*****
Ayaw dalawin ng antok si Warren. Nakahiga lang siya sa kama at nakatitig sa kisame. Paulit-ulit na bumubuntong hininga. Kanina pa walang laman ang isip niya maliban sa larawan ng mukha ni Lena.
Kinapa niya ang dibdib. Ilang araw na siyang ganito, simula pa nang mahalikan niya ang kaibigan ng wala sa plano. Hindi na maalis-alis sa isipan niya ang matatamis na mga labi nito. Walang sandaling hindi siya nahihirapang tumingin ng diretso sa mga mata ng kaibigan. Sa tuwing makikita niya ito ay naglalaro sa isip niya na sana ay muling maulit ang mga halik na iyon.
Paulit-ulit niyang sinuntok ang dibdib. Hindi niya gusto ang nangyayari sa sarili. Hindi siya maaring magkamali ulit. Isang malaking katangahan kung hahayaan niya na namang mabuhay ang dating malalim na pagmamahal niya sa babae.
Maganda na ang samahan nila ni Lena. Kapag hinayaan niyang mahulog na naman ng labis-labis ang loob niya dito ay maaaring may masaktan na naman isa sa kanila at bukod dito maaaring ikasira na naman ito ng namumuo ulit nilang pagkakaibigan. Sa tingin niya ay pansamantala muna niyang ididistansiya ang sarili. Kailangan niya ng kaunting panahon para makapag-isip isip at itama ang maling nararamdaman. Akala niya ay naging matigas na ang kanyang puso dahil sa mga naranasang sakit ngunit nananatili pa rin pala itong malambot pagdating sa iisang babae.
Sumagi sa isip niya ang nangyari buong araw. Pinilit niyang maging malamig lay Lena subalit kasabay nito ay binabagabag naman siya ng pag-aalala na baka nasaktan niya ang damdamin ng babae. Dahil sa takot sa sarili na muling magkamali, tila nasobrahan yata ang ginawa niyang paraan ng pag-iwas. Nag-aalala naman siya ngayon na baka magtampo at mag-isip ng ibang bagay ang kaibigan.
Samantala sa kabilang dako, hindi rin dalawin ng antok si Lena. Buhay na buhay pa ang kanyang isipan habang kinakantahan at tinatapik ang katabing si Chacha. Katabi niya rin sa higaan ang kanyang telepono na maya't maya niyang nililingon. Gusto niyang kausapin si Warren. Ayaw niyang lumipas ang araw na hindi maaayos ang namuong tensyon sa kanilang dalawa. Ngunit nagdadalawang-isip siyang maunang tumawag. Tumututol ang kanyang pride dahil kahit anumang pag-aanalisa ang gawin niya, wala siyang nagawang kasalanan dito.
Pansamantalang idinaan niya na lang muna sa pagkanta kay Chacha ang pagkabagabag. At ilang saglit lamang ay tumunog ang kanyang telepono. Nagmamadali niya itong dinampot bago pa man magising ang natutulog na mga bata. Sa wakas, dumating din ang pinakaaasam-asam niyang tawag.
Lumunok muna siya ng makailang beses at huminga ng malalim bago sagutin ang telepono.
"Ano hindi na ba mainit ang ulo mo?" bungad niya habang nagpupumilit makipag-usap ng kaswal.
"S-Sorry to call you at this hour, matutulog ka na ba?"
BINABASA MO ANG
You Gave Me A Reason
RomantizmWarren experienced his most unforgettable frustration in the hands of his first love, Lena. The unbearable pain pushed him to change himself to become the best and be a man whom any woman couldn't afford to resist. He achieved everything he dreamed...