dahil unang araw ng pasukan at may kailangang asikasuhin si Mommy sa kumpanya ay maaga niya kaming hinatid ng aking nakatatandang kapatid na si Athena, na magsisimula na sa unang baitang ngayong taon. Dapat sana'y ihahatid kami ng family driver naming si Manong Joey, ngunit dahil kailangan niyang sunduin si Dad, na ngayong umaga ang scheduled arrival sa airport mula sa kanyang business trip, ay napagpasyahang kay Mommy na kami sasabay.

Kahit na alas syete pa ng umaga ang simula ng school-wide morning prayer at flag ceremony at hindi naman masyadong malayo ang Xanthe Academy ay umalis na kami sa bahay nang mga bandang alas sais y kinse. Dahil doo'y napakahaba pa ng oras na aming hihintayin, lalo na't nagkataong wala ring traffic at mahigit sampung minuto lang ang tinagal ng biyahe. Buti naman at nandito na si Teacher Jenna nang makarating kami.

Pagkalipas ng ilang sandali'y lumingon ako sa direksyon ng screen door, kahit papaano'y interesado sa bagong dating. Tutal, magiging kaklase ko siya nang isang taon, at ibig ko rin namang magkaroon ng maraming kaibigan dito. Hindi pa kasi dumarating ang pinsan kong si Eliza Cojuangco, pati ang mga kababata naming sina Earl Rojas at Rachel Castro, na sa alam ko'y kabilang din sa klase namin, kung kaya't hindi ako gaanong mapakali.

When I Was Your ManTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon