06 - ANG PANGAKO NG UNANG IROG

52 2 8
                                    


HALOS MAGDADAPIT-HAPON NA nang kami ay nakarating ng lokal na klinika kanina, kayat madilim na nang kami ay nakauwi ng bahay.

          Sa bahay, inabutan namin si Nanay Gina, ang ina ni Baldo, na inihahanda na ang mesa. Tinanong ko kung nasaan ang tatlo.

          Ang magkasintahan, ang wika niya, ay nasa silid at nagpapahinga. Marahil ay napagod kanina sa kalalangoy. Pero, si Baldo raw ay sumunod sa amin ni Tatay Gimo sa klinika. Pero, hindi po kami nagkita roon, paliwanag ko sa kanya. Ewan ko nga ba sa kaibigan mo na 'yan, makulit din, pareho kayo, pabiro pa niya. Natawa ako. Ipinagising sa akin ni Nanay Gina ang dalawa upang maghanda ng sarili dahil maghahapunan na. Sumunod ako.

          Ang disenyo ng bahay na ito ay gaya ng tipong bungalow. Tatlo ang silid ngunit dalawa ang toilet, sala at kusina. Ang isang ay para sa panauhin. Doon ko pinuntahan ang mag-boyfriend.

          Kumatok ako't tinawag ko ang mag-irog sa mahinang boses. "Bukas 'yan," si Mina ang sumagot.

          Binuksan ang pinto at pumasok ako. Nakita ko ang mag-boyfriend na nakaupo lamang sa gilid ng katre. Si Clodel ay nakupo't bahagyang nakasandal sa ulunang kahoy ng kama. Paminsan-minsang hinihimas ang likod ng kasintahan na waring bata na ipnahihimasmas. Si Mina ay nakayuko at sinasalo ng kanyang dalawang palad ang mukha, umiiyak. Hindi, humahagulgol. Ngunit sinisikap niya na hindi makalabas ng silid ang tunog ng pag-iyak.

          "Mina," sabi ko. Hindi ko alam kung ano sasabihin sa kanya. Makikiramay ba ako o uusisain kung bakit umiiyak siya.

          Iniangat niya ang kanyang mukha upang tingnan ako. Umaagos ang luha niya, basang-basa ang mga pisngi. Luha ito ng pagdadalamhati. O nawala ang isang minamahal? Itinaas niya ang kanyang mga kamay, wari ko ay nagpapasaklolo sa akin. Iniabot ko naman ang aking isang kamay at hinawakan niya. Umupo ako sa tabi niya. Tila nais kong kilabutan sa nahawakan. Sa kabila ng init ng tag-araw ay narito naman na kay lamig ng kanyang mga kamay. Kasinglamig ng yelo. At basa rin dahil sa mga luha niya. Ano ang nangyayari sa iyo, Mina?, ang nais ko sanang itanong sa kanya. Nakamasid lamang si Clodel sa amin.

          "Ang mabuti pa ay maghanda na tayo, kasi..." sabi ko. Ito lang ang pumasok sa isip ko upang putulin ang eksenang hindi ko maintindihan. Subalit nitong kalaunan ay naunawaan ko rin.

          "Naghahain na ng hapunan si Nanay Gina. Pinapatawag na kayong dalawa," sabi ko pa. Binitawan ni Mina ang mga kamay ko, kinuha ang bimpo kay Clodel at nagpunas ng mukha. Yumakap sa boyfriend na siyang bulong sa kanya ng Love you, always.

          Pagkalabas naming tatlo mula sa silid ay dinatnan namin si Baldo sa kusina at nakaupo na sa mesa. Hinihintay kami upang magsimula ng kumain. Nakangiti siya sa amin ngunit partikular sa akin siya nakatingin. Alam ko ang ibig ipahiwatig ng tingin na yaon—mamaya ay mayroon siyang sasabihing mahalag o may aaminin sa akin.

          Sa tiyempong ito, ay binulungan ko si Baldo ng isang bagay na masaya o magpapasay sa mag-boyfriend lalo na kay Mina. At dito nga naungkat ang pangyayari sa Ilog Pandanggo, kung saan ay nagkaroon ng kasal-kasalan upang maipahayag nila ang pangako sa isa't-isa. Ito ang pangyayaring ilang araw na lang at magtatapos na kami ng elementarya.

          "Mayroon pala akong naalala," panimula ni Baldo.

          Nakapaghanda na si Nanay Gina ng aming hapunan at nasa aming harapan na. Mauna na lang daw kami, aniya, dahil hihintayin pa niya si Tatay Gimo at si Sarhento upang sila na ang sabay na kakain mamaya. At saka siya tumuloy sa kanilang silid. Pinakbet at pritong galunggong ang iginayak sa hapag-kainan na may sawsawang sukang may siling labuyo. At siyempre, ang aking malamig na pineapple juice.

ILOG NG IROGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon