Inabot na si Yul ng alas-diyes y medya ng gabi sa pagpunta sa Aklatan ng San Martin de Dios Avila. Dalawang baranggay ang layo sa police station kung saan sila nakadestino. Ipinarada niya ang sasakyan sa harapan ng malaking aklatan at tiningnan ito mula sa malayong distansya.
May kadiliman sa paligid, abandonado ang lugar, bakas na matagal nang pinabayaan ang aklatan. Tahimik at kakaiba ang lamig, mararamdaman kahit sa malayo ang lungkot ng gusali.
"'Toy, may pagkain ka ba diyan?" tanong ng gusgusing matandang lalaki sa gilid. Nakalahad ang palad nito upang manghingi ng panlaman tiyan kay Yul.
"Ay, pasensiya na ho, tatang. Wala ho akong dala ngayong pagkain." Nilingon niya ang paligid. Nakakita siya ng umiilaw na signboard ng 7-Eleven mula sa malayo. "Sandali lang ho."
Eksakto, wala pang hapunan ang binata. Pumunta si Yul sa convenience store upang bumili ng makakain nilang dalawa ng matanda. Agad din siyang bumalik at iniabot sa nanlilimos ng pagkain ang isang cup ng noodles meal at mineral water.
"Salamat, 'toy," nakangiti nitong sinabi habang pinagdadamutan ang bigay rito ni Yul.
Naupo si Yul sa sidewalk, katabi ng matandang manipis na ang pilak na buhok. Marami rin itong pekas at guhit sa mukha. Maging ang suot nitong damit ay puting naging abuhin na lang gawa ng makapal na dumi at polusyon.
"Bakit ho nandito kayo, 'tang? Bakit hindi kayo pumunta sa DSWD para matulungan kayo?" tanong ng imbestigador habang sinasabayan itong kumain ng binili niyang noodles para naman sa kanya.
"Pinalalayas din nila kami roon kaya inunahan ko na."
"Bakit ho palalayasin e serbisyo ho ng gobyerno 'yon?"
"Ay, 'toy, kung alam mo lang."
Napasulyap si Yul sa matandang takaw na takaw sa noodles na bigay niya rito. "Kung ayaw ho ninyo sa center, bakit nandito ho kayo e madilim ho rito. Delikado ho kapag natiyempuhan kayo ng mga siraulo."
"Matagal na ako rito at wala pang mga siraulong naliligaw rito na nagpahamak sa akin."
Iginala na naman ni Yul ang tingin sa paligid. Hindi naman sa ayaw niyang sabihing tama ang matanda ngunit kung siya rin naman ang nasa katayuan ng ibang tao, hindi siya tatambay sa ganoong lugar na para bang napakabigat sa pakiramdam kung titingnan mula sa malayuan.
Saglit siyang natigilan sa pagkain at mabilis na tiningnan ang matanda. "Teka ho. Matagal na ho kayo rito? Gaano na ho katagal?"
"2003 pa lang, nandito na ako. Kinuha ako noong 2006 ng mga tao sa social welfare kaso umalis ako roon at bumalik dito pagkalipas ng isang taon."
"Matagal na ho pala." Idinako ni Yul ang tingin sa aklatan. "Bukas ho ba kaninang hapon 'yang library?"
Napatingin din ang matanda sa aklatang tinutukoy ni Yul. "Higit sampung taon nang sarado 'yan. Pinasara kasi ang daming kamalasang nangyayari sa mga empleyadong pumapasok diyan."
"Teka ho," nagtatakang putol ni Yul. "Higit sampung taon? Pero kagagaling lang ng kasamahan ko diyan sa loob niyan kaninang hapon lang."
"A, 'yon bang binatang mukhang action star ang itsura?"
Pinigil ni Yul ang pagtawa sa sinabi ng matanda sa kasamahan nila. "Oho, iyon nga ho."
"Ay, oo. Galing nga siya diyan sa loob. Nababaliw na yata ang batang 'yon, may kinakausap sa loob e wala namang kahit sinong tao ang pinapayagang pumasok diyan pagkatapos ng huling insidente noong nakaraang sampung taon."
Sandaling nabalisa si Yul at natuon ang pagkatulala sa maalikabok na kalsadang iniilawan ng kalapit na poste sa dulo ng kanto.
Nakaraang linggo lang ang nangyaring pagkamatay ng magbabarkadang hawak nila ang kaso.
BINABASA MO ANG
Ikawalong Katha ni Harmonica
Mystery / ThrillerSikat siyang manunulat at minsan nang hinangaan ang kanyang mga gawa. Pitong istorya ang kanyang nilikha at ang ikawalo ang may dala ng sumpa. Subukang basahin ang naunang pito, matatagpuan mo sa dulo ang ika-walo. Sa pagbilang mo ng tatlo, maki...