Kabiguan sa Pag-ibig

6.3K 7 0
                                    

Sa mata nga ba makikita ang tunay na nilalaman ng damdamin?Sa mga luha ba makikita ang kirot at sakit na nararamdaman ng taong tunay na nagmamahal? Paano kung sa mga ngiti naman pala nakakubli ang tila makapunit-sakit ng damdaming sanhi ng pagpaparaya?

Hindi ko mapilit ang aking mga matang lumuha sa sakit na aking nararamdaman ngunit ang dibdib ko'y dinudurog ng puso kong umiiyak. Naniwala ako sa mga salita niyang mapangako ngunit iyon pala'y mga pira-pirasong papel na kay daling liparin ng hangin. Pinilit kung ikubli sa aking mga ngiti ang lungkot na nararanasan. Pinilit kong tanggapin at paniwalaan ang kanyang mga mensahe na mahal na mahal niya ako,ngunit ang lahat pala'y may hangganan kahit sabihing mahal na mahal mo ang isang tao. Nagising ako sa isang katotohanang hindi pala ako minamahal ng aking kasintahan.

Masakit sa isang tulad kong babae na may mga ilang lalaki na nanliligaw lamang para makarami ng madaling napasasagot. Binibilang kung ilang babae ang kanilang pinaiikot. Marahil,ang ilan sa kanila'y hindi sapat ang daliri para bilangin ang mga inosenteng babaeng napaniwala nila. Kung bakit pa kasi may mga tulad kong madaling mapaniwala ng mga kagaya nilang manloloko. Ang alam lang namin na kasalanan ay "masyado kaming nagmamahal."

Bakit nga ba kabaliktaran ang pangyayari? Kung sino pa ang tunay na nagmamahal ay siyang madaling nasasaktan? Sa amin umiinog ang mundo ng pighati sanhi ng kataksilan ng mga mapaglaro sa pag-ibig.

Hindi ako marunong maglaro sa ngalan ng pag-ibig. Tumitibok lamang ang aking puso,at ang isip ko, minsan, sumusunod lamang sa agos ng pitik nitong pusong bumubuhay sa aking katawan.

Siguro,ang kanyang halakhak noong mapasagot niya ako ay umaalingawngaw sa buo niyang katawan. At ako naman ay nagpalunod sa mga ngiting animo'y ang sandali ay hindi magwawakas dahil sa paniniwalang talagang minamahal niya ako. Pero ang mga ngiting iyon ay napalitan ng hikbi ng kasawian.

Hindi ko alam kung paano ilalarawan ang kabiguang naranasan. Ang masasabi ko lang,nagmahal ako nang tunay ngunit pinaglaruan ng mapagkunwaring pag-ibig.

Ngunit ika nga,matatagpuan at makikilala mo rin ang inilaan ng Diyos na kapares ng iyong puso. Ito ang taong tatanggap at magmamahal nang buo sa iyo.

Miss M. (Dasmarinas City, Cavite)

SANAYSAYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon