IKA- 39 NA PUTOK

13.3K 447 60
                                    

ALDRIAN’S POV
“ANO ba 'yan, Aldrian? Ang baho naman ng usok ng yosi mo!” reklamo ni Alegria habang pinapaspas niya ng kamay niya ang usok ng sigarilyo na pumupunta sa mukha niya.
Nasa labas kami ng mall na iyon.
Itinapon ko sa paanan ko ang sigarilyo at pinatay iyon sa pamamagitan ng pag-apak ko doon. Hindi naman ako adik sa sigrailyo. Naninigarilyo lang ako kapag gusto kong kumalma ako. Tulad ngayon, gusto kong kumalma tungkol sa mga naranasan at nakita ko sa dugyot na sinehan na iyon!
“Sorry. Gusto ko lang kasi na mawala sa utak ko iyong mga nakita ko sa… shit!” gigil na turan ko.
Tawa lang nang tawa si Alegria.
“Eh, ikaw naman kasi! Ang kulit mo. Sinabi ko na 'wag tayo do’n, sige ka pa rin!”
“Dapat kasi sinabi mo agad. Ginusto mo rin talaga na magkaganito ako, eh! Nananadya ka!”
“Hoy, hoy, hoy! 'Wag ka ngang mambintang diyan. Sapakin kita diyan, gusto mo?!”
Tumigil na ako sa pagsagot sa kanya dahil baka mag-away na naman kami. Baka hindi pa niya ako sagutin. Dapat ay magpaka-sweet ako kay Alegria ngayon para ma-inlove na rin siya sa akin. Para matapos na ang lahat ng ito.
“Gusto mo pa bang kumain?” tanong ko kay Alegria. “Parang nawalan na ako ng gana dahil sa sinehan na iyon.”
“Nagutom nga ako bigla. Wala namang sosyal na restaurant dito. Mag-tokneneng na lang tayo. Oh, 'wag mong sabihin na hindi mo alam ang tokneneng?”
Umiling ako. Tumawa siya.
“Grabe ka! Alam mo, kulang ang life experience mo kung hindi ka makakakain no’n! Masarap na street food 'yon.”
“Bakit? Ano ba 'yon?”
“Basta! Sumunod ka na lang sa akin!”

ALEGRIA’S POV
PALINGA-LINGA ako sa kalye dahil naghahanap ako ng nagtitinda ng tokneneng. At hindi naman ako nabigo dahil nakakita rin ako sa wakas.
“Lets go over there!” sabay nguso ko sa cart ng tokneneng na nasa gilid ng kalsada.
Feel kong mag-English ngayong gabi. Bakit ba? Walang pakialamanan!
Sumunod naman sa akin si Aldrian. Wala naman siyang choice dahil ako ang may alam sa lugar na ito. In fairness naman dito kay Aldrian, sweet siya ngayon. Mukhang desidido talaga ang loko sa panliligaw sa akin. Ayoko naman na magpaka-ipokrita sa sarili ko pero tinatamaan ako ng konting kilig sa pagbabago niya ngayon, ha. Nabawasan kasi ang pagiging brusko at mainitin ng ulo niya. Sana lang ay tuloy-tuloy na.
“Dito tayo kakain? Sa kalye?” Hindi makapaniwalang sabi niya. Nanlalaki pa ang mata niya.
“Malamang, dito nga. Street food nga, 'di ba?”
Napalunok siya. Mukhang napipilitan lang. “Nasaan ang sinasabi mong tokneneng?”
“Iyong kulay orange na iyon, iyon ang tokneneng. Itlog siya ng pugo at manok na binalot sa harina na may food color. Masarap 'yan lalo na kapag matamis na medyo maanghang tapos may konting suka iyong sauce. Tara, lets try na!”
Tinanong ko na iyong lalaking nagtitinda ng tokneneng kung magkano.
“Iyong maliit, tatlo sampung piso. Tapos iyong malaki sampung piso isa,” sagot ng tindero.
Nilingon ko si Aldrian. “Hoy! Ano pang ginagawa mo diyan? Gutom na ako. Kumain na tayo, okey?” Pinayapay ko pa siya para lumapait na siya.
Pailing-iling naman na lumapit sa akin si Aldrian. Lihim akong natatawa sa reaksiyon niya. For sure, first time niyang kakain ng street food na tulad nito. Eh, sa yaman ba naman nito, baka nga hindi niya kilala ang fishball at kikiam.
Kumuha na ako ng maliit na bowl at nilagyan ko iyon ng malaking tokneneng. Iniabot ko iyon kay Aldrian at tinanggap naman niya. Kumuha na rin ako ng sa akin.
“Paano ko ito kakainin?”
“Watch me, okey?” sabi ko.
Gamit iyong maliit na sandok ay kumuha ako ng matamis na sauce at inilagay iyon sa bowl ko. Pinaliguan ko iyong tokneneng. Tapos iyong suka naman na maanghang ang inilagay ko. Kumuha ako ng barbecue stick at sa pamamagitan niyon ay tinusok ko ang tokneneng at saka kumagat.
“Kuha mo? Madali lang, 'di ba?” Taas-baba pa ang kilay na turan ko habang may nakakalokong ngiti sa labi ko.
“I’ll try… M-madali lang pala. Sisiw!” alanganing sagot ni Aldrian.
Pinanood ko lang siya. Tingnan ko nga ang galing ng lalaking ito. Baka puro lang ito hangin at yabang!
At nang si Aldrian na ang sumubok ay tawa na lang ako ng tawa. Nagawa naman niya ng maayos iyong paglalagay ng sauce at suka. Ang hindi niya talaga magawa ay ang pagtusok ng barbecue stick sa tokneneng para kainin. Laging nalalaglag iyong itlog kaya hindi niya makagat-kagat.
Napahagalpak na ako ng tawa dahil inis na inis na siya. “Ano ba 'yan? Akala ko ba sisiw lang? Eh, itlog pa nga lang iyan, hindi mo pa makain!” pambubuska ko sa kanya.
“Ikaw kaya!” inis na sagot niya. Pinipilit pa rin niyang tusukin iyong tokneneng.
“Anong ako kaya? Nakaubos na ako ng isa, 'no! Pangalawa ko na ito!”
“Wala bang tinidor or kutsara man lang?”
“Ay, wala! 'Di ba, kuya? Wala?” sinama ko na rin sa usapan ang tindero. Kawawa naman. Para magkaroon siya ng dialogue.
“Ah, wala!”
“Kung gusto mo, magkamay ka na lang! Parang ganito, oh!” At kinamay ko na nga ang tokneneng. Isinubo ko lahat iyong isang buo at buong ligaya na nginuya iyon.
“Ang galing mo palang kumain ng itlog, Alegria…”
Nilunok ko muna ang nasa bunganga ko at umorder ng sago’t gulaman na tinitinda din doon. “Aba, oo naman—Teka! Double meaning yata sinabi mo, ah! Bastos ka! Bastos ka talaga kahit kailan!” gigil na sabi ko kay Aldrian. Akala niya siguro ay tanga ako para hindi makuha ang ibig niyang sabihin na magaling akong kumain ng itlog.
“Green minded!” aniya.
Kinamay na nga niya ang tokneneng at naging matagumpay naman siya na kainin iyon.
Nag-enjoy na kami sa pagkain ng tokneneng maya maya. Nakalimang tokneneng kami parehas nang maramdaman kong busog na ako.
“Haaay… Ang saya siguro kung kasama natin si Junjun, 'no?” sabi ko habang naglalakad-lakad na kami. Nagpapababa na ng kinain namin.
“Mabuti nga at hindi natin kasama si Junjun. Pang-gulo lang iyon, eh.”
Bigla akong natigilan nang hindi ko alam. Parang… bigla akong kinabahan nang walang dahilan. Alam niyo 'yong feeling na parang may masamang nangyayari pero wala kayong idea kung ano iyon.
Napahawak tuloy ako sa braso ni Aldrian.
“Alegria, bakit? Okey ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya sa akin.
“Aldrian, kinabahan ako bigla. Umuwi na tayo. Parang… parang… may hindi magandang mangyayari!” Kinakabahan kong sagot sa kanya.

Ang Paglalayas Ni JunjunTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon