11 - ANG UNANG KUMPISAL

24 2 2
                                    


UMUPO KAMING APAT sa mesa ng kusina. Ako ay nakaupo na sa likuran ko ang lababo at lutuan. Sa aking kanan si Baldo. Harapan ko si Clodel at nasa kanan niya si Mina. Minabuti kong dito ipagpatuloy ang aming pag-uusap dahil ligtas ang aming boses sa bahaing ito. Malayo ito sa harapan ng bahay tiyak na hindi lalabas ang aming boses kahit tumaas ang tono. At dito ay dakip ang kalooban ng isang inuusisa dahil tila kulob ang kusina na gaya ng isang tunay na kulob na silid.

          Naisip kong magkape. Tumindig ako at nagtimpla. Nahikayat si Baldo, gumawa rin ng kape niya. Marahil ay ayaw na niya ang gin at nais magpababa ng pumapanhik na espiritu ng alak sa isip. Ngunit hindi si Mina, hindi siya mahilig magkape. Ayaw rin ni Clodel , marahil ay nais pa niyang mag-inom, halatang binitbit kanina ang kanyang baso at bote ng gin na may halos kalahating laman na ngayon'y nasa ibabaw ng mesa kasama ang isang mangkok na may kaunting tinipak na yelo.

          Kung hindi pabababain ni Clodel ang tama ng espiritu ng alak ay baka mataranta siya sa mga katanungan pa na aking isusunod. Ewan ko lang si Baldo kung may nakalap siyang teorya ayon sa kanyang nadiskubre sa obserbasyon sa bangkay kaninang hapon. Sa tingin ko ay mayroon, hindi lang ako sigurado kung pareho kami. Kung pareho man kami ng teorya ay hindi ako sigurado saang parte ang pag-uugatan ng konklusyon.

          Nakatayo't nakatalikod ako sa kanila habang nagtitimpla ng kape. Lumagok ako ng isa. Kahit ipinagbabawal sa akin ang kape ay sige lang ako katulad ngayon. Narinig ko ang pagtunog ng dalawang sisidlang salamin na nagsagian. Alam ko sa tunog na ito ay nagsalin ng gin si Clodel sa kanyang baso at pati ng paghulog ng yelo sa likido. Alam ko ang mga tunog na ito dahil dati akong lasenggo dangan ang pusong ito ay umaataki nang hindi inaasahan nang pagkakataong yaon. Umikot ako't bumalik sa aking upuan.

          "Listen, Meliton," si Clodel na ang nagpasimula. "Tawagan n'yo na ang tatay ni Baldo. Para matapos na 'to. Nakahanda na ako'ng mag—"

          "Ano ang totoong motibo mo, Clodel?," pakli ko sa kanya. Sumandal ako. "Bakit mo pinatay si William?" Inuulit ko, hindi ko siya pinagbibintangan. Gusto kong marinig ang kanyang dahilan sa boluntaryong pag-amin sa krimen?

          "Alam mo namang from the start I don't like William. Mas boto ako sa 'yo para kay Loren," sagot niya.

          "Hindi ako naniniwala."

          "Pa'nong di ka naniniwala, matagal na tayong magkakilala since elementary grade, di ba?"

          "Noong elementarya kilala kita, oo. Pero, noong nasa high school ay nagkahiwalay na tayo ng eskwelahan. In-enroll ka ng daddy mo sa private school sa Davao," aniko. "Actually, sa isang catholic school," agad kong idinuktong. "Ibig sabihin, naturuan ka ng mabuting asal ng mga pari at madre ng eskwelahan n'yo, di ba? Bawal ang maghiganti sa kapuwa. Lalong bawal ang pumatay. Hindi mo siya papatayin para lang maihiwalay siya kay Loren. At huwag mo ring ipamukha sa akin na utang na loob ko pa sa iyo ang pagpatay mo kay William."

          "Ahh! Basta! Pinatay ko si William.Tapos!" Matigas ang mga salita niya. "Will you please, Baldo, tawagan mo na ang tatay mo. Kung wala kang load, 'eto ang cellphone ko, tawagan mo siya." Iniabot niya ang celfone.

          "Hindi ba cellphone ni Mina, 'yan?" aniko. Mayroong bahid ng dugo ang cellphone.

          "Hindi. Cellphone ko 'to. Look." Ipinakita niya sa akin ang Nokia, kulay berde.

          Hindi ako kumibo. Dalawang Nokia ang binili ni Clodel, ang isa ay kay Mina. Magkaiba sila ng kulay. Regalo niya nang sila ay nagkabalikan. Ang kaha na cellphone kay Mina ay kulay rosas. At kulay berde ang hawak ni Clodel. Sa kanya nga ito.

ILOG NG IROGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon