Naglalakad ako ngayon papunta sa theme park. Christmas Eve ngayon at nararamdaman ko ang lamig dahil lumapag ang niyebe sa pisngi ko. Hawak-hawak ko ngayon ang ginawa kong origami noon pang unang taon ko sa high school. Nasa ikatlong taon na ako ngayon at ito na ang pinakahihintay kong araw. Hawak-hawak ko ang pag-asang sana maabot kita.
Sabi kasi sakin ng mama ko,
“Kung may gusto kang matupad na kahilingan, isulat mo ito sa loob ng papel at gumawa ng origami. Maghintay ka ng pagkakataon, isang magandang pagkakataon, at sigurado akong matutupad ito”
Pinanghahawakan ko ang mga sinabi ni mama sakin. Alam kong ito ang magandang pagkakataon na sinasabi niya. Papalapit na ako sa fountain kung saan nandoon siya at tahimik na naghihintay. Alam kong nandito siya ngayon. Alam kong napakahalaga ng araw na ito sakanya. Ngayon kasi ang kaarawan niya. Gustong-gusto niya dito. Dito ko nga siya unang beses nakita. Parehas na parehas ang itsura, pagkakaupo, at ang ngiti niya.
“Sana. Sana makaabot ito sa’yo”
Malapit na ako sakanya ngayon.
“Kanina ka pa naghihintay?” tanong ng babaeng lumapit sakanya.
Bigla siyang ngumiti. Kitang-kita ko ang pagbabago ng emosyon sa mga mata niya. Napakasaya niya na makita yung babae sa harapan niya ngayon. Hindi ako makakilos. Nananatiling estatwa ang mga paa ko. Ayaw nitong gumalaw. Nararamdaman kong may tumutulong mainit na luha sa pisngi ko. At ngayon nagawa ko nang kumilos. Wala akong ibang nakikita sa pagtalikod ko kundi ang alaalang nakita ko kanina. Ang kasiyahan sa mata niya. Siguro nga masaya siya ngayon sa kaarawan niya. Hindi ko na alam kung saan ako papunta. Tumatakbo lang ako.
“Miss! Tabi!” narinig kong sigaw. Pero huli na ang lahat bago pa ako makagalaw.
“Tumawag kayo ng ambulansya! Ng pulis! Dali, duguan na siya!” umaalingawngaw ang mga sigawan nila. Ang iba ay tumatakbo papalapit sakin, ang iba’y kinakausap ako at ang iba ay nakatayo malapit sakin. Pero isa lang ang nakapukaw sa aking pansin, papalapit siya sakin kasama ang babae na kausap niya kanina. Unti-unti kong binuklat ang palad ko kung nasaan ang origami na ginawa ko.
“Sa wakas naabot rin kita” pagkatapos kong sambitin ‘yon, ipinikit ko na ang aking mga mata. Naramdaman ko ulit ang lamig dahil sa niyebeng lumapag sa aking pisngi.
BINABASA MO ANG
Seasons of Love
Teen FictionCompilation of stories. On what happened at Seasons of Love.