Isang imahe ng babae ang nakita kong naglalaro sa ilalim ng puno ng akasya. Nakaputi ang babaeng iyon at tila nilalaro ng kanyang mga mata ang napakagandang buwan kung saan tumatama ang liwanag nito sa malawak na ilog. Nagliliwanag din ang paligid dahil sa mga alitaptap na animo'y mga bituin na kumukutitap sa kanyang kinatatayuan. Napakaganda ng imaheng iyon na para bang iginuguhit sa aking isipan. Alam ko siya ang babaeng nakita ko kanina sa sayawan. Lumapit ako nang dahan-dahan ngunit napansin niya pa rin ang ingay na aking ginawa.
"Sino ka?" tanong niya.
"Uhmm. 'Wag kang matakot. Ako si Tony, ahh...Anthony Karingal. Yung pinapanood mo kanina habang nagpa-piano," sabi ko sa kanya.
Muli siyang ngumiti ngunit umaatras siya sa kanyang kinatatayuan.
"Autumn...'di ba 'yon ang pangalan mo?" tanong ko sa kanya.
Tumango lang siya nang bahagya. Saka lamang ako lumapit nang dahan-dahan. Para akong nagpapaamo ng mabangis na hayop noong mga oras na iyon. Maingat akong lumapit sa kanya at sinilayan ang kanyang mukha gamit ang liwanag ng buwan. Napakaganda niya, hindi ko maintindihan kung bakit ang bilis ng pagtibok ng puso ko nang mga panahong iyon. Kasing bilis ng pagtipa ko sa mga mabibilis na nota tuwing kinakapa ko ang bawat tiklado ng aking piano.
"Uhmm. Hi," ang tangi kong nasambit.
"Nagpakilala ka na, sapat na 'yon. Autumn, iyon nga ang pangalan ko. Autumn del Fior."
"Ahh...ang ganda naman ng pangalan mo. Taga rito ka ba?"
Umiling lang siya habang nakangiti at nakatitig sa akin. Ang mga titig na iyon, para bang matagal na niya akong kilala. Nangungusap ang kanyang mga mata na lalo pang lumapit sa kanya. Lumapit ako. Halos isang dangkal na lamang ang layo ko sa kanya noon. Hindi siya natakot, ni hindi niya pinigilan ang kanyang sarili. Pumikit siya, inilapit niya ang kanyang mamula-mulang labi sa akin. Malakas ang tibok ng puso ko noon. Anong nangyayari? Ano ang gusto niya? Isang halik. Pero bakit?
Ang mga kaunting katanungan ng mga sandaling iyon ay dumami nang dumami. Hindi ko namalayan na nakalapat na ang kanyang mga labi sa akin. Bakit? Bakit ang bilis?
Matapos ang ilang segundo ay tinanggal niya ang kanyang labi sa akin. Ngumiti siya at para bang wala siyang pinagsisisihan sa kanyang ginawa.
"Bakit?" iyon lang ang naitanong ko sa kanya. Parang nananaginip pa rin ako at hindi ko alam ang nangyayari.
"Matagal na tayong magkakilala, hindi mo ba nararamdaman? Siguro matagal na panahon na. Bago ka pa ipinanganak. Nararamdaman ko 'yon, nang makita kita kanina," sabi niya. Napangiwi lang ako dahil sa sinabi niya. Hindi ako nakapagsalita. Napangiti lang ako sa mga panahon na iyon kung saan ang salitang 'bakit' lamang ang nasa isipan ko. Dahan-dahan siyang naglakad palayo. Animo'y kasabay niya pa ang mga alitaptap sa kanyang pag-alis. Para siyang diwata na hindi ko maintindihan. Pinaglalaruan ba ako ng engkanto? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
"Sandali...saan kita makikita ulit? Gusto kong makipagkilala..." ang tangi kong nasambit. Pero tama ba? Sa halik na iyon parang nakilala ko na agad siya. Ang koneksyon, ang kung ano ang mayroon kami. Bakit ganoon? Parang matagal ko na nga siyang kilala.
"Makikilala mo lang ako ng lubos kung gagawan mo ako ng isang kanta. Gusto ko yung galing sa puso mo," sabi niya. Hindi ko alam...hindi ko maintindihan kung bakit.
___________________________
Kung nakakapagsalita lang ang mga daliri ko siguro sasabihin nilang pagod na pagod na sila, hindi lang ngayon pero matagal na panahon na. Sana maintindihan nila ako. Gaya ng pag-intindi ko sa kanila. Hindi ko gustong pumalya ang mga daliri kong ito, lalo na kung makakapagbigay pa sila ng mahiwagang musika na papakinggan ng mga tao...at ni Autumn.
BINABASA MO ANG
Tiklado
Short StoryNoon iniisip kong gumagawa lang ako ng kanta para sa sarili ko. Iniisip ko na isinusulat ko lang silang lahat dahil...dahil gusto ko. Pero nagbago bigla ang lahat noong makita kita isang araw sa sayawang iyon. Hindi ka sumasayaw. Nakatitig ka lang s...