Nakakubling Katotohanan

473 47 11
                                    


Kumportableng nakaupo si Ethan sa sofa ng sala ng bahay ng mga Almediere. Makailang ulit siyang tumingin sa paligid at pansin ang lamya sa buong lugar kahit maaliwalas.

"Wala pa rin ho bang balita sa anak ko, Sir?" tanong ng ina ni Voltaire nang mailapag na nito ang dalang inumin para kay Ethan.

"Misis, ginagawa ho namin ang lahat para lang ho mahanap ang anak ninyo. Kaya nga ho ako narito, naghahanap ako ng sagot sa mga tanong namin." Sinulyapan ni Ethan ang hagdan ng bahay paakyat sa ikalawang palapag. "Noong araw na nawala ho ang anak ninyo, narito ho ba kayo?"

Napailing ang ina ni Voltaire at agad na napayuko. "Mag-isa lang siya rito noong gabi na nawala siya. Nasa trabaho pa kasi ang Papa niya at madaling-araw na nakakauwi. Ako naman, pumunta sa kabilang subdivision. Tinawagan kasi ako ng kapatid ko kay nagpapatulong sa pagluluto ng handa sa birthday party ng anak niyang bunso. Sanay naman si Volt na naiiwan dito sa bahay mag-isa. Hindi ko lang inaasahan na..." Napatakip ng bibig ang ginang at hindi na naituloy ang nais sabihin dahil mangiyak-ngiyak na ito sa kwento niya.

"Mahahanap rin ho namin ang anak ninyo, Misis."

"H-hindi pa..." Nagpunas ng luha ang ginang. "Hindi pa naman... p-patay si Volt, 'di ho ba?"

Napahugot ng malalim na hininga si Ethan sa tanong na iyon. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong na hindi niya alam ang magandang sagot.

Tumayo si Ethan at nagpagpag ng pantalon. "Misis, titingnan ko ho uli ang kwarto ng anak ninyo, maaari ho ba?"

Pumayag naman ang ginang sa pakiusap niya. Alam niyang hindi binigyang-pansin ng mga CIDU ang kaso ni Voltaire Almediere dahil missing person lang ang inilagay nilang kaso rito hindi gaya ng iba nitong kaibigan na alangan pa ang paglalagay ng klase ng kaso-- hindi pa sigurado kung homicide ba o mass murder.

Isang tao ng Crime Investigation and Detective Unit ang inutusan niyang kunin ang librong hawak ni Voltaire Almediere na In Flagrante Delicto na gawa ni Harmonica. Tatlong araw pa ang lumipas pagkatapos ng mga nangyaring sabay-sabay na pagkamatay ng anim na binatilyo bago niya nalamang may hawak pala na libro ni Harmonica ang bata.

Pinakuha lang niya ang libro. At sa pagkakatanda niya'y iyon pa lang ang unang beses niyang makatapak sa kwarto ng nawawalang biktima.

"Ang akala namin, baka nakitulog lang siya sa mga kaibigan niya kaya hindi ko pa hinanap nung gabi..." sabi ng ina ni Voltaire. "Iniisip ko nga na baka nag-overnight na naman siya kina Trevor."

Nilibot ng tingin ni Ethan ang buong kwarto. Napakaraming libro sa loob at mga laruang binubuo. Nasa sulok ang kama na nasa ilalim lang ng bintana.

"Nagulat lang ako noong hinanap ko na siya kina Shiela kay ang sabi nito namatay raw ang anak niya dahil nalason. Hindi raw nila malaman kung paano nangyari. Dinala sa ospital kaso nagpatawag daw ng pulis pagkatapos."

"Yung libro ho na kinuha rito, saan ho nakita?" tanong ni Ethan.

Itinuro naman ng ginang ang study table ni Voltaire. "Diyan siya madalas magbasa. Yung libro na kinuha ninyo, hindi ko alam kung saan niya naunang nakuha. May may-ari ho ba ang libro na 'yon? Napansin ko ho kasing iyon lang ang kinuha ninyo rito sa bahay at hindi na nag-imbestiga pa nang maigi."

Tumango lang si Ethan at sinagot ang tanong ng ina ni Voltaire. "Importante lang ho yung libro. Narito ho ako ngayon para mag-imbestiga." Nginitian niya ang ginang. "Okay lang ho ba kung iwan n'yo muna akong mag-isa rito? Baka sakaling may makita akong makakatulong sa paghahanap sa anak ninyo."

Madaling pumayag ang ginang sa pakiusap ni Ethan. Lumabas ito ng kwarto ng anak at sinara ang pinto.

Muling inusisa ni Ethan ang buong kwarto. Lumapit siya sa isang maliit na bookshelf na nakatayo sa kanang bahagi ng kwarto. Pinadaan niya ang hintuturo roon at napansin ang kumakapal nang alikabok.

Ikawalong Katha ni HarmonicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon