"...mamamatay akong hindi mamamalas ang pagsikat ng araw sa aking bayan... Kayong mga makakakita sa pagbubukang-liwayway, malugod ninyo siyang tanggapin, at inyong gunitain ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!"-Elias, Kabanata 54[1]1: Isang Pagtitipon[2]
Isang marangyang salu-salo ang ipinag-anyaya ni Don Santiago de los Santos na higit na popular sa taguring Kapitan Tiago. Ang handaan ay gagawin sa kanyang bahay na nasa Kalye Anloague (na ngayo'y Kalye Juan Luna) na karatig ng Ilog Binundok.
Ang paayaya ay madaling kumalat sa lahat ng sulok ng Maynila. Bawat isa ay gustong dumalo sapagkat ang mayamang Kapitan ay kilala bilang isang mabuting tao, mapagbigay at laging bukas ang palad sa mga nangangailangan. Dahil dito, ang iba ay nababalino kung ano ang isusuot at sasabihin sa mismong araw ng handaan.
Nang gabing iyon dagsa ang mga panauhin na gaya ng dapat asahan. Puno ang bulwagan. Ang nag-iistima sa mgta bisita ay si Tiya Isabel, isang matandang babae na pinsan ng may-bahay. Kabilang sa mga bisita sina tinyente ng guardia civil, Padre Sibyla, ang kura paroko ng Binundok, si Padre Damaso na madaldal at mahahayap ang mga salita at dalawang paisano. Ang isa ay kararating lamang sa Pilipinas.
Ang kararating na dayuhan ay nagtatanong tungkol sa mga asal ng mga katutubong Pilipino. Ipinaliwanag niya na ang pagpunta niya sa bansa ay sarili niyang gastos. Ang pakay ng kanyang paglalakbay ay upang magkaroon ng kabatiran tungkol sa lupain ng mga Indiyo.
Nagkaroon ng mainitang balitaktakan ng mabanggit ng dayuhan ang tungkol sa monopolyo ng tabako. Nailabas ni Padre Damaso ang kanyang mapanlait na ugali. Nilibak niya ang mga Indiyo. Ang tingin niya sa mga ito ay hamak at mababa. Lumitaw din sa usapan ang panlalait ng mga Espanyol tungkol sa mga Pilipino noong mga nakalipas na araw. Mapanlibak si Padre Damaso. Kung kaya't iniba ni Padre Sibyla ang usapan.
Napadako ang usapan tungkol sa pagkakalipat sa ibang bayan ni Padre Damaso pagkatapos ng makapagsilbi sa loob ng 20 taon bilang kura paroko ng San Diego. Sinabi niya kahit na ang hari ay hindi dapat manghimasok sa pagpaparusa ng simbahan sa mga erehe.
Pero, ito ay tinutulan ng Tinyente ng Guardia Civil sa pagsasabing may karapatan ang Kapitan Heneral sapagkat ito ang kinatawan ng hari ng bansa.
Ipinaliwanag pa ng tinyente ang dahilan ng pagkakalipat ni Padre Damaso. Ito, umano ang nag-utos na hukayin at ilipat ang bangkay ng isang marangal na lalaki na napagbintangang isang erehe ng pari dahil lamang sa hindi pangungumpisal.
Ang ginawa ay itinuturing sa isang kabuktutan ng Kapitan Heneral. Kung kaya inutos nito ang paglilipat sa ibang parokya ang paring Pransiskano bilang parusa. Nagpupuyos sa galit ang pari kapag naaalala niya ang mga kasulatang nawaglit.
Iniwanan na ni Tinyente ang umpukan, pagkatapos nitong makapagpaliwanag. Sinikap ni Padre Sibyla na pakalmahin ang loob ni Padre Damaso. Lumawig muli ang talayan. Dumating ang ilan pang mga bagong panauhin. Ilan sa mga ito ay ang mag-asawang sina Dr. de Espadaña at Donya Victorina.
2: Si Crisostomo Ibarra
Dumating si Kapitan Tiyago at si Ibarra na luksang-luksa ang kasuotan. Binating lahat ni kapitan ang mga panauhin at humalik sa kamay ng mga pari na nakalimot na siya ay bendisyunan dahil sa pagkabigla. Si Padre Damaso ay namutla nang makilala si Ibarra.
Ipinakilala ni Kapitan Tiyago si Ibarra sa pagsasabing ito ay anak ng kanyang kaibigang namatay at kararating lamang niya buhat sa pitong taong pag-aaral sa Europa. Malusog ang pangangatawan ni Ibarra, sa kanyang masayang mukha mababakas ang kagandahan ng ugali. Bagamat siya ay kayumanggi, mahahalata rin sa pisikal na kaanyuan nito ang pagiging dugong Espanyol.
Tinangkang kamayan ni Ibarra si Padre Damaso sapagkat alam niyang ito ay kaibigang matalik ng kanyang yumaong ama. Ngunit, ito ay hindi inamin ng pari. Totoo, siya ang kura sa bayan. Pero, ikinaila niyang kaibigan niya ang ama ni Ibarra.