Ang Ikawalong Katha ni Harmonica

402 34 1
                                    


Ang Ikawalong Katha ni Harmonica

Nakaupo si Voltaire Almediere sa isang kahoy na upuan sa paanan ni Ethan na kasalukuyang nakagapos sa isang tabla. Duguan ang binatilyo, maraming laslas ang braso ng mga makalumang simbolo.

"Ulysses," tawag ni Inspector Iñigo sa kasamahang kasalukuyang nakatayo sa harap ng mga aklat ni Harmonica. Kinuha na niya ang dalang baril at itinutok kay Yul.

"A-ang libro... I-Iñigo--"

"Libero eos. . ."

Lumabas ang napakaraming dugo sa mga simbolo sa katawan ni Voltaire habang binabanggit ni Yul ang mga salitang Latin.

"Ethan, ano bang nangyayari?!" Napupuno na ng takot at pagkalito si Iñigo. "Buwisit!" Naghanap ng pinakamalapit na labasan si Inspector Iñigo kung sakaling ililigtas niya at maitatakbo ang binatilyo at si Ethan. Una niyang napansin ang babasaging bintana sa kanan. Maaari niya iyong basagin kung patatamaan ng bala. Natigilan lang siya nang makita si Yul na iba ang imahe sa salaaming bintana.

"De vinculis. . ."

Dahan-dahan niyang inililipat ang tingin kay Yul na patuloy lang sa pagbanggit ng hindi niya maunawang mga salita.

"I-Iñigo--"

Napailing na lang si Inspector Iñigo at itinututok muli ang baril kay Yul. "Bahala na!" sigaw niya at nagpapaputok ng baril para puntiryahin si Yul.

"Mortis."

Isang nakabibinging tunog ang nakapagpangilo kay Inspector Iñigo at dahilan ng kanyang mariing pagpikit.

"Tama na!" sigaw ng inspektor habang tinatakpan ang tainga niya dahil sa malakas na ingay na bumabaon sa kanyang utak.

Nakabubulag na liwanag ang bumalot sa loob ng abandonadong silid-aklatan at ilang sandali pa'y naging tahimik na muli ang paligid.

.

.

.

.

.

"Malapit ko na siyang matapos," boses ng isang bata ang narinig ni Inspector Iñigo. Dumilat ang kanyang paningin at nakita ang isang batang lalaking nakaupo sa isang mesang kainan habang nagsusulat. Hawak nito ang isang makalumang panulat at kuwadernong may kalakihan.

Naka-unipormeng marumi ang batang lalaki, bahagyang magulo ang buhok na itim at kapansin-pansin ang pasa sa kanang pisngi nito at namamaga ang kanang matang nagdudugo ang puting bahagi. Mukha itong nabugbog nang malubha at putok pa ang labi.

"Ang utos ni Ama'y huwag mo nang ipagpatuloy ang iyong mga sulatin. Tinawag ka niyang demonyo kanina. Alam mo pa ba ang ginagawa mo, Miguelito?"

Napalingon ang inspektor at nakita ang batang kahawig na kahawig ng batang nagsusulat. Ang kaibahan ay wala ito ni isang galos at napakaayos ng postura.

Inusisa ni Inspector Iñigo ang paligid at napansing nasa isang lumang bahay sila. Maging ang ayos at kasuotan ng batang nakapostura.

"Subalit, Kuya—"

"Hindi nagugustuhan ni Ama ang iyong ginagawa, Miguelito."

Napatungo ang batang manunulat. Napakunot ang noo ng inspektor nang biglaan itong ngumisi.

"I-ikaw. . ." bulong ng inspektor. Kilala niya ang ngising iyon.

Gaya ng ngisi sa larawang kinuhaan sa camera ni Voltaire Almediere.

Ikawalong Katha ni HarmonicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon