Kabanata 10
Hindi kami nag usap ni Derek buong byahe pabalik ng Maynila. Dahil sa gulat ko sa narinig ko sa kanya kagabi, nagpumilit ako kina Dale na umuwi na kami. Sa paraan ng pagkakasabi ni Derek, parang napipilitan na akong maniwala sa sinasabi niya.
Talaga bang niloloko ako ni Clyde at Ate Gelene?
Ipinikit ko ang mga mata ko at sumandal sa upuan. Kanina pa kaming umaga umalis sa resort. Ayoko naman talaga sanang magsinungaling kina Dale pero napilitan ako. Gusto ko munang lumayo kay Derek. Tuwing nakikita ko siya, naiisip ko ang mukha ni Clyde at ni Ate Gelene na naghahalikan. At tuwing naiisip ko yun, pakiramdam ko, tatakasan na ako ng katinuan.
Mahal ko si Clyde. Oo, alam ko na bata pa ako. Wala pa nga ako sa wastong gulang pero sigurado ako sa nararamdaman ko. Siya lang ang mahal ko kahit nung kakatungtong ko pa lang ng high school. Matagal ko siyang hinintay at ngayon na kami na, hindi ko hahayaan na may sumira sa amin. Lalong lalo na ang Derek na iyon.
"Okay ka lang ba, Annie?" tawag sa akin ni Key mula sa driver's seat. Bale ang pwesto, nasa driver's seat si Key, katabi niya naman si Dale. Sa likod, kaming dalawa ni Derek. Hindi ko naman masabi na ayokong katabi si Derek dahil baka mapansin nila na may alitan sa aming dalawa. Kung may away man sa amin ni Derek, sa aming dalawa na lang iyon. Ayoko ng madamay pa ang banda sa galit ko sa kanya.
Idinilat ko ang mata ko at tumango ako sa kanya. Inabutan niya naman ako ng bote ng tubig at tinanggap ko iyon. Pagkatapos, ipinikit ko muli ang mga mata ko. Ayoko talaga munang makita ang mukha ni Derek at ang pang inis niyang ngiti.
--
"Annie? Annie? Nandito na tayo."
Iminulat ko ang mga mata ko at napansin ko na nasa apartment na pala kami.
"Okay ka na, ha? Una na kami," sabi ni Key at saka siya nagmaheno papaalis. Naiwan ako na nakatayo dun at si Danger na binubuksan ang pinto.
Nung narinig kong bumukas ang pinto, narinig ko siyang nagsalita. "Ano? Dyan ka lang ba?"
Kahit na naiinis ako, pumasok pa din ako sa loob. Wala naman akong balak na mapagpyestahan ng mga lamok dito sa labas. Pagkapasok ko, madali akong umakyat dahil ayokong makarinig na naman ng walang kwentang komento ni Danger. Nagdududa na ako. Hindi niya na kailangan pang dumagdag!
Kinuha ko ang cellphone ko at itinext si Clyde.
'Nasan na kayo? Kamusta si Tito?'
Sana naman ay nasa maayos na na kalagayan si Tito. Hindi ko kayang makita na nasasaktan si Clyde... Kahit na ganito na pakiramdam ko ay ginagawa niya akong tanga, hindi ko pa din kaya na masaktan siya. Masyado kaming madaming pinagsamahan para naisin ko na masaktan siya.
Nahiga muna ako sa kama. Medyo maaga pa naman, at walang pasok ngayon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Para akong mababaliw dito sa apartment. Wala si Clyde, wala akong maaayang lumabas. Si Dale naman at Key, may sari sariling lakad. Dapat siguro maghanap na ako ng iba pang mga kaibigan. Pero paano ko naman yun magagawa kung lalapit pa lang ako, ayaw na sa akin ng mga babae? Minsan iniisip ko na siguro, sumpa din ang pagiging malapit ko sa banda. Dahil dun, madaming babae ang galit sa akin. Hindi ko naman inaagaw yung apat, si Clyde lang naman ang gusto ko.
May narinig akong kumatok sa pinto. Hindi ko na naman kailangan bumangon para makita kung sino iyon.
"Lalabas ako, sama ka?"
Umiling ako at pumaling pakanan. Ayokong makita yung mukha niya talaga.
"Walang pagkain sa ref, walang stock sa cupboard. Bahala kang magutom jan," sabi niya at saka tumalikod.
BINABASA MO ANG
Hindi Ko Inakala (COMPLETED)
RomancePagmamahal? Kailan mo matatawag na pagmamahal ang nararamdaman mo? Kapag ba masaya ka tuwing kasama siya? Pero paano kapag yung kasiyahan na nadarama mo, unti unting napapalitan ng pagdududa? At paano kapag ang taong nagtulak sa'yo upang magduda ang...