Chapter Two

14.8K 412 14
                                    


ALAS TRES y medya ng hapon nang batiin si Vera Mae ng arkong nagsasaad na nasa Baguio City na siya. She took all the connecting expressways to reach Baguio earlier pero hindi niya inaasahang maraming nire-rehabilitate na kalsada ang dadaanan kaya naantala din siya sa oras na target niya.

She maneuvered her wheel to a familiar road. Malayo-layo pa siya subalit tanaw na niya ang mahabang pader at malaking gate. Ang pader ay ginagapangan ng ivy na matanda pa sa kanya. Nakalakhan na niyang nakakapit ang halaman na iyon sa pader. Ang malaking gate at alaga din sa regular na pagpapalit ng pintura. Nang ibaling niya sa huling kurbada ang sasakyan nasilip niya ang rangya ng bahay-bakasyunan ng kanyang Lolo Alfonso. As always, it looks old, grand and imposing. Saksi ang bahay na iyon sa mga pangyayari at kasaysayan ng lungsod.

Nang itutok niya ang pick-up sa gate, tila awtomatikong bumukas iyon. Nagbaba siya ng bintana at nginitian ang may edad na lalaking nagbukas sa kanya.

"Magandang araw sa yo, Mimi." Bahagya pa itong yumukod sa kanya.

"Salamat sa pagbubukas ng gate, Tata Fidel. Mabuti ho at nandito kayo sa bakuran."

"Hindi ako nakapagwalis kaninang umaga kaya ngayon ko ginagawa. Hindi ka man lang nagpasabing aakyat ka. Ano ba ang gusto mo para sa hapunan?"

"Saglit lang ho. Ipaparada ko itong sasakyan."

Dinatnan niya sa malawak na garahe ang isang itim na Vespa. Luma na ang scooter pero makintab na makintab at halatang alaga sa punas. Ang alam niya ay kay Brian iyon. Regalo iyon ng amang si Fidel maraming taon na ang nakakaraan. Segunda mano iyong nabili subalit nasa maayos na kondisyon. Sabi ni Tata Fidel, talagang pinag-ipunan nito ang pambili niyon para mapaluguran ang anak. Pero malamang ay bihira nang gamitin ng binata iyon. Bukod sa truck na madalas nitong sakyan ay mayroon itong isang Ducati at Ford Ranger na parehong bago pa. Kung nasaan ngayon ang mga sasakyan iyon ay wala siyang ideya. Hindi naman nito maaaring sakyan ang mga iyon nang sabay-sabay.

"Repolyo at carrots lang ang meron ako diyan saka dinaing na bangus. Ano ba ang gusto mo at sasaglit ako sa palengke?" Sumunod na pala sa kanya ang matanda. Gaya ng dati, aligaga ito sa pag-estima sa kanya. Nakasaayan na niyang ganoon ito sa kanya. Kay Tata Fidel, hindi man niya gusto ay parang among-amo ang pakiramdam niya--- isang bagay na ikinaiilang niya.

"Kung ano na lang ho ang meron diyan. Kaunti lang naman ang kinakain ko sa hapunan." Inabot niya dito ang isang supot na tinapay. "Para sa inyo ho."

"Naku, salamat. Naalala mo ako."

Nginitian niya ito. "Syempre naman, Tata Fidel. Hindi nga pala ako magtatagal dito. Ang totoo, kung napaaga lang ako ng dating ay balak ko na sanang dumiretso na sa Sagada. Kaso alanganin na ang oras at tiyak na mapapagalitan lang ako doon pag nagpilit pa akong magbyahe."

"Tama naman, ineng. Delikadong abutan ka ng dilim sa liko-likong daan. Mabuting magpahinga ka muna at ako na ang bahala sa hapunan. May dala ka ba diyan na kailangang ipasok sa loob? Ako na ang bubuhat."

"Konting pasalubong lang ho para sa mga dadatnan ko sa Sagada. Yung ref nga pala? Umaandar ba? May mga dala kasi akong maganda sana kung mailagak muna sa ref."

"Isasaksak ko. Alam mo namang pag mag-isa lang ako dito, hindi ko naman kailangan na magbukas pa ng pridyeder."

"Lagi kayong mag-isa dito?"

"Madalas. Si Brian ay walang oras ang dating. Minsang nandiyan, madalas naman ay nasa byahe. Alaga naman akong tawagan ng batang iyon kaya ayos na rin. Mahalaga ay nalalaman ko kung nasaan siya. Bago ka dumating, katatawag lang niya. Nandiyan lang daw siya sa bagsakan sa La Trinidad. Pero wala namang binanggit kung dito maghahapunan. Kadalasan ay nakakain na sa labas ang batang iyon. Siya, ako nang bahalang magpasok sa ref ng mga iyan maya-maya. Magpahinga ka na muna sa kwarto mo."

"Salamat, Tata Fidel. Ngayon ngang nakababa ako ay saka ko naramdaman ang pagod at ngalay dala ng mahabang biyahe."

"Sige na. Ako nang bahala dito. Kakatukin na lamang kita pag handa na ang pagkain."


******

Hello, readers!

Thank you for reaching up to this part.

For some years, readers had the opportunity to enjoy reading this over and over again for FREE.

However, this time around, the complete story found its new home at Dreame. (Ang Dreame ay isa ring reading app na gaya ng Wattpad. Hanapin lamang sa Google Playstore (for Android users) at sa iPhone users, pakihanap na lang din.)

You can search me on Dreame under the username Jasmine Esperanza.

Thank you so much.

*****

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor  

Barely Heiresses - VERA MAETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon