Babalik Kang Muli (Ang Unang Kwento)

850 9 5
                                    

Pagmamahal. Pinakakumplikadong salita sa mundo. Iba-iba tayo ng pagkakaintindi tungkol dito at kung paano natin ito pakikitunguhan upang maging kapakipakinabang. Maaaring ito’y isang instrumento na nagbubuklod sa mga tao. O marahil ito’y isa lamang kondisyunal na pakiramdam o paniniwala. Kaya kapuna-puna na ang tao kapag mahal mo, iiwaan ka at kapag iiwan mo siya ay doon ka naman niya mamahalin ng lubusan. Pero sa akin, ang pagmamahal ay siyang puno’t dulo ng lahat ng sakit at pagdurusa. Pagpupunyagi sa iba, ngunit pagkatalo naman sa akin.

Natutunan kong magmahal na walang inaasahang kapalit noong nasa ikatlong taon pa lamang ako sa sekondarya. Sa panahong iyon ay naging masaya naman ako.    Ngunit sa paglipas ng mga araw ay unti-unti ko na rin siyang gustong kalimutan. Dahil habang minamahal ko siya ng lubusan ay napapabayaan ko naman ang aking sarili hangang sa umabot pa sa puntong hindi ko na ito makontrol. Gusto kong putulin iyon ngunit kalahati ng katawan ko ang nagsasabing huwag akong susuko sa taong pinili kong mahalin, kung siya naman ang dahilan kung bakit ako nasasaktan, siya naman ang dahilan kung bakit ako nagmahal. Siya na una at huling pag-ibig ko.

Sa mga panahong iyon, tanging sa kanya lamang umikot ang mundo ko. Masaya ako sa tuwing nakikita ko siya na para bang akin lamang siya at ako lamang ang para sa kanya. Sa bawat pagtatagpo ng aming mga matang nagliliyab, dama ko ang init ng pagmamahal. Tuwing pinagsasaluhan namin ang langit sa ibabaw ng lupa, akala ko’y di na magwawakas ang kaligayahang aking nadarama. Sa mga nakaw ngunit matamis na sandali, madalas kong marinig ang mga katagang “I love you.” Ngunit pawang pagkukunwari lamang pala ang lahat iyon at napaniwala niya ang marupok kong puso. Pagkukunwaring naging dahilan ng lahat ng pag-iimbot at paghihiganti sa aking puso.

Umasa ako. Ngunit mahirap palang umasa dahil hindi mo alam kung ano ka sa kanya at kung saan ka dapat lumugar sa buhay niya. Ang hirap magdesisyon dahil ang inakala kong  tunay na pag-ibig ay puro pala kaplastikan. Akala ko lang pala ang lahat. Iniyakan at pinagsisihan. TRIP lang pala iyon. Masakit at pinipilit kong kalimutan. Ngunit bakit gano’n? Umaasa parin akong babalik siyang muli. Naaalala ko pa ang tagpong nang minsa’y kasama ko siya sa aming tambayan…

“****…”tawag niya sa kin na parang meron siyang gustong sabihin ngunit tila ba hindi siya makahagilap ng tamang kataga upang sabihin ito

“Bakit?” mahinahon kong sagot. Tumingin siya sa akin. Nakatitig sa aking mga mata. Nakita ko roon ang katagang nais niyang ipaabot na may halong kaba. Ako naman ay pasimpleng ngumiti ngunit naroon na ang pagkasabik sa sasabihin niya. Lumapit lang ng lumapit ang kanyang mukha at doon na nagtagpo ang aming mga labi. Maalab ngunit agad ding natapos.

“I’m breaking up with you…” mahina ngunit malinaw na malinaw ang kanyang pagkakasabi. Nakayuko siya ngunit sa kanya pa rin nakatingin ang aking mga matang nais nang mag-uunahan sa pagluha ngunit pinipigil ko.

Parang gumuho ang aking mundo. Wala na akong ibang maisip sa panahong iyon. Tumakbo ako at hinayaan kong bumuhos ang aking mga luha. Labis ko siyang minahal kaya siguro labis din akong nasaktan. Mapait at puno ng pagdurusa ang una kong kasawian sa pag-ibig.

Paano ko haharapin ang bukas na wala siya? Makakaya ko kaya? Magiging masaya pa kaya ako?  Magmamahal pa kaya akong muli?

Mayroon ba talagang mga taong masaya kapag nakakaisa at napapaiyak ang iba? Sadya kayang may mga ipinanganak na sinungaling? O marahil ay talagang nasa dugo nila ang manakit sa mga mahihina at marurupok sa pag-ibig na gaya ko.

Mahirap pala ang magpatawad. Matagal pala ang lumimot. Masakit pala ang magmahal. Gusto kong bumangon at ituring na isang bangungot ang pangyayaring iyon ngunit hindi ko mahagilap ang pag-asang makakaya ko. PANO AKO MAGSISIMULA ULIT KUNG SA BAWAT ISANG HAKBANG KO PALAYO SA KANYA, HINIHILA NIYA AKO NANG DALAWANG HAKBANG PABALIK SA MUNDO NIYA. Nadapa at nagkamali ako ngunit gusto kong itama iyon; umiwas kung kinakailangan.

Magpaparaya ako kung iyon ang makakapagpasaya sa kanya. Gagawin ko ang lahat hanggang sa kaya ko basta para sa kanya. Hahayan ko siyang magmahal ng iba kahit na masakit. Subalit dito sa puso ko, mananatili siya, mamahalin at patuloy na AASANG BABALIK SIYANG MULI.

Babalik Kang Muli (Ang Unang Kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon