“Umuulan. Malakas ang ulan. Sobrang lakas ng ulan at ito ay nakakabingi--- sana nga ay hindi niya din marinig”
Pauwi na ang lahat. Kakatapos lang din ng klase. Sobrang lakas ng ulan kaya naman, kanya-kanya ng paraan para makauwi. Ang iba ay tumatakbo, ang iba ay nakisilong sa kanilang mga kaklase na may dala-dalang payong at ang iba naman ay tahimik na naghihinytay na tumila ang ulan. Patuloy lang ako sa paglalakad. Sa isip-isip ko, buti na lang at lagi akong nagdadala ng payong. Hindi naman kasi tag-ulan ngayon. Bigla lang umulan nang napakalakas.
Habang naglalakad ako, napatigil ako bigla. Hindi inaasahan na may makikita ako. Biglang tumigil ang pagpatak ng ulan. Biglang nawala ang mga tao na kanina’y nagtatakbuhan para makasilong. Bigla ring tumigil ang pag-ikot ng mundo. Kami lang dalawa.
Nakita ko siyang nakatayo malapit sa isang puno. Hindi ko alam kung nagpapatila siya ng ulan o nagpapakabasa sa ulan. Tinitigan ko lang siya mula sa kinatatayuan ko katulad ng dati at nakaugalian ko. Hindi ko namalayan ang ginagawa ko nang makita ko aking sarili na papalapit na sakanya. Unti-unti namang itinaas niya ang kaniyang ulo mula sa kaniyang pagkakayuko. Halata sa kaniyang mga mata ang pagkagulat sa paglapit ko. Hindi niya siguro inaasahan na lalapit ako. Kahit kailan naman ay hindi ko siya magawang lapitan. Mula nang maipakilala siya sakin ng isang kaibigan, hindi ako ulit lumapit o tumungin sakanya. Sa tuwing magkakasalubong kami ay hindi ko magawang kausapin o ngitian siya. Nauunahan ako ng hiya o kaba. Pakiramdam ko nga ay laging tumitigil ang lahat kapag nakikita ko siya, parang sa ngayon lang. Kami lang dalawa.
“Wala ka bang payong?” sa wakas at pagkatapos ng tatlong taon ay nagawa ko ring magsalita sa harap niya.
Halata sa kaniyang mga mata ang pagkagulat, ngunit unting-unti rin itong napalitan. Unting-unti nabubuo ang ngiti sa kaniyang labi. Para na namang tumalon ang puso ko. Bakit ba napaka-traydor nito, at ngayon pa niya nagawang tumalon.
“Meron naman kaso nga lang, may hinihintay kasi ako” pagkasabi niya non ay bigla na rin naman kumilos ang katawan ko umatras sabay sabi ng…
“Ah sige” at nilagpasan ko na siya. Hindi ko alam kung bakit pero nasaktan ako na malamang may hinihintay siya. Pero wala naman akong dapat maramdaman sa mga narinig ko. Buti na lang at nagawa ko pang kumilos pagkatapos non.
“Bakit ako naghihintay? Habang yung hinihintay ko, nilalagpasan at tinatalikuran lang ako? Bakit ganoon? Hindi yun patas!” umalingawngaw ang sigaw niya lalo na sa mga pandinig ko. Pero hindi ko pa ring magawang lumingon sakanya. Ano kaya ang sinasabi niya? Kanino niya sinasabi? Sakin ba? Pero ayoko pa ring humarap sakanya, dahil siguro alam kong hindi ako kinakausap niya.
“Bakit ba!? Ano, hindi mo ba talaga ako titignan?” bakit niya sinasabi ‘yon? Bakit ganoon na lang ang emosyon sa boses niya. Para siyang matagal ng nasasaktan.
Pilit kong nilalayo ang sarili ko mula sakanya. Ayokong umasang ako ang kinakausap niya. Na sa akin niya sinasabi ang mga hinanakit niya. Nagpatuloy lang ako sa paglakad papalayo sakanya. Pero bakit parang sa akin niya sinasabi. Biglang tumulo ang luha ko. At hindi ko na mapigilan at tumigil ako sa paglalakad at nilakasan ang loob na muling dalhin ang sarili kong humarap sakanya.
Parang bigla akong nawala sa sarili kong mundo. Humarap ako sakanya at nakita kong nakakulong ang kanyang mga tingin sa akin. Mga mata niyang malungkot.
“Bakit lagi mo akong nilalayuan at tinatalikuran?” sabi niya at tuloy pa rin na nangungusap ang kaniyang mga mata sakin.
“Ako ba? Pero---“ nagawa ko na ring magsalita pagkatapos kong manahimik dahil sa sobrang pagkabigla. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ito sinasabi sakin.
“Bakit hindi ikaw? Matagal na kitang pinagmamasdan. Sa ‘twing nakakasalubong kita at nilalampasan mo ako, parang tumitigil ang buong mundo ko. Simula noon at hanggang ngayon, sinusubukan kong paliitin ang distansya mo mula sakin. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko. At ngayon, nilagpasan at tinalikuran mo ulit ako” napatigil ako sa mga sinabi niya. Ngayon ko lang napansin na unti-unti na siyang lumalapit sakin pero huminto ulit.
Ngumiti ako nang bigla kong maramdaman ang hangin. Ang hangin na galing sa direksyon niya papunta sakin. Naramdaman ko lahat ng sinabi niya. At tumingin ako sakanya at napangiti ako.
“Siguro nga matagal mo nang sinusubukan na mabawasan ang distansya mo mula sa akin,---“ napangiti ulit ako.
“Dapat lang, babae kaya ako. Ikaw dapat ang lumapit” nakita kong lumiwanag ang mukha niya patuloy na naglakad papalapit sakin.
“Kaya nga ito” hinawakan niya ang kamay ko. “Hindi ka na makakalayo ulit sakin” ngumiti siya sa akin. Kahit basing-basa siya dahil sa ulan, napakainit pa rin ng kanyang palad.
“Sana pala matagal na akong nagpaulan kung alam ko lang dito mo ako lilingunin” ngumiti ulit siya at nakatingin ako sakanya.
BINABASA MO ANG
Seasons of Love
Teen FictionCompilation of stories. On what happened at Seasons of Love.