"Teka lang, Lorie. Kukuha na muna ako ng permit para sa midterms natin. Mamaya mahaba na ang pila d'on, mahirap na." kamot ulong sabi ni Valerie habang inaayos niya ang mga papel na nakatambak sa loob ng kanyang bag.
"Bilisan mo. Hahantayin kita d'on sa benches." Turo naman ni Lorie sa maraming mga upuan.
"Sige, sige." Hindi na nag-atubiling tingnan pa ni Valerie ang kaibigan niyang si Lorie dahil hanggang ngayon ay inaayos pa rin niya ang mga gamit niya.
Umagang umaga at tila rush na rush ang hitsura ni Valerie ngayon dahil lang sa nakalimot niyang kumuha ng permit sa midterm exam nila na ngayong araw rin mismo ang simula. Maya maya lang ay magsisimula na ang klase nila sa unang asignatura nila...
"Ayun!" itinaas niya pa ang papel na naglalaman ng subject load niya nang mahanap na niya ito. Kaagad naman siyang umupo sa mga upuan kung saan ang hantayan ng mga estudyanteng kukuha rin ng permit. Tamang tama at kahit pap'ano ay nasa panglima siyang upuan.
Nagmasid-masid na muna siya sa paligid niya. Saka nga lang siya hiningal nang makita na niya ang papel na iyon. Hindi na rin niya makita si Lorie sa may bandang mga benches dahil parami na rin nang parami ang mga estudyanteng naglalakad sa loob ng campus na ito.
Sa hindi inaasahan, ay napalingat siya sa bandang kanan niya. Marami rin kasing mga upuan dito pero sa bawat sections naman iyon ng may problema sa matrikula, magbabayad, magpapa-transfer, o kung ano pa man 'yon.
"Si Ranniel..." mahinang sambit nito sa sarili. Titig na titig siya sa lalaking nakaupo rin sa kabila na naghahantay rin. Napangiti na naman siya nang wala sa oras. Iba talaga ang atake nitong si Ranniel pagdating kay Valerie. Para bang may mahika ito na kapag tiningnan mo lang siya ay matik na mapapangiti na lang nang wala sa oras si Valerie.
Ilang araw na rin niya kasi itong inii-stalk sa bawat social accounts nito. Maging sa Twitter man, ay tutok na tutok siya sa feed ng lalaking ito. At dahil nga sa hindi naman ito mahilig gumamit ng mga ganitong accounts ay makikita mo ring halos isang beses lang sa buwan kung mag post ng kung anu-ano ang lalaking ito. Kaya naman walang kahirap-hirap na nahalungkat niya ang pinakadulo ng feed nito sa Twitter.
"Miss, puwedeng umusog ka na? Marami pang naghahantay dito." Inip na tanong sa kanya ng isang babaeng estudyante sa may bandang tabi lang niya.
"A-ay! Sorry." Napakamot batok na lang si Valerie at nilagpasan na niya ang halos dalawa nang bakanteng upuan sa harapan niya.
**
"Ikaw Valerie ha, sabi na nga ba at tipo mo 'yang si Ranniel e." panunukso ni Clarence kay Valerie.
"'Wag kang maingay ha!"
"Anong 'wag akong maingay? E halos alam na nga ng buong block namin ang tungkol sa pagka-crush mo sa kanya e." matawa-tawang sabi ni Clarence kay Valerie.
Halos mailuwa naman ni Valerie ang kinakain niyang hotdog sandwich nang sabihin ito ni Clarence ang tungkol sa kalat na ang pagkagusto niya kay Ranniel.
"Paanong nangyari 'yon?" gulat na gulat na tanong nito.
"Alam mo naman siguro dito sa paaralan natin... mabilis kumalat ang tsismis."
"E kayong dalawa lang naman ni Lorie ang nasabihan ko tungkol dito a."
"Ayun nga 'yon, friend e." sumingit itong si Lorie sa usapan ng dalawa, "Sabi kasi nitong si Clarence, narinig pala ni Tomas 'yung pag uusap namin tungkol d'on. E... alam mo rin naman 'yong si Tomas. Kalalaking tao, e kalaki rin ng bibig niya kaya nakakalat kaagad ito lalong lalo na sa tropa nila Clarence."
"Si Tomas..." iniisip ni Valerie si Tomas. Iniisip niya kung bakit ba sa daming taong puwedeng makaalam n'on ay ang tsismosong si Tomas pa. Hindi naman sa galit siya dito pero ano na nga lang ba ang sasabihin sa kanya ni Ranniel kung sakaling malaman na niya na may gusto si Valerie sa kanya? Mahirap nga naman ang kinatatayuan ng isang tao kapag nalaman na ng taong gusto niya na may gusto siya d'on. Sa iba siguro ay napaka-basic kung titingnan ang sitwasyong ito pero paano na lang naman ang taong napahamak pa dahil dito? Mahirap 'yon.
BINABASA MO ANG
Pwedeng Kiligin Bawal Mainlove
ChickLitAPAT NA PWEDE MONG GAWIN: Kilalanin, Kausapin, Makasama, Makalandian. ISANG BAGAY NA HINDI DAPAT MANGYARI: Ang ma-in love.