Chapter 6 - Karagatan ng Syierian
~Hemira~
Dalawang araw ang lumipas matapos kaming maglakbay muli ni Nyebe papunta sa karagatan ng Syierian at ngayon ay naririto na kami. Nasa dalampasigan na kami at humampas ang malakas at malamig na hangin kaya naman hinahangin ang aking buhok.
Bumaba na ako kay Nyebe at lumubog nang kaunti ang aking mga sapatos na bakal sa napakapinong kulay puting buhangin. Magbubukang liwayway pa lamang at sigurado akong malapit nang sumikat ang araw.
Hinarap ko si Nyebe at hinaplos ang kaniyang mukha. "Maraming salamat Nyebe sa pagdadala mo sa akin dito. Sana ay makauwi ka sa ating kaharian nang ligtas. Ikamusta mo na lamang ako kina Eriza na madadaanan mo sa iyong pag-uwi at sa iba pang mga hoblin. Iparating mo rin kay Ginoong Sueret at sa mahal na hari na ako'y ligtas na nakarating sa karagatang ito. Iyon lamang at maaari mo na akong iwan. Maraming salamat muli." Hinaplos kong muli ang kaniyang mukha.
"NEHEEEEEE!" Doon ay tumakbo na siya papaalis.
Nang mawala na siya sa aking paningin ay tumingin na ako sa karagatang nasa aking harapan. Kalmadong kalmado iyon ngunit ang kakaiba rito ay ang kulay ng tubig.
Kulay itim iyon na tila ba isang napakalawak na pulasian (Bangbang) kaya naman ang mga buhangin na nababasa ng tubig na iyon ay kulay itim na rin.
Naglakad ako palapit sa tubig at sumalok ako niyon sa aking kamay upang kumpirmahin na hindi nga ako nagkakamali sa pagtingin sa kulay nito dahil madilim ngunit tama nga ako. Kulay itim nga iyon.
Bumalik ako sa buhanginan at ibinaba muna ang aking lagan mula sa aking balikat. Tinanggal ko ang pagkakasakbit sa akin niyon at hinanap ang isang maliit pang tela na kulay puti.
Nang mahanap ko iyon ay akin din iyong binuklat at doon ko nakita ang isang maliit na bilog na bagay. Kulay asul iyon at kumikintab pa sa kadiliman ng paligid.
~~Pagbabalik tanaw~~
["Hemira, ito ang isa sa mga perlas ng isang Keledones. Napakahirap nitong kunin sa kanila at ibinibigay lamang nila ito sa mga taong kanilang iginagalang at sa may mga dugong maharlika," sabi ng mahal na hari sa akin dito sa silid ng pagpupulong.
"Kamahalan, nais ko po sanang malaman kung ano po ang mga Keledones." Yukong-yuko ako sa kaniya habang nakatikluhod pa rin.
"Sila ay ang mga kalahating tao at kalahating isdang mga nabubuhay. Ang katawan nila sa itaas ay sa tao at may buntot naman sila ng isang isda ngunit sila ay lubhang mapapanganib. Nang-aakit sila ng mga lalaking namamangka sa kanilang teritoryong karagatan sa pamamagitan ng kanilang napakagandang himig at kapag naakit naman ang mga kalalakihang iyon ay kinakain nila ang mga ito nang buhay. Kapag babae naman ang kanilang naakit ay inaalay nila ang mga babaeng iyon sa kanilang hari at ito na ang magiging asawa nito kaya naman ang kailangan mong gawin ay hiwaan mo ang iyong sarili sa iyong kamay o gumawa ka ng sugat sa iyong katawan na magpipigil na ikaw ay maakit ng kanilang himig."
Narinig ko ang mga yabag na palapit sa akin kaya naman aking inangat nang kaunti ang aking tingin at nakita ko ang sapatos ng hari.
"Iangat mo ang iyong ulo at ika'y tumayo."
Dahan-dahan akong tumayo ngunit nakayuko pa rin ang aking ulo.
"Ako'y iyong tingnan." utos nyang muli kaya inangat ko na ang aking paningin at tiningnan ko siya nang deretso. Ang kanyang mga mata, parang nakita ko na iyon sa kung saan ngunit hindi ko lamang maalala. "Magagamit mo ang perlas na ito sa pagkuha ng librong Ariadne sapagkat kapag iyo itong nilunok, ikaw ay makakahinga sa tubig sa loob ng apat na oras."
Napatingin ako sa aking kamay na kaniyang hinawakan at tila may inilagay siya roong isang bagay.
"Kaya naman sa loob ng mga oras na iyon ay kailangan mo nang mapaki-usapan ang diwata ng karagatan upang maisama mo ang Ariadne sa iyong gagawing paglalakbay ngunit kapag hindi mo iyon nagawa... maaari kang malunod at mawalan ng buhay kaya naman mag-iingat ka."
BINABASA MO ANG
Hemira, Anim na mga Kasamahan [VOLUME 1]
AdventureAng prinsesa ng kaharian ng Gemuria ay nabihag ng mga masasamang nabubuhay at halimaw kaya naman si Hemira, ang heneral ng mga mandirigma ng kahariang ito ang naatasan upang iligtas ang prinsesang nabihag. Ngunit bago niya magawa iyon ay kailangan n...