Prologo

9.6K 257 27
                                    

Tahimik ang mga alon sa karagatan nang mga oras na iyon at isang mangingisda ang pumalaot magha-hatinggabi na nang mga oras na iyon. Sa ganoong oras kasi ay kalmadong-kalmado ang karagatan.

Alas sais pa lang kasi ng gabi ay nasa loob na ang mga residente upang magpahinga. Kaya sinadya ng isang mangingisda na paabutin ito bago maghatinggabi upang may pagkakataon siyang mangisda sa dagat na siya lamang ang mag-isa.

Alas diyes ng gabi ay abalang-abala pa ito sa pag-aayos ng kaniyang lambat na gagamitin sa panghuhuli ng isda na ilalahad niya sa karagatan nang may marinig siyang kakaibang musika sa tainga. Sa umpisa ay parang guni-guni lang ito sa kaniyang pandinig. Naghalo na kasi ang huni ng mga kuliglig sa gabi. Kaya hindi na niya ito pinagtuunan nang pansin.

Ipinagpatuloy niya ang pag-aayos ng lambat na tanging maliit na lampara at liwanag na nanggagaling sa buwan ang tanglaw sa kaniyang harapan. Ngunit, muli na naman siyang nakarinig ng isang kakaibang tinig. Sa puntong iyon ay tumigil muna ang mangingisda sa kaniyang ginagawa at pinakinggang maigi ang musika at tinig.

Ili ili
Tulog anay.
Wala diri
imo nanay.
Kadto tienda
bakal papay.
Ili ili
tulog anay.

Pamilyar ang kantang iyon dahil malimit itong kinakanta ng mga magulang sa mga batang paslit upang makatulog ito. Kaya naman lalo lang siyang nakaramdam ng antok. Nang inulit at umulit pa ang kanta ay doon na tila nasa ilalim ng hipnotismo ang mangingisda.

Kusang gumalaw ang kaniyang katawan at sumampa sa bangka. Nagsagwan ito nang nagsagwan habang sinusundan ang tinig na kanina pa nang-aakit sa kaniyang tainga. Nakatayo lamang ito sa kaniyang bangka habang nagsasagwan. Isinabit naman nito ang dalang lampara sa nakausling ulo ng pako sa katawan ng bangka, malapit sa kaniyang ulo.

Nang nasa kalagitnaan na siya ng karagatan ay biglang tumigil ang kanta at bumalik sa wisyo ang mangingisda. Bigla itong nagtaka kung paano siya napadpad sa gitna, na kani-kanina lang ay nag-aayos pa siya ng lambat. Nasa laot na rin naman siya nang mga oras na iyon, kaya itinapon na lamang niya ang isang lambat na mayroon siya galing sa bangka sa mismong karagatan upang simulan na ang panghuhuli ng isda.

Hindi pa man nakakalimang minuto siyang nag-aabang sa lambat na tinapon niya sa dagat nang muli na naman niyang marinig ang tinig. Sa pagkakataong iyon ay may napansin na siyang kakaibang nilalang na umiikot-ikot at lumalangoy sa paligid ng kaniyang bangka. Nang tangkain niyang tingnan kung ano ang nilalang na iyon ay bigla na lamang tumaob ang bangkang sinasakyan ng mangingisda.

Gustuhin man nitong ibalik sa ayos ang bangka ay huli na dahil isang malaking isda sa kaniyang paningin ang mabilis na humawak sa kaniyang kamay at hinila siya patungo sa pinakailalim na parte ng karagatan. Sinubukan ng mangingisda na makawala pero hindi niya magawa dahil kinakapos na siya sa paghinga. Hindi niya alam kung gaano kalalim na ang nilangoy niya habang hinihila siya ng nilalang na kaniyang nakikita.

Ilang minuto ang nakalipas, sa maliit na lagusan kung saan sila dumaan ay parang nahuling isda kung itapon ng nilalang na iyon ang katawan mangingisda sa kaniyang tahanan. Nang makitang gumagalaw at humihinga pa ito ay agad na itinusok ng nilalang na iyon ang kaniyang matutulis na kuko sa dibdib ng mangingisda. Lumuwa ang mata ng mangingisda habang sunod-sunod namang nagsisilabasan ang mga dugo sa kaniyang bunganga.

Nang baklasin na ng nilalang na iyon ang kaniyang puso ay tuluyan nang pumikit ang kaniyang mata habang ang nilalang na iyon ay sarap na sarap na sa pagkain ng kaniyang puso.

KatawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon