baybayin ng San Diego at sasabihin niya ang sagot. Kapag pumayag ang binata, may maasahan at makakapagtamo sila ng katarungan at kung hindi naman, si Elias ang unang kasama niyang maghahadog ng buhay.
46: Sabungan
Katulad din ng iba pang bayan ng Pilipinas, may sabungan din sa San Diego. Ito ay nahahati sa tatlong bahagi. May pasukan ito sa pinto na binabantayan ng isang babaeng naniningil ng bayad sa pagpasok. Nakahanay naman sa magkabilang daraanan na mga tao ang mga tindera na nagtitinda ng kung anu-ano na katulad ng pagkain, gamit na maliliit sa bahay, sigarilyo at iba pa. Kalapit ito ng isang may kalakihan ding lugar na kinaroroonan ng mga tahur, magtatari at mga sobra ang hilig sa sabong. Dito nagpapalipat-lipat nang mabilis ang kuwarta sa kamay ng mga tao at pakikipagsunduan. Ang tawag sa lugar na ito ay ulutan. Ang ikatlong bahagi naman ng sabungan ay tinatawag na ruweda. Dito dinaraos ang mga sultada. Makikita sa lugar na ito ang mga taong may matataas na tungkulin, mayayaman, ang mga tahur at sentensiyador.
Nasa loob ng sabungan sina Kapitan Pablo, Kapitan Basilio at Lucas. Nagtanong si Kapitan Basilio tungkol sa manok na isasabong ni Kapitan Tiyago samantalang papasok ito sa sabungan na kasunod ang dalawang alalay o utusan na may dalang isang lasak na manok at isang malaking putting tinali. Bulik naman ang manok ni Kapitan Basilio. Nagkaroon muna ng batian tungkol sa pagkakasakit ni Maria Clara, pagkaraan nagkasundo ang dalawa na paglabanin ang bulik at ang lasak sa pustang P 3,000. Parang apoy na kumalat ang paglalaban. Nagkaroon ng pustahan ang mga sabungero. Lumilitaw na dehado ang pula at llamado naman ang puti.
Habang hindi magkamayaw sa pagpusta ang ilang sabungero sa gagawing pagsusultada, ang dalawang binatang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno ay naiinggit sa mga pumupusta. Sila ay matamang pinagmamasdan ni Lucas.Pamayamaya ay lumapit ang pinakabata sa dalawa kay Lucas at nakiusap na pautangin ito ng pera para may maipusta. Sina Bruno at Tarsilo ay may masaklap na karanasan sa mga sibil, ang kanilang ama ay pinatay sa palo ng mga ito.
Tinanong ni Lucas ang magkapitid kung payag na sila sa kondisyong kanyang ibinigay. Ayaw ng nakatatanda. Dahil dito, sinabi ni Lucas na kahit kilala man niya ang magkapatid na ayaw ipaghiganti ang pagkamatay ng kanilang ama, hindi niya mapapautang ang mga ito ng perang hindi niya pag-aari. Ang pera, anya ay kay Don Cisostomo Ibarra. Gayunman, kung papayag sila sa kanilang amuki, madali niyang mabibigyan ng pera ang mga ito. Ikinatwiran ng dalawa, na kundi lamang sa kanilang kapatid na babae ay matagal na siguro silang nabitay. Pero, sinagot sila ni Lucas na mga nabibitay ay mga duwag lamang, walang salapi at mahihina at kung sakali ay malapit lamang ang bundok.
Samantala, pinagsalpuk na ang dalawang manok, na ilang sandali lang ay kapwa sugatan. Pero matindi ang sa puti. May tarak ito sa dibdib samantalang ang sa pula naman ay sa pakpak lamang. Gayunman, unang bumulagta ang puit na nagkikisay at sumunod naman ang pula na ipinipikit ang mga mata. Ang nanalo sa labanan ay ang pula. Hiyawang umaatikabo ang sumunod.
Nanghinayang sina Tarsilo at Bruno at hindi sila nakapusta disin sana'y nanalo ng tig-P100 bawat isa. Sa di kalayuan, nakita nila si Pedro, ang asawa ni Sisa na binibilangan ng pera ni Lucas. Naisip nilang pumusta sa sususnod na laban.
Tiyempo namang ang isusunod na paglalabanin ay ang bulik ni Kapitan Basilio at ang lasak ni Kapitan Tiago. Nakalimutan ng magkapatid ang tungkol sa kanilang kapatid na babae. Naisip nilang walang mangyayari sa kanila kung kukunin nila ang inaalok na pera ni Lucas sapagkat si Crisostomo ay kaibigang matalik ng heneral at kasama pa nito sa pamamasyal.
Nang lumapit ang magkapatid kay Lucas, hindi sila nabigo. Sila ay binigyan ng tig- P30.00 sa kasunduang sasama sila sa pagsalakay sa kuwartel. Kapag sila ay nakapagsama pa, tig-sasampu uli sa bawat maisama nila. Kapag nagtagumpay sila sa gagawing pagsalakay, may tig-P100 at ang mga kasama nila at sila naman ay tig-P200 ang tatanggapin. Tumango sila pareho sa lahat ng kondisyon. Kaagad na tinanggap ang perang hinihingi nila. Tinagubilinan ni Lucas ang magkapatid na kinabukasan ay darating ang mga sandatang padala ni Ibarra. Sa ikawalo naman ng gabi sa makalawa ay kailangan magtungo sila sa libingan upang tumanggap ng utos. Ito lamang at naghiwalay na silang tatlo. Tuloy ang sabong.