*****
Ilang ulit ikinurap at kinusot ni Lena ang mga mata. Gusto niyang makasigurado kung totoo nga ang kanyang nakikita. Nakatayo at hinihintay siya ng kanyang kuya sa labas ng gusali ng Luxuria. Ngumiti ito pagkakita sa kanya habang natutulala siyang lumalabas ng pinto. Gustong tumulo ng kanyang mga luha sa tuwa. Nang makalapit sa kapatid ay agad siyang napayakap dito. Walang mapaglagyan ng kaligayahan ang kanyang dibdib.
"Kuya naman bakit hindi mo sinabing lalabas ka na pala ngayon. Sana nasundo kita." mangiyak-ngiyak na wika niya habang nakasandal ang mukha sa dibdib ng kapatid.
"Hindi ko rin inaasahan na makakalabas ako kaagad. Saka hindi na kita pinasabihan, alam ko naman kasing may trabaho ka."
Kumawala sa pagkakayakap si Lena at nakangiting pinahid ang nangingilid na mga luha. Natataranta pa rin siya kung ano ang magiging reaksiyon sa paglaya ng kapatid. Hirap pa rin siyang maniwala na pagkalipas ng mahigit limang taon ay ngayon lang ulit ito nakaapak sa lupang hindi nasasakupan ng miserableng kulungan.
"Teka lang kuya, magpapaalam muna ako sa boss ko. Maga-undertime na ako, ayokong paghintayin ka ng matagal. Sasamahan na kita pauwi ng bahay para makapagpahinga ka na...T-Teka, nasan pala ang mga gamit mo? Iniwan mo ba sa loob? K-Kung gusto mo mamili muna tayo..."
"Lena..." pagputol ni Charles sa mabilis na pananalita ng natatarantang kapatid. " hindi ako uuwi ng bahay."
"Anong ibig mong sabihin?"tanong ng dalaga na sa mga sandaling iyon ay biglang nawala ang mga ngiti sa mukha.
"Didiretso na ako ng hospital," tumingin ang lalaki sa isang nakaparadang kotse. "Kasama ko sina attorney. Nagrequest lang ako na idaan dito para makita ka."
"Pwes sasama ako sa hospital!"
"Huwag na Lena. Huwag mo ng abalahin ang sarili mo. May trabaho kang hindi mo dapat pabayaan."
"Kuya uunahin ko pa ba naman ang ibang bagay kaysa sayo."
"Wag kang mag-alala may magbabantay din sa akin. Inaasikaso nila akong mabuti, Lena. Hindi nila ako pinapabayaan. Nakita mo naman nailabas nila ako ng kulungan ng hindi ka na inabala pa. Hayaan mong ako na ang mag-asikaso sa sarili ko. Dalaw-dalawin mo na lang ako pag may libre kang oras pero higit sa lahat unahin mo muna ang mga bata at ang trabaho mo."
"K-Kuya naman. Ako ang pamilya mo kaya ako dapat ang nag-aasikaso sayo."
BINABASA MO ANG
You Gave Me A Reason
RomantikWarren experienced his most unforgettable frustration in the hands of his first love, Lena. The unbearable pain pushed him to change himself to become the best and be a man whom any woman couldn't afford to resist. He achieved everything he dreamed...