Ilang gabi na akong hindi dalawin ng antok mula nang hapong kami'y magkadaupang-palad ni Anselmo.
Labis ang init ng araw na iyon. Habang ang aking mga kapatid ay nanatili sa mansyon, pinili kong magnilay na lamang sa may batis kung saan may pag-asang dumampi ang hangin sa aking mga pisngi. Sumilong ako sa puno ng mangga. Sa aking tabi ay ang paborito kong sumbrero, iyong may lasong kulay dilaw. Tumitig ako sa mga ulap, na tila nakagawian ko na rin lalo't nalalapit na ang aking kasal.
Ilang buwan pa naman, ngunit di na magkamayaw ang Mama sa paghahanda sa piging. Maigi pa nga kung mas maaga, aniya, at nang matiyak ang aking kinabukasan.
Mabuting tao naman si Miguel. Matipuno, magalang, nabibilang sa buena familia. Ngunit hindi ko mawari kung ano ang kulang. Animo'y sumasamo ang aking puso: Nidora, natututunan ba ang umibig?
May kirot, hindi lang sa aking dibdib, kundi maging sa aking balikat. Ngayon sa aking hita, pati na sa aking likuran. Napatayo ako mula sa aking kinasadsadlakan at bumungad sa akin ang pagkarami-raming hantik na dali-dali kong pinagpag mula sa aking katawan. Ang ila'y nakarating na nga sa loob ng aking puting blusa na kung maari lamang ay gusto ko nang alisin.
Ang batis!
Hindi bale nang mabasa, kaysa patuloy na usigin ng hapdi ang aking balat. Mabilis akong tumungo sa mapag-anyayang tubig, nang bigla kong masilayan ang isang binata. Dagli syang umahon nang magtagpo ang aming mga mata, ang basa pa nyang mga balikat ay kumislap sa sinag ng araw.
"Senyorita!"
Kilala nya ako. Marahil isa sya sa aming mga manggagawa.
"Ano pong ginagawa nyo dito?"
"Naupo ako sa may puno ng manggang iyon! At ngayo's sukdol ang hapdi ng aking balat sa kagat ng mga langgam!"
Dali-dali syang lumapit sa akin at inalok ang kanyang kamay upang akong alalayan sa madulas na batuhan.
Ah! Ang lamig ng halik ng tubig sa nagdurusa kong katawan. Hiniling ko na ring ang natitira pang mga munting nilalang ay naaanod na ng butihing batis. Ang ilang kumakapit pa ay inalis ko sa aking blusa.
Nuon ko rin lamang napansin na ang tela nito ay kumapit na sa aking balat. Dagli kong tinakpan ng aking braso ang aking dibdib. Ang binata nama'y lumingon sa mga ulap. Nakita kong gumalaw ang mansanas sa kanyang lalamunan.
Ako nama'y natauhan at naisipang magpasalamat.
"Salamat...?"
"Selmo po. Ang ngalan ko po'y Anselmo."
"Salamat, Anselmo."
"Walang anuman po, Senyorita Nidora." Sa aki'y di pa rin siya makalingon.
"Maaari mo nang bitawan ang aking kamay, Selmo. Matatag naman na ang tapak ko sa lupa."
"Pasensya na po, Senyorita." Hinagod nya ang kanyang batok. "Ngayon lamang po kasi ako nakahawak ng palad na sinlambot ng ulap."
Napangiti ako. Madalas akong ayain ni Tinidora na makipaghuntahan raw sa mga manggagawang nagpapahinga. Gawaing bukid raw ang pinakamabisa pagdating sa paghulma ng matipunong katawan. Hindi ako sumasama sa kanya, sa laki ng takot ko kay Mama. Ngunit ngayon masasabi ko na, alam ni Tinidora ang mga sinasabi nya.
"Ako rin naman, Anselmo, ay may unang naranasan sa pagkakataong ito."
Umahon na ako at tumakbo paalis, ngiti sa aking mga labi, di alintana ang nagngingitngit na mukha ng Mama sa aking sapantaha.
"Senyorita!" Napatigil ako sa sigaw ni Anselmo. "Naniniwala ka bang ang pag-ibig ay isang tusong magnanakaw? Anumang oras ay kaya nitong basta na lamang pumukaw?"
"Marahil, Anselmo." Lumingon ako sa batis na puno ng matamis na pagsakali. "Marahil."
Sa mansyon ay sinalubong ako ng gitlang mga mata ni Tidora. "Ate, anong nangyari?"
Mahigpit kong niyapos ang aking sumbrero.
"Naglalakad lamang ako sa may batis, Tidora, nang bigla akong nahulog."
Nang gabing iyo'y sinulat ko ang una kong liham para sayo, Anselmo. Kung mababasa mo ito'y isang bagay na hindi ko matitiyak. Ngunit kung mararapatin ng tusong magnanakaw, ay dalhin nya nawa itong samo ko sayo.
O Anselmo, pasukin mo
Ang puso kong sabik sa kagandahan ng mundo
Akayin mo ako sa kalawakang nag-aanyaya
Na sa milagro ng pag-ibig ako'y maniwala
Hanggang sa malimot ko
Na hindi ko mapipigilan
Ang pag-ikot ng buwang sumasayaw
Sa bukas kong bintana