Ang Asinta ng Hilaga

99 4 0
                                    


Suntukin mo, anila.

Suntukin mo hanggang tumumba.

Huwag kang titigil kahit na ito ay pumalag; kahit gaano pa kasakit o kahirap, kahit nasa bingit na ng hinagpis.

Kung sinong aatras siya ang matatalo. Kung sinong susuko ay hindi makakukuha ng kaniyang mga nais.

Suntukin mo ng suntukin ang kalaban,

hanggang sa ito ay gumiba...

Kaliwa, kanan. Isang nakaririnding kislap. Nahulog sa sahig.

Umikot ang paningin, lumabo ang paligid.

"Isa!"

"Dalawa!"

Bakit mayroong nagbibilang?
"Tatlo!"

Nasaan ako?

"Apat... Lima!"

"Tumayo ka riyan, Max!" sigaw ng isang boses sa malayo.

Frank? Ikaw ba yan?

"Anim..."

"Tumayo ka riyan matatalo tayo!"

Oo nga pala.

Tumayo mula sa amoy dugo't pawis na sahig. Ipinilit itaas ang mga kamay, na namimigat dala ng nakabalot na pulang guwantes. Tinanong ako ng matanda kung kaya ko pa raw ba.

"Oo." sagot ko na tila lumulutang sa alapaap ang isipan.

Sumenyas ang matanda sa akin at sa isang lalaking nakasuot ng asul na guwantes.

Nagmamadaling lumapit sa akin ang lalaki. Hindi ko alam ang aking gagawin at nataranta na lamang.

Kainin mo to!

Bumitaw ako ng kanan. Mahinahong yumuko ang lalaki sa ilalim ng aking suntok, tila malinaw na malinaw niyang nabasa ang aking atake.

POW!

Tinatakan niya ng kamao ang makapal kong baba. Sa lakas ng suntok, napatingala ako sa mga ulap. Bumigay ang mga paa ko, buti na lamang at sa aking likuran ay nasagip ako ng mga tali.

Ngunit, hindi pa pala tapos ang laban. Nag-raragasang toro ang kanang kamay niyang sumugod upang wasakin ang aking mukha. Wala akong nagawa kundi titigan ang nagbabadiya kong katapusan...

"Ting ting ting!"

Sa awa ng diyos, pumagitna ang reperi sa aming dalawa. Tinitigan ako ng tisoy kong katunggali, na pawang pawis lamang ang kumikiliti sa pisngi. Tumayo rin ako mula sa akbay ng mga tali at masidhi siyang tinitigan pabalik, habang nagsusumigaw ng pagsilang ang mga namumuong maga sa aking mata. Tinawanan niya ang aking kaawa-awang pagmumukha. Tinalikuran niya ako, na tila iwinawaksi ang aking presensiya, at pumunta sa kaniyang sulok. Nilapitan ako ni Frank at binuhusan ng malamig na tubig.

"Hindi ko siya kaya, Frank." hinihingal kong sambit.

"Pangalawang round pa lang, Max. Huwag kang susuko kagad!"

"Hindi naman sa sumusuko ako, pero ang laki ng agwat namin sa teknik. Pinalaki siya ng tatay niya para mag boxing. Ako, ikaw lang nagtuturo sa akin!"

Tinignan ko ang kalaban kong tisoy sa kabilang dulo ng ring, hindi man lang siya hinihingal.

"Hindi ko alam gagawin ko, Frank." Nanginig ako sa takot.

Umiling si Frank at nag-isip ng malalim.

"Tignan mo ako, Max." Tinitigan ni Frank ang mga mata ko. "Paano mo malalamangan ang pinaka matalinong tao sa mundo?"

"Paano?" nagtataka kong tanong.

Pigilan si MaxTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon