Magtitiwala Ka Pa? (Inspirational)

379 14 1
                                    

Genre: Inspirational
Theme: Poverty

Kagagaling ko lang mula sa trabaho nang bumuhos ang napakalakas na ulan. Agad akong pumasok sa Jollibee at naupo saglit habang nagpapatuyo.

Tatayo na sana ako para mag-order ng kakainin nang bigla na lamang nagtama ang mata namin ng may edad nang babae na mag-isa rin katulad ko. Nilapitan niya akong bigla sabay sabing nadukutan daw siya sa loob mismo ng simbahan at wala raw siyang pamasahe pauwi pabalik ng Batangas.

Biglang naging awkward ang pakiramdam ko. Bago kasi ako may sabihin ay inunahan niya na akong magsalita. Ang sabi niya ay hindi raw siya masamang tao. Willing daw siyang doblehin ang perang ipahihiram ko. Tinanong pa nga niya ako kung estudyante ba raw ako o marunong ba raw ako sa Cebuana Lhuiller. Sumagot naman ako ng oo at ang sabi ko ay nagta-trabaho ako sa Makati.

Sabi niya, "Nagdadasal ako sa Diyos kanina na sana ay may ipadala siya na maaring tumulong sa akin. Hindi ako masamang tao, miss. Kailangan ko lang talagang makauwi na sa mga anak ko."

Habang nagsasalita siya ay iba't-ibang bagay ang naglalaro sa isip ko. Na kung totoo nga kaya ang sinasabi niya? Talaga nga kayang nadukutan siya o gawa-gawa lang niya iyon?

Pumasok bigla sa isip ko ang sinabi ng isa sa mga ka-trabaho ko noon. Na mayroon daw siyang isang kakilala na nawalan ng twenty thousand. Pang-tuition fee raw sana iyon ng kaibigan niya pero nalapitan din daw ito ng taong hindi nito kilala sa kalye at magaling daw magsalita ang taong iyon. Para raw biglang nahipnotismo ang kaibigan niya at para bang nadala sa sinabi ng nakausap niya kaya naibigay nito ng kusa ang pera.

Nang dahil sa kwentong iyon ay nagkaroon ako ng alanganin sa dibdib ko. Pero ang matandang ito sa harapan ko ay tila nakakaawa. Umuulan sa labas at napakalamig. Disente naman ang suot niya at ang sabi nga niya ay may grocery daw sila sa probinsya.

Pero napaisip lang ako. Mayroon ba talagang tao na maglalakas loob magnakaw sa harap mismo ng Diyos? Sa loob mismo ng simbahan? At kung totoong nanakawan nga siya, bakit siya may dala pa ring bag? Bakit hindi siya sa mga pulis nagsumbong at hindi sinubok makitawag man lang para masundo siya ng mga kakilala niya? Sa halip ay mas inuuna niya pang maghanap ng pamasahe.

Naisatinig ko ang tanong sa isip ko. "'Nay, bakit hindi po kayo makitawag at magpasundo sa mga kamag-anak ninyo?" tanong ko.

"Nasa malayong probinsya ang lahat ng kamag-anak ko, anak. Tanging ako at ang mga anak ko lamang na maliliit ang nasa Batangas. Ako ay hiwalay na sa aking asawa at naparito ako sa Manila para asikasuhin ang pormal na pakikipaghiwalay ko sa kanya. Marami akong inasikasong papeles. Hindi ko naman akalain na pag-uwi ko ay bigla akong madudukutan." Bahagya pang umiiyak na ang kaawa-awang matanda.

Nahabag naman ako. Duda man ay kinuha ko ang kakarampot na perang dala ko. "Ito lang po ang makakayanan ko, 'nay, eh. Saktong pera lang kasi ang dinadala ko kapag papasok ako. Pambaon ko sana ito pero sige, inyo na lang," sabi ko sabay abot sa kanya ng tatlong daan.

"Limang daan ang kailangan ko, ineng. Baka naman pwedeng dagdagan mo pa," hirit pa niya na parang hindi naniniwalang iyon lang ang dala ko.

"Pasensiya na po talaga pero iyan lang talaga ang pera ko, eh. Mauna na ho ako..." sabi ko sabay tayo na.

Dumiretso ako sa simbahan ng Baclaran. Pinagdasal ko iyong babaeng nanakawan daw sa loob niyon. Wala naman akong napansin na kahina-hinalang tao sa paligid ko kaya lumuhod na lang ako at nagdasal sa Diyos. Ipinagdasal ko iyong babae kanina. Na sana ay makauwi na siya kahit kulang sa hinihingi niya ang naibigay ko. Pinagdasal ko na sana ay hindi na dumami pa ang mga katulad niya na hindi pinapalad sa Manila.

Habang taimtim akong nagdarasal ay may batang nangalabit sa akin at hiwakan ang laylayan ng damit ko. Nanghihingi ng pera. Dahil naibigay ko na ang pera sa matanda na nasa Jollibee ay wala na akong maibigay ngayon sa bata. Naisip ko na may cupcake pa pala akong hindi nakakain sa bag kaya ibinigay ko iyon sa kanya. Pero sa halip na matuwa ay hinagis pa niya iyon sa akin pabalik. Mas gusto niya raw ng pera.

Nang sinaway ito ng lalaking naroon ay nilubayan na ako ng bata. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagdadasal at hiniling ko sa Diyos na sana ay mabawasan na ang mga batang namamalimos at natutulog sa tulay ng Baclaran.

Araw-araw ay hindi lang iisa ang mga batang namamalimos sa akin doon sa Baclaran. Ang sabi ng isa sa mga kaibigan ko noon ay huwag daw akong magbibigay ng pera o pagkain sa mga ito. Dahil baka raw mamihasa. May mga magulang naman ang mga iyon na namimihasa kapag nabibigyan ang anak ng mga ito. Baka raw maisip ng magulang ng mga pulubi na hayaan na lang ang anak ng mga ito na mamamalimos. Tutal naman ay nabubuhay na sa gano'n lang.

Naisip ko na may punto naman ang kaibigan ko sa sinabi niyang iyon. Pero naisip ko rin na dapat ko bang tikisin ang mga batang nakikita ko sa kalye na nagugutom? Tama ba na itigil ko ang pagbibigay sa kanila ng pagkain? Tama ba na tumigil ako sa pagbili ng kumot para ibigay sa mga batang halos natutulog na sa hagdan ng overpass?

Tama nga siguro na may posibilidad na mamihasa ang magulang ng mga ito pero kasalanan ba iyon ng mga bata? Mga bata na hindi kataka-takang nagkaroon ng masamang pag-uugali katulad ng batang nagalit sa akin kanina nang hindi ko ito binigyan ng pera dahil wala itong wastong paggabay ng mga magulang. Hindi ito natuturuan ng masama at tama.

Ah, hindi ko na alam kung tama ba ang ginagawa kong pagtulong o hindi. Kung nakakatulong nga ba iyon. Pero tunay nga talaga na maawain ang mga Pilipino. Hangga't may nakikitang taong nangangailangan ay tutulong sa abot ng kanyang makakaya.

Lumabas na ako ng simbahan. At nagulat ako nang makita ang matandang lumapit sa akin kanina sa Jollibee. Hindi naman niya ako napansin pero kitang-kita ko na nag-yo-yosi lang siya at prenteng katawanan pa ang isa sa mga lalaki roon na sa tingin ko ay matagal na niyang kakilala.

"Nabiktima ka rin ba niya?" Nagulat ako nang makitang may lalaki na pala sa likuran ko.

Maputi siya. Matangkad. Mukhang matalino at disente. Gwapo.

"Hindi ko alam," sabi ko na lang. Mukha kasing alam niya kung ano ang nangyari sa akin base sa tanong niya.

"Modus na ng babaeng iyan dito na lumalapit sa kung sinumang tao na nakikita niyang mag-isa. Magpapanggap siya na baguhan sa Manila at sasabihin niya na nadukutan siya, nawawala o namatayan ng kamag-anak. Kanina pa kitang tinitingnan kaya nakita ko na nagbigay ka ng tatlong daan sa kanya kahit iyon na lang ang laman ng pitaka mo na ipangkakain mo sana sa Jollibee. Kahit ang cup cake mo ay ibinigay mo pa ro'n sa bata. Hindi ko alam kung mabait ka o sadyang tanga ka lang. Hindi ka dapat nagtitiwala kaagad sa mga taong hindi mo naman kilala. Ni hindi ka man lang ba nagsisisi? Sayang din iyong tatlong daan mo," nakangising sabi nito.

Nginitian ko lang ang lalaki. "Hindi ako nagsisisi kahit nalaman ko na naloko ako. Alam mo kung bakit? Dahil tutulungan ko ang kahit na sinumang tao na nangailangan ng tulong ko. Palagi kong inilalagay ang sarili ko sa sitwasyong ginagalawan nila. Paano kung nagkataon na talagang nanakawan nga ang babaeng iyon? Paano kung talagang kailangan nga niyang makauwi para maalagaan na ang mga anak niya na nangangailangan ng pagkalinga ng isang ina? Paano kung nagkataon na hindi nga siya nagsisinungaling? Ipagkakait ko ba ang kaunting tulong na kaya ko namang ibigay?" sabi ko.

Natigilan ang lalaki.

"Kahit na hindi ko man siya nahuli ay nakikita ng Diyos kung ano ang ginagawa niya. Ginagawa ko lang ang sa tingin kong tama. Kung nagkataon na hindi pala totoo ang sinasabi ng kahit na sino ay at least, wala akong pagsisisihan. Ang Diyos na ang bahala sa mga taong ginagawa ang lahat makapanlamang lang ng kapwa. Dahil ang Diyos ay hindi bulag..."

Iyon lang at iniwan ko na ang lalaki na napatulala na lang sa akin. Napunta man sa yosi ang perang inakala ko na nakatulong sa isang taong nangangailangan ay hindi ako pinanghihinaan ng loob. Dahil kahit anumang mangyari ay tutulong pa rin ako sa mga taong nangangailangan. Dahil iyon ang niloloob ng Diyos...

- WAKAS...

PART OF REEDZ MAGAZINE ONESHOT (PUBLISHED BY PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon