Hemira 3 - Simula ng Paglalakbay

5.5K 181 4
                                    

         ~Hemira~

“Mag-iingat ka Hemira sa iyong paglalakbay. Ikaw ang inaasahan namin upang iligtas si Prinsesa Ceres,” sabi ni Ginoong Sueret sa akin.

Yumuko ako sa kaniya. “Opo Ginoo. Hindi ko po kayo bibiguin.”

Nasa labas kami ngayon ng palasyo at ang dating berdeng-berde at puno ng halamang kalupaang ito ay ngayo'y puno ng mga bahid ng dugo at may mga nakakalat ring mga kalasag, espada at iba pang mga sandata sa pakikipaglaban.

Sumakay na ako sa puting kabayong ibinigay sa akin ni Ginoong Sueret upang aking magamit sa paglalakbay.

“Alam na ng kabayong iyan kung saan ka niya dadalhin dahil ginamitan ko siya ng mahika. Maaaring magtagal ng limang araw ang iyong paglalakbay patungong Syierian kaya kailangan mong tiisin ang pagod.”

Tinanguan ko siya at napatingin ako sa palasyo.

Kahit na isang buwan pa lamang ang aking pagiging heneral dito'y lubos akong naging masaya sa pamamalagi rito.

Tumingala ako sa itaas na parte ng palasyo kung saan matatagpuan ang silid ng hari. Hindi ko inaasahan na makita roon ang hari. Nakasilip siya sa bintana at nakatingin sa akin.

Yinukuan ko siya bilang pagpapaalam. Pagtingin kong muli ay wala na siya roon.

Inayos ko na ang malaking telang lalagyanan na nakasakbit sa aking likod. Ang tawag doon ay Lagan. Doon nakalagay ang mga gamit na aking kakailanganin sa aking paglalakbay at pati na rin ang mga pagkain.

Tumingin muli ako kay Ginoong Sueret na nakangiti sa akin. Nginitian ko rin siya saka ko na hinawakan ang lubid na nakakabit sa leeg ng kabayong aking sinasakyan. “Hiyaaahh!” Sinipa ko ang gilid ng tiyan ng kabayong ito. Umungol ito saka tumakbo na nang mabilis paalis sa lugar na iyon.

Lilisanin ko na talaga ang Gemuria. Ang kaharian na itinuturing na pinakamataas dito sa lupa. Tinitingala ito ng iba't-ibang nabubuhay mula sa ibang kaharian.

Ang hari nito na si haring Herman ay nagmula unang angkan ng mga maheya. Ang Primum. Sila ang pinakamalakas sa tatlong lahi ng puting maheya. Natatangi ang kanilang mahika ngunit kakaiba si haring Herman sapagkat siya ang napasahan na magtaglay noon ng kapangyarihang Regnum.

Ito ang kapangyarihang naipasa sa kaniya ng kaniyang mga ninunong nagtaglay rin niyon noon.

Ang batid ko naman ay ang mahal na reyna ay mula sa kaharian ng mga diwata. Siya'y isang tao ngunit inampon siya ng mga diwata roon kaya roon siya nanahan at lumaki.

Nahulog ang loob ng hari sa kaniya na noon ay prinsipe pa lamang. Marami ang tutol noon sa kanilang pag-iibigan sapagkat hindi maaari noon na pakasalan ng magiging hari ang isang inaakala nang marami na diwata dahil mayroon nang nakatakdang ipakasal sa kaniya at iyon ay isang babae na nagmula sa ikalawang angkan. Ang angkan ng Secundo.

Tradisyon na ang kung sino ang nagtataglay ng kapangyarihang regnum ay kailangang ang mapangasawa ay isang taong nasa ikalawang angkan ngunit ipinaglaban ng hari ang kaniyang pag-ibig kay diwata Devora kaya naman siya ang napangasawa ng hari. Siya na ang naging reyna ng Gemuria.

Iyon ay ikinuwento lamang sa akin ng aking Nana.

Kami ng aking Nana ay galing sa ikatlong angkan na itinuturing na tagapagsilbi sa una at ikalawang angkan. Pati si Ginoong Sueret ay kabilang din doon.

Sinubukan akong turuan ng aking Nana na gumamit noon ng mahika ngunit wala talaga akong natutunan sa mga iyon. Ngunit kahit ganoon ay magaling naman ako sa pakikipaglaban at sa mga sandata. Akin pang nagapi ang dating heneral ng mga mandirigma sa isang kompetisyong pakikipaglaban kaya naman ako ang napili ni Ginoong Sueret na maging bagong heneral kahit na ako'y isang babae.

Isang buwan pa lamang ang aking pagiging heneral at nangyari na agad ang malaunos na pangyayaring ito sa aming kaharian. Nabihag ang aming prinsesa na si prinsesa Ceres.

Isa siyang napakabuting dalaga. Madalas niya akong kasama dahil ako ang napiling maging tagapagprotekta niya. Naging malapit ako sa kaniya dahil sa taglay niyang kabaitan.

Ngayon, magsisimula na ako sa aking paglalakbay upang hanapin ang unang nabubuhay na kailangan kong isama. Ayon sa papel ng sikreto, sa kailaliman pa ng karagatan ng Syierian ko matatagpuan ang nabubuhay na iyon. Isang librong nakakapagsalita. Ito raw ang makapagtuturo sa akin ng daan patungo sa mga lugar ng iba pa naming magiging mga kasamahan at pati na rin ang aming pagpunta sa Abellon kung saan dinala si prinsesa Ceres.

Sinipa kong muli ang gilid ng tiyan ng kabayo upang tumakbo na ito nang mas mabilis.

Nasasabik na ako makasama ang isang maalamat na kalahating bagay at kalahating tao. Tatlong buwan lamang ang panahon na mayroon ako kaya kailangan kong magmadali dahil kapag mahuli ako sa pagsagip sa prinsesa, sasakupin na ng kasamaan ang aming kaharian at ang mundo.

      ~~Tagapagsalaysay~~

Pumunta si Sueret sa silid ng hari dahil siya'y may nais itanong rito.

Siya ang tagapag-alaga ng hari simula paslit pa ito kaya naman malapit sila sa isa't isa at nagagawa niyang kausapin at tanungin ito nang walang pag-aalinlangan.

Kumatok siya sa pinto at agad namang bumukas iyon.

Ang hari ay nakatingin lamang sa labas ng bintana.

Yumuko siya rito kahit na nakatalikod ito sa kaniya. “Mahal na hari, ipagpaumanhin n'yo ang aking pagpunta sa inyong silid nang walang pagpapasabi ngunit may nais lamang akong itanong sa inyo na kanina pa bumabagabag sa aking isipan.”

“Ayos lamang, Sueret. Nahulaan ko na, na ika'y pupunta rito. Sige, sabihin mo ang iyong nais itanong sa akin.” Umalis na ito sa may bintana at humarap sa kaniya.

Iniangat na niya ang kaniyang mukha at tiningnan ito nang deretso. “Bakit si Hemira ang napili ninyong magligtas kay Prinsesa Ceres? Hindi ba't lubhang napakadelikado ng misyong iyon na buhay pa ng prinsesa ang nakataya? At isa pa haring Herman, hindi masyadong marunong gumamit ng mahika si Hemira. Paano niyang matatalo si Abellona kung ang tanging alam niya lamang ay ang pagwasiwas ng kaniyang bakal na espada?” sunod-sunod niyang tanong rito.

Ngumiti ito. “Batid kong naguguluhan ka rin sa aking naging desisyon na ang heneral nating iyon ang aking isinabak sa pagpunta sa Abellon ngunit noong bata pa lamang si Ceres at ako'y nasa isang paglalakbay upang bisitahin ang ibang kaharian ay isang matandang babae noon ang aming nasalubong sa aming paglalakbay.”

“Matandang babae?”

“Ganoon na nga. Sugatan siya at mawawalan na ng buhay kaya naman bumaba ako mula sa aking kabayo upang siya ay saklolohan ngunit sumambit siya sa aking tenga ng ilang mga salita na kagabi ay aking napanaginipan.”

“Ano iyon, mahal na hari?”

Napa-isip ang hari na tila ba inaalala ang isang bagay na napakaimportante. “Isugo... pinuno na babae... prinsesang api... ililigtas sa pula... pinag-alayan ng katapatan... panibagong yugto ang mabubuksan... ikadalawangpu... Mababago na ang lahat-lahat. Iyon ang kaniyang binulong sa akin at doon ay nawalan na siya ng buhay.”

Nangunot lamang ang kaniyang noo dahil hindi niya masyadong naintindihan ang mga sinabi nito.

“Ang aking pagkakaintindi sa ilan niyang mga sinabi ay ang 'isugo... pinuno na babae' ay si Hemira sapagkat siya ang heneral at pinuno ng ating mga mandirigma. Ang 'prinsesang api' ay si Ceres. Ang 'iligtas sa pula' naman ay ililigtas ni Hemira si Ceres kay Abellona na isang pulang mangkukulam ngunit ang mga susunod pa roon ay hindi ko pa maisip ang tunay na nilalaman.”

Napa-isip siya sa mga pinaliwanag nito sa kaniya. “Sa tingin ko ay isa siyang manghuhula at nahulaan niya ang mangyayaring ito sa ating kaharian.”

“Tama ka. Binalewala ko lamang noon ang kaniyang mga sinabi kaya naman nangyari ito ngayon. Ang kaawa-awa kong Ceres. Sigurado akong takot na takot na siya ngayon at nag-iisa.” Puno ng pagsisisi ang mga mata nito.

“Kung gayon po na si Hemira talaga ang tinutukoy ng matandang manghuhulang iyon na pinuno na babae na magliligtas kay Prinsesa Ceres, kailangan ay magtiwala na lamang tayo sa kaniya.”

Napatango naman ang hari.

“Nang makita ko ang batang iyon, nakita ko sa kaniyang mga mata ang determinasyon na mailigtas si Ceres kaya naibigay ko na ng buo ang aking tiwala sa kaniya.”

        ~Hemira~

Lumipas ang tatlong araw ay naisipan ko nang magpahinga at matulog muna.

Sa loob ng mga araw na yaon ay tumitigil din ako paminsan-minsan upang kumain at uminom ng tubig na nakalagay sa aking lagan na sakbit ko sa aking likod.

Pinapakain at pinaiinom ko rin ang kabayong gamit ko na aking pinangalanang Nyebe. Iyon ay sapagkat kasing puti ng nyebe ang kaniyang balat pati na rin ang kaniyang buntot na mahaba.

Dahil sa saglit lamang kami kung magpahinga ay bumabagal na ang takbo niya marahil na rin sa labis na pagod. Napakalayo na ng aming narating. Ngayon ay naririto kami sa isang kagubatan na napakatahimik.

Kakaiba ang kagubatang ito dahil ang mga dahon ng puno at mga halaman dito ay iba't-iba ang kulay hindi katulad ng mga tipikal na puno na kulay berde ang mga dahon. Mayroong kulay abo, lila, dilaw, asul, puti, pula at iba't-iba pang mga kulay. Nagkikintaban din ang mga iyon sa pagtama ng sinag ng araw.

May mga nakabitin ring mga baging na kakulay ng mga dahon na iyon ngunit tila wala namang kahit na anong nabubuhay na nakatira dito dahil wala akong maramdamang prisensya ng hayop o tao.

Itinali ko muna si Nyebe rito sa isang puno na kulay dilaw pagkatapos ko siyang bigyan ng pagkain at tubig. Halatang gutom na gutom siya dahil mabilis niyang naubos ang pagkain at tubig na binigay ko sa kaniya.

Paubos na ang aking dalang pagkain at tubig ngunit magagawan ko naman iyon ng paraan. Maaari naman akong kumuha na lamang ng mga prutas o gulay na aming madaanan habang naglalakbay at iinom na lamang kami sa mga lawa o kaya naman ilog na madadaanan din namin.

Umupo at sumandal na rin muna ako sa punong pinagtalian ko sa kaniya at inilagay ko sa aking tabi ang lagan na naglalaman ng aking mga gamit. Ipinikit ko na ang aking mga mata upang matulog at magpahinga. Tatlong araw na akong hindi natutulog kaya naman labis na pagod na rin ang aking nararamdaman.

Padilim na rin naman ang kalangitan na hudyat na maggagabi na.

    ~~Tagapagsalaysay~~

Naging malalim ang tulog ng dalagang mandirigma na si Hemira.

Nakasuot siya ng baluti na balot ang kaniyang katawan at natatakpan din ang braso at paa niya hanggang sa tuhod. Kahit ganoon ay madali siyang nakakagalaw dahil sanay na siya roon. May kabigatan nga lamang siya dahil doon.

Nakatali ang kaniyang buhok at mayroon din siyang bakal na suot sa kaniyang ulo. Mayroon ding dalawang espada ang nakalagay sa gilid ng kaniyang baywang.

Bihasa siya sa paggamit ng dalawang espada at kaya niya ring makipaglaban kahit na wala siyang kahit na anong sandata.

Nang dumating na ang kailaliman ng gabi, tulog na rin ang kabayong si Nyebe.

Doon ay unti-unting naglabasan ang mga itim na ahas.

Ang mga ito ay tinatawag na Hypnalis. Makakamandag ang mga ahas na ito at nakamamatay. Hanggang isang dipa ang haba ng mga ito.

Marami ang naglabasan mula sa mga sanga ng punong makukulay at ang kanina na mga makukulay na baging na nakasabit lamang sa mga punong iyon ay nagpalit anyo at mga naging hypnalis na.

Lahat din ng puno ay nabulok at natuyot ang mga dahon pati katawan nito ngunit hindi nagbago ang itsura ng sinasandalan ni Hemira at pinagtalian niya kay Nyebe.

Makintab pa rin ang punong iyon at dilaw pa rin ang kulay ngunit ang mga halaman na malapit sa kanila ay unti-unti mga natuyot at nawalan ng buhay katulad ng ibang mga puno.

Pinalibutan na silang dalawa ng mga Hypnalis na sobrang dami na. Mayroon nang gumagapang papalapit kay Hemira ngunit hindi pa rin gumagalaw ang dalaga. Pati si Nyebe ay wala pa ring alam sa panganib na papalapit na sa kanila.

Umatake na ang isang Hypnalis sa dalagang si Hemira upang siya'y sakmalin...

Ipagpapatuloy...

Hemira, Anim na mga Kasamahan [VOLUME 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon