Finale

450 43 21
                                    

Nang gabing iyon din ay dumiretso ako sa aming tagpuan. Nakakapagtaka dahil maraming tao sa lugar na iyon ang dumadaan. Sa ilalim ng puno ng akasya ako naghintay sa kanya. Nakakunot ang aking noo na para bang walang mapagsidlan ang galit na aking nararamdaman.

Akala ko magaling ako. Akala ko kaya kong tumugtog nang gabing iyon, akala ko inspirasyon ko si Autumn pero ang inspirasyon na iyon ay unti-unting nagiging sumpa sa akin.

Maya-maya pa ay nakita ko na siyang naglalakad patungo sa akin. Malungkot ang kanyang mga mata, siguro alam niya na rin ang kasalanan niya.

"Uhmm pasensya na. Hindi ako sumipot noon kasi..."

"Kasi ano? Inutusan ka ng nanay mo? May biglaang emergency? Namatay yung aso niyo kung meron man? Namatay yung kuko mo? May burol ba?"

Sa sobrang inis ko ay iyan ang nasabi ko sa kanya. Lalo siyang lumapit habang nakayuko. Pinagtitinginan naman kami ng mga taong dumadaan sa parkeng iyon.

"Sorry na," sabi niya.

"Okay na...okay na wag ka nang magpaliwanag. Okay na ako. Sa susunod na mangangako ka naman kasi, tuparin mo naman," sabi ko sa kanya.

Naiinis na ako noon. Naiinis na para bang lahat ng bagay ay gusto kong isisi sa kanya. Pero bakit gano'n? Hindi ko magawang mainis sa kanya nang sobra dahil alam ko naging ispirasyon ko siya sa mga ginawa ko. Sa musikang iyon. Siya ang inspirasyon ko. Pangalan niya ang nakalagay doon.

"Kumusta na yung kanta na pinapagawa ko sa 'yo?" tanong naman niya habang sinusubukang ngumiti. Umiling na lang ako noon at tumalikod sa kanya.

"Ginagawa ko pa. Pero para saan ba kasi ang kantang 'yon? Bakit hindi mo sabihin sa 'kin?!"

Tumalikod ako para tingnan siya pero laking gulat ko na lang nang yakapin niya ako. Wala na akong magawa. Patay na naman ang emosyon ko. Sa tuwing yayakapin niya ako ay nawawala ang lahat ng problema ko. Pero bakit ganito? Bakit ang bigat?

"Tony!" isang sigaw ang aking narinig mula sa di kalayuan.

Laking gulat ko nang makita ang ilan sa aking mga kaibigan, mga kaklase, si sir Dennis at ang aking mama. Nanlaki na lamang ang aking mga mata habang nakatitig sa kanila. Muli akong tumingin sa aking harapan. Wala na doon si Autumn. Tumingin ako sa paligid. Tila hangin lamang siyang nawala sa pagkakataong iyon. Muli naman akong napatingin sa pwesto ng mga bagong dating nang marinig ko ang pagtangis ni mama.

"Ma?" ang tangi kong nasambit.

Agad akong lumapit sa kanya at inalalayan siya. Para naman akong may sakit dahil sa paglayo ng mga kaklase ko sa akin. Nakakunot ang kanilang mga noo habang tinitingnan nila ako na para bang nandidiri.

"Sino ang kausap mo...Tony..." malumanay na tanong ni sir Dennis.

"S-si Autumn po..." napailing na lamang siya.

"Tony, makinig ka sa akin. Si Autumn ay hindi totoo. Gumising ka na. Isa lamang siyang musika," sagot niya.

Anong nangyayari? Bakit sila nakatingin sa akin na parang may sakit ako? Hindi totoo?

"Imposible. Alam kong totoo si Autumn sir. I-imposible yang sinasabi nyo," sabi ko sa kanila habang napapangiti nang kaunti. Pilit na iwinawaksi ng aking imahinasyon ang realidad. Hindi totoo ang sinasabi nila.

"Tony...hindi siya totoo. Gumising ka na. Nakikita kita lagi sa ilalim ng tulay na 'to. Sa ilalim ng puno ng akasya na 'yan. Lagi kang may kausap, pero alam ko wala. Wala kang kasama. Tony..."

"H-hindi...'wag niyong sabihin sa akin 'yan. Gusto ni Autumn magpagawa ng kanta pero hindi siya isang kanta. Hindi ko kayo maintindihan."

Unti-unting sumakit ang ulo ko. Para bang mabibilis na imahe ang aking nakikita. Ang ngiti ni Autumn, ang kanyang paglalaro sa paligid ng puno ng akasya, ang pagtayo niya na parang isang diwata sa kalmadong tubig, ang kanyang halik. Ang lahat ng iyon ay mabilis na umiikot sa aking isipan. Napapikit na lamang ako habang hinihilot ang aking sintido.

TikladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon