D-Davids

24.3K 354 9
                                    


HUMIKAB si Keit sa sobrang antok at pagod. Kailangan na talaga niyang matulog. Sumasakit na rin ang ulo niya sa kawalan ng matinong pahinga. Isa siyang freelance interior designer at mag-aapat na taon na rin siyang nasa larangang ito. Mahirap ang buhay freelancer lalo pa't kailangan mong gawin ang lahat ng mag-isa. Mula sa paghahanap ng kliyente, pag-market sa sarili at sa actual na trabaho. Ngunit hindi niya pinagsisisihan ang pinasok na larangan. Hindi na bale kung mag-isa lamang siya. Tama lamang iyon, hindi niya kailangang dumipende sa ibang tao. Less dependence, less expectations, lesser disappointments. Sa kakayanan lamang niya pwedeng iasa ang lahat. Isa pa, she likes the idea of holding her own time. Pwede siyang tumanggi sa panibagong projects kung tingin niyang hindi na niya kakayanin ang workload niya. She has no boss to please or co-workers to look out for.

Muli siyang napahikab. Pinalis ang kaunting luhang sumilip sa kanyang mata. Bahagya pa siyang puyat mula sa magdamagang pagbe-brainstorming at paggawa ng draft sa kanyang mga bagong designs noong isang gabi. At ngayon nama'y kagagaling lang niya sa pakikipag-meeting sa kliyente niya. Naging maayos naman ang negosasyon nilang dalawa. Ngunit may iilang maliit na detalye lang itong gustong ipadagdag sa kanya.

Bumaba siya mula sa taxi na kanyang sinakyan sa tapat ng bahay nila. Hindi na nag-abalang ayusinb ang gusot niyang blouse o ang buhok niyang kumawala na mula sa pagkakapusod. Ah, she can't wait to remove her make up and get a decent amount of sleep.

Napansin niya ang ilang sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay nila. Hindi na bago iyon sapagkat deadend road ang harap ng bahay nila. Kaya naman minsan ay may iba't-ibang sasakyan na doon pumaparada. They didn't mind, wala naman kasi silang sasakyan na ipaparada doon o mahaharangan ng ibang sasakyan,

Bubuksan na sana niya ang pinto ng gate nila nang marinig niya ang malakas na tawanan ng mga nagtitipon na namang mga kapit-bahay nilang tsismosa at walang magawa sa buhay kundi sumira ng kinabukasan ng iba. Panaka-nakang tumitingin ang mga ito sa direksyon niya at pinapasadahan pa siya ng tingin. Siya man ay napatingin sa suot niyang formal attire.

Hindi niya madinig ang anumang pinagtsitsismisan na naman ng mga ito. Hapon na ngunit iyon pa rin ang inaatupag. Wala na talagang ipagbabago ang mga ito. Bakit hindi nalang ito maghanap ng trabaho nang magkaroon naman ang mga ito ng silbi sa bansa?

Hindi na sana niya papansinin ang mga tsismosang kapitbahay kahit narinig niya ang sariling pangalan mula sa pinag-uusapan ng mga ito. Napabuntong-hininga siya. Ayaw niyang pumatol ngunit kung ganitong pagod siya at kulang sa tulog, baka hindi lang niya patulan ang mga ito. Baka mapatay na niya ang mga ginang. Kinuha niya ang purse at hinanap ang susi ng bahay.

Muli na namang nagtawanan ang mga ito kaya't natigilan si Keit. Nang lingunin ni Keit ang mga ito ay bigla itong nagsitahimikan. Tumaas ang kilay ni Keit bago inirapan ang mga ito. Sigurado siyang siya na naman ang topic ng mga mahadera nilang kapitbahay. Nagpatuloy na lamang siya sa paghahanap ng susi sa kanyang purse.Di rin nagtagal ay nahanap niya iyon.

"Iyang anak sa labas na si Keit, talaga namang napakayabang. Kung makatingin akala mo may tatay." Nalaglag ang susi sa lupa nang marinig niya ang tila napalakas na pagkakasabi niyon. Huminga siya ng malalim bago yumuko at pinulot ang susi.

"Eh hindi ba? Hindi na bumalik ang tatay niyan?"

"Iyon lang ang sabi ni Mendi. Para syempre pagtakpan na anak niya sa pagkadalaga iyang si Keit."

"Eh kaya siguro lumaking magaspang ang ugali. Mayabang. Akala mo naman kung sinong maganda. Eh taxi nga lang ang sinasakyan." Nagkanya-kanya pa ang mga ito ng komento tungkol sa kanya.

Matagal nang napagtsitsismisan ng kanilang mga kapitbahay sina Keit. Bata palang kasi siya ay iniwan na sila ng kanilang ama. Hindi nagkukuwento ang kanyang inang si Maribel o kilala sa palayaw na Mendi, tungkol sa nangyari. Pinanatili nitong personal ang naging problema ng kanilang pamilya. Mangilan-ngilan lang ang nakakaalam na sumama sa ibang babae ang kanyang ama at itinapon silang parang basura. Kaya naman dahil sa pananahimik ng kanyang ina tungkol sa isyung iyon, napagkaisahan tuloy sila ng mga walang kakwenta-kwenta nilang mga kapitbahay. Kung anu-anong kwento ang binuo ng mga ito at ipinagsalin-salin kung kani-kanino. Hanggang sa nagkaroon na ng iba't ibang bersyon ang kwento ng pamilya nila na humantong nga sa tsismis na anak siya sa pagkadalaga at hindi sila kayang panagutan ng kanyang ama.

Captured (BS#1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon