Ang Kidlat sa mga Panaginip

184 5 0
                                    


Nakatungtong ang mga paa sa isang plastik na silya, madaling ikinakabit ang inaakalang sirang bumbilya.

"Buti na lamang at napadalaw ka Frank," wika ng inay ko "Biniyayaan ka talaga ng Diyos ng matalinong isip!"

"Hindi naman po mahirap ayusin yung nag-overload ninyong circuit." sagot ni Frank habang nakatitig sa akin na bumababa mula sa nabibiyak nang silya. "Kailangan lang pong palitan yung nasunog na wire para dumaloy na po ulit yung kuryente mula sa mga transformer sa labas hanggang doon po sa bumbilya ninyo."

Ngumiti lamang ang mabuti kong ina sapagkat di niya gamay ang mga usapang teknikal.

"Sa amin ka na mag-hapunan, Frank?" paanyaya ng inay ko.

Abot tainga naman ang ngiti ni Frank, "Wala pong problema!"

Paborito ni Frank ang mga luto ng inay ko. Mula nang mag-simula kaming mag-aral sa mataas na paaralan, napadadalas na ang pag-sabay niya sa pagkain namin.

"Kakaunti lang itong nabili kong tuyo, daanin mo na lang sa kanin." inabot ng inay ko kay Frank ang kalderong puno ng maiinit at natutuyong kanin. "Tularan mo itong si Max! Ang lakas umubos ng bigas kaya biglang laki ang katawan."

Ngumiti ako, puno ng kanin ang mga pisngi.

"Salamat po, Tita, pero sadiyang maliit po yata itong bituka ko. Di ko kayang kumain tulad ni Max." sagot ni Frank.

Ngumiti ang inay ko, "Buti na lamang at para kayong mag-kapatid na dalawa. Talagang nagtutugma itong lakas ng anak ko riyan sa talino mo. Nako, kung wala ka hindi ko na lang alam kung paano itong si Max."

Nilunok ni Frank ang nginunguya niyang kanin at isda, "Mabuti po at tinuturing ninyo akong kapatid ni Max."

"At bakit naman hindi?" nakangiting tanong ng inay ko, "Siya nga pala, kamusta na ang mga magulang mo?"

Napatigil sa pagsubo si Frank. Nanahimik ang munti naming hapag sa ilalim ng nag-iinit na bumbilyang incandescent.

"Medyo napadadalas po iyong away nila. Si Papa hindi mapigil sa pag-inom at sa pag-sugal. Si Mama naman nakikipag-kita yata doon sa dati niyang asawa. Kaya madalas nagsasakitan po silang dalawa."

Nahiya ang inay ko sa tinanong niya. "Ganoon ba, hayaan mo magiging maayos din silang dalawa."

Hinagod ni inay ang likod ni Frank, "Huwag mo lang hayaan yang sarili mong madala sa sitwasyon ninyo. Huwag mong kakalimutan ang mga pangarap mo."

Ngumiti si Frank, ngunit ramdam ko sa mga mata niya ang lungkot na pinagdaraanan niya noon.

Isang gabi, nagmamadali akong tumayo mula sa matigas kong higaan dahil sa pantog kong nasa bingit na ng pagsabog. Tumakbo ako papunta sa nilulumot naming banyo at nagbawas ng sobrang tubig sa katawan. Nag-lalakad ako noon pabalik sa maliit kong silid, nang makita ko ang inay na nakahandusay sa payak naming kusina.

Binuhat ko si Inay na noon ay hindi na gumagalaw.

Nag-mamadali akong naghanap ng masasakiyan noong hating gabi.

Mabilis ko namang nadala ang inay sa pinaka malapit na pampublikong ospital.

Pilit siyang binuhay ng mga duktor.

Ngunit matagal na siyang may sakit. Noon ko pa siya pinagmamasdang sumusuka ng dugo, mag-isa sa kuwarto niya habang umiiyak.

Matagal na siyang pagod maging labandera ng kung sino-sino.

Ganoon lamang binawian ng buhay ang mabuti kong inay – ang nag-palaki sa akin, ang nag-pakahirap upang pakainin ako, ang napagod dahil sa tigas ng aking ulo, at ang tanging babaeng nag-mahal sa akin. Ganoon lamang. Hindi siya pinatay ng isang kontrabida, hindi siya namatay dahil mayroon siyang sinagip na bata mula sa isang nasusunog na building, hindi siya namatay dahil sa isang malupit na sakuna.

Pigilan si MaxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon