Mga Buhay Na Bangkay Sa Sementeryo (Horror)

3.9K 84 27
                                    

GENRE: Horror, Thriller, Romance, Drama

THEMES: Zombies

Nasa sementeryo si Tina no'ng mga oras na iyon. Malapit nang dumilim dahil papalubog na ang araw. Rinig na rinig niya ang pagtangis ng kanyang tiyahin habang unti-unti nang binababa ang kabaong ng kanyang Tiyo Edmund sa huling hantungan nito.

"Edmund, mahal ko, bakit mo ako nagawang iwan?" patuloy na hagulgol ng kanyang Tiya Inday.

Inikot niya ang mga mata sa paligid at nakita niyang umiiyak ang lahat. Napakabuti kasi ng Tiyo Edmund niya pero binawian na agad ito ng buhay dahil sa sakit na brain tumor. Wala rin kasing maipantustos na pera sa sakit nito kaya ito binawian agad ng buhay.

Si Tina ay nanatili lang na walang emosyon sa mga nangyayari. Ni gapatak na luha ay walang lumabas mula sa kanya. Hindi rin niya alam kung bakit pero ayaw niyang makita ng lahat na malungkot siya.

Naglakad siya nang walang nakakapansin na umalis na pala siya. Mabagal lang ang lakad niya. Nagninilay-nilay... Nag-iisip kung bakit kaya ang mga taong mababait katulad ng Kuya Edmund niya ang maagang kinukuha ng Diyos. Bata pa ito at kakakasal lamang nito at ng Tiya niya.

Naisip niya, bakit ba napaka-unfair ng mundo? Buong buhay ng Tiyo Edmund niya ay puro kahirapan na ang niranas nito at sa pagdating ng Tiya Inday niya sa buhay nito ay doon lang ito naging masaya, pagkatapos ay hindi rin pala magtatagal iyon dahil hindi lang love life ang binigay dito kung hindi isa ring napakalalang sakit.

Kung mayaman lamang sila ay buhay pa sana ang tiyo niya dahil magagawa niyang maipagamot ito. Masaya pa sana sila ngayon...

Nagpatuloy lang siyang naglakad hanggang sa napansin niya na parang may isang puntod ang animo gumagalaw mula sa lupa.

Agad na tumayo ang balahibo niya sa katawan. Tumambol ang dibdib niya sa namumuong hinala sa isipan niya. Hanggang sa nagkatotoo nga ang hinala niya dahil napaatras siya nang makitang may kamay na biglang umangat mula sa lupa!

At nanlaki ng dahan-dahan ang mga mata niya nang mula roon ay may bumangong isang lalaki na naaagnas na ang katawan!

"Lu. Ma. Pit. Ka. Kailangan kitaaa..."

"A-ahhhhhhhh!!!!!" Hindi na siya nakapagpigil at tuluyan na siyang napasigaw sabay takbo palayo sa zombie.

Tumakbo siya nang matulin na parang wala nang bukas. Isa lang ang tumatakbo sa isipan niya no'ng mga oras na iyon, kailangan niyang makaligtas!

Nililingon niya ang zombie habang tumatakbo at napansin niya na parang hirap ang paggalaw nito. Marahil ay dahil halos wala na itong balat at kita na nga niya ang bungo nito sa ulo!

Nakangisi ito habang nakahabol sa kanya, may mga sinasambit itong salita na halos hindi na niya maintindihan at nakataas din ang dalawang kamay nito na para bang gustong-gusto siya nitong sakalin at isama sa hukay nito.

"Tulong! Tulungan ninyo ako!" pagsigaw niya sa pagbabakasakali na may makita siyang tao roon. Pero dahil sa lingon takbo na ginagawa niya ay nadapa lamang siya hanggang sa maabutan na siya nito!

"A. Kin. Ka... Pa. Pa. Ta. Yin. Kitaaa!!!" mataas na ang boses na sambit ng zombie.

"Hindi! Lumayo ka sa akin!" pagsigaw niya. Pinipilit niyang tumayo pero hindi na gumagalaw ang mga paa niya. Namanhid na iyon sa sobrang hilakbot.

Habang papalapit ang buhay na bangkay ay doon lamang niya napagmasdang maigi ang nakakatakot na hitsura nito. Ang kalahating mukha nito ay inuuod na at nakikita na niya na nakalabas na rin ang utak nito. Isa na lang ang natitira sa mga mata nito at bulok na rin ang lahat ng ngipin nito. Halos masuka-suka siya sa uod na nagsisilabasan sa kakapiranggot na balat nito, lalo pa at punit-punit na rin ang damit nito at naghalo na ang dugo at putik mula sa hukay sa buong katawan nito.

PART OF REEDZ MAGAZINE ONESHOT (PUBLISHED BY PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon