Maria Clara, Edukada at ang Pagdurusa

80 1 0
                                    

Mayumi, magandang mukha, matapang at kayang harapin ang mga dagok sa buhay ang pagkataong sumasalamin sa taong taglay ang respeto ng mga kalalakihan o mga taong nabibilang sa isang pamayanan. Yaman ng bansa at instrumento upang makamit ang kaunlaran. Sila ang Filipina o ang mga kababaihan ng Pilipinas na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na lumalaban. Ngunit paano, saan at bakit? Mga tanong na patuloy nating iniisip. Paano sila noong panahong laganap ang kolonyalismo? Saan nila nakuha ang kalayaan? At bakit magpahanggang ngayon batid nila ang tatag ng puso sa bawat araw na lumilipas. Filipina sa loob ng tatlong siglo.

Mula sa pagiging malaya, pagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan at pagtingin sa mga tao, sa panahong ang lahat ay may lakas ng loob at kakayahang mapabilang sa lipunang kinagisnan ay tuluyang nalanta at nalagas ng parang dahon na hindi nadiligan at hindi pinahalagahan. Isang ibon na ikinulong sa isang hawla at tinanggalan ng kalayaang lumipad sa kung saan niya man gustong makarating. Karanasang natamo sa panahong lumaganap ang mapaniil na kapangyarihan na hawak ng bansang Espanya sa pulo ng Pilipinas, lubos na naapektuhan ang pamumuhay, paniniwala at pagkatao ng mga Pilipino. Higit na naramdaman at naranasan ito ng mga kababaihan, silang pinakaiingatan ng bansang kinabibilangan. Sa loob ng tatlong daan at tatlong pu't tatlong taong pananakop tinanggalan ng karapatang makapagaral ang mga kababaihan dahil sa paniniwala ng simbahan na ang kababaihan ay nararapat na manatili lamang sa kanilang mga bahay at maging isang masunuring anak, mabuting may bahay at ina ng kanilang magiging supling. Bukod rito, hindi rin binigyan ng pagkakataon ng mataas na posisyon at maging parte ng mga aktibidad sa larangan ng politika. Hindi sila maaaring maglabas ng saloobin at opinyon. Sila ay kontrolado ng simbahan at ng gobyerno. Sa panahong ito, ipinakilala ng Espanya ang relihiyosa, masunurin, respetado at mahinhing dalaga na kung tawagin ay 'Maria Clara', ito ang nagiging batayan ng pagiging dalagang Pilipina noong mga panahong ito, na siya ring nagpapakita ng kahinaan at kawalan ng labang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa pagsasamantala at pang-aalipin sa kababaihan ng mga Kastila. Pero sa kabila nito, mayroon ring mga kababaihang nanindigan upang ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng bawat babaeng Pilipino tulad ni Gabriela Silang at Gregoria De Jesus na ngayon ay kinikilala at buhay pa rin sa ating lipunan.

Matapos ang maraming taong sinakop ng bansang Espanya ang Pilipinas, sumunod na naghari ang ang malakas at matalinong kapangyarihan ng mga Amerikano. Kaiba sa kababaihan sa panahon ng pananakop ng Espanya, ang mga Filipina sa panahong ito ay naipamalas ang kanilang taglay na kakayahan sa larangan ng industriya at pagnenegosyo. Maraming kababaihan ang nakakapagtrabaho dahil sa kanilang abilidad sa pakikisama, pagiging responsable, masipag at matiyaga. Naipakita nila ang kanilang husay sa paghahabi at pagbuburda ng iba't ibang damit, sumbrero, basahan, basket, tsinelas, payong at marami pang iba. Naging daan ang mga Amerikano sa opurtunidad na makapag-aral at makakuha ng degree sa kolehiyo ang mga kababaihan. Dahil sa pagtaas ng literacy rate ng mga kababaihan, unti unti ring lumalawak at nagbabago ang kanilang mundong ginagalawan, mula sa larangan ng industriya at pagnenegosyo nagkaroon na rin sila ng pagkakataong pumasok sa larangan ng abogasya at iba pang klase ng trabaho. Ilan sa mga ito ang naging daan upang maipamalas at maipakita sa mundo ang natatanging kakayahan ng mga kababaihan.

Hindi man pantay ang pagtingin sa mga kababaihan noon sa panahon ng mga Espanyol, binigyan man ng maayos na edukasyon at tinuruan sa iba't ibang larangan sa panahon ng mga Amerikano. Ngunit sa pagdating ng mapanlinlang, madahas at malupit na paghahari ng mga Hapon sa Pilipinas, ang mga kababaihan ay dinudungisan ang buo nitong pagkatao. Kalupitan at karahasan ang dinanas ng mga kababaihang Pilipino sa kamay ng mga Hapones. Tinanggalan nila ng kamalayan, danagal at karapatan ang mga kababaihan. Ang mga sundalong hapones ang paulit ulit na nagparanas sa mga kababaihan ng matinding karanasan, hinalay nila ang mga ito at ang iba pa ay pinagkaitang mabuhay. Ang mga kababaihang tinanggalan ng puri at dangal ay halos mawala na sa kanilang sariling katinuan. Ang mga karahasang natamo ng mga ito ang siyang nag-ugat upang ang mga Pilipino ay bumuo ng pangkat na maaaring kumalaban sa mga ito. Nabuo ang HUKBALAHAP o Hukbong Bayan Laban sa Hapones kung saan ang ilan sa mga sundalo nito ay pawang mga kababaihan. Sa pakikipagtulungan ng mga Amerikano sa HUKBALAHAP natalo nila ang mga Hapones sa digmaan at tuluyang napaalis sa ating bansa.

Kasabay ng pagsibol at paglubog ng araw ay ang pagbabago ng Filipina, sa pisikal o panloob na kaanyuan man. Ngunit ilang bagay at naging malaking bahagi ang mga kababaihan noon sa kasalukuyang panahon. Taglay ng ilan sa mga ito ang pagiging mayumi at mahinhin na babae. Mga paniniwalang nagbibigay ng magandang imahe sa pagkababae ng mga Filipina. Talino at pagiging edukada ang nagiging pundasyon upang mas makilala at mapabilang sa bansang kinagagalawan. Tanyag ang pangalan sa iba't ibang larangan. Sa panahong laganap ang pang-aabuso mas naging matapang at tumatatag ang loob upang labanan ang mga sakit ng lipunan. Itinuturing na Maria Clara hanggang sa kasalukuyan, edukada at mahusay ang pag-iisip at pusong puno ng pangarap.


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 18, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Maria Clara, Edukada at ang PagdurusaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon