Chapter 7

813 86 3
                                    


"Look, Kroen? Tao rin ako. Gwapo, matipuno at makinang rin ang mga mata ko. Huwag mong sabihing ako ang ama mo?"

Chapter Seven

NAGPIPIGIL sa pagkaasar si Quinn na pinagsalikop ang mga kamay na nakapatong sa kanyang binti habang nakaupo sa couch sa tabi ng nangungulit na si Kroen.

"Hindi ba't sinabi mo na walang hindi kayang gawin ang pera mo? Sinabi mo rin na tutulungan mo ako! Bakit ngayon, tumatanggi ka na? Nagsisinungaling ka lang ba o talagang wala kang kakayahang tulungan ako?" tila nabibigong saad ni Kroen.

Sadya namang gusto niya itong tulungan at totoong maraming kayang gawin ang pera niya. Kaya niyang magpahanap ng nawawalang tao. Pero paano niya iuutos sa detective na hanapin ang ama nito kung maski pangalan o hitsura noon ay di nito kayang i-describe? Paano nila hahanapin ang taong ni hindi nila kilala? At maski nga ang pinanggalingan nito ay hindi nito masabi sa kanya ng maayos kaya't paano sila maghahanap? Saan sila magsisimula?

Para na rin nitong sinabi na maghanap siya ng karayom sa bundok ng talahib.

At bakit nga ba siya nagprisi-prisinta pang tulungan itong maghanap? Ano bang pakialam niya sa buhay nito? Malapit ng mag-isang buwan at malapit na niya itong palayasin kapag hindi nito napatunayan ang kanilang naunang napagkasunduan.

"Quinn naman! Tulungan mo na ako!" niyugyog ni Kroen ang kanyang balikat. Tuluyan na nitong nakalimutan ang tungkol sa pinapanood.

At paano din niyang magagawang tiisin si Kroen kung sa palagay niya, napakainosente nito. Hindi nito pinag-iisipan ang mga ikikilos at mas malamang na baka mapahamak ito sa mga naiisipang gawin. Kapag pinaalis na niya ito, saan naman kaya ito susuot? Ni hindi nga nito masabi kung saan ba ito nakatira.

Damn it! Bakit ba namomoroblema na naman siya? Sa araw na hindi nito mapatunayan ang sinasabi nito, agad na ipo-post niya sa internet ang mukha nito pati na rin sa lahat ng tv station para makita ito ng mga kamag-anak nito. Hindi niya lang iyon ginagawa dahil...

Bakit nga ba? Dahil hindi man lubusan pero kahit paano ay nakumbinsi siya ng maganda at inosenteng mukha nito.

"Paano ko nga hahanapin ang ama mo kung hindi mo alam kung anong pangalan niya? O anong hitsura niya?"

Idagdag pa ang kwento nitong naghahanap sa ama nito na nilayasan sila bago pa man siya ipanganak. Anong klaseng ama naman iyon at tumakbo sa responsibilidad? O responsibilidad nga ba ang tinakbuhan? Hindi naman mukhang mahirap si Kroen.

"Wala ka man lang kahit anong impormasyon na maibigay patungkol sa kanya?" naiinis na sambit niya at pinukol ng masamang tingin si Kroen.

Huminto ito sa pagyugyog sa kanya.Saglit na tila nag-isip ito pagkuway: "Isa siyang tao. Gwapo raw si ama, matipuno ang pangangatawan at kumikinang ang mga mata kapag ngumingiti. Iyon ang sabi ng aking ina. Pwede na ba iyon?"

Napabuntong-hininga siya. "It didn't help a bit." Dahil ang sinabi nito ay description ng kung paano tingnan ng isang babaeng inlove ang isang lalaki.

"Hindi?" nanlulumong tanong nito.

"Look, Kroen? Tao rin ako. Gwapo, matipuno at makinang rin ang mga mata ko. Huwag mong sabihing ako ang ama mo?"

Minulagaan siya nito at pinakatitigan. Gusto niyang maghisterikal ng mabasa sa mga mata nito na tila pinatulan nito ang sinabi niya.

"Posible siguro kung hindi tumatanda ang mga tao. Kung ang oras sa amin ay tulad dito, baka nga maniwala ako na ikaw ang aking ama."

"Grrr!" naiinis na singhal niya kay Kroen. "Paano mo ako mapagkakamalang ama mo samantalang hindi naman na siguro nagkakalayo ang mga edad natin. Ilan taon ka na ba at pinatulan mo ang sinabi ko?"

Enchanted World of Kroen (Completed- Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon