Chapter 1
Hindi ko pa man nabubuksan ang double doors ng Xandie's World—ang anime shop na pag-aari ni Xandie, napasimangot na ako. Gawa sa glass ang pinto kaya mula sa labas, kita ko na agad ang pagmumukha ng buwisit na si Keeno. Hindi pa man kami tuluyang naghaharap, parang sinasalang na sa apoy ang kaluluwa ko.
O baka dahil mainit lang talaga ang panahon ngayon, 'tapos ay bigla pang iinit ang ulo ko dahil sa kanya. Ganoon naman lagi. Hindi pa bumubuka ang bibig niya pero kumukulo na agad ang dugo ko sa inis.
Pagkatulak ko sa pinto, sinalubong ako agad ng paboritong air freshener ni Xandie. Kahit hindi ako mahilig sa anime, isa iyon sa mga nagustuhan ko sa shop nito. Ganoon na ganoon din kasi ang amoy sa bahay nito. Magkatapat lang ang shop nito at ng restaurant ko at sa tuwing nao-overwhelm na ako sa pagod, coming here was like coming home to her and Tito Vince—sobrang relaxing.
Malaki ang Xandie's World, may dalawang palapag. Pagpasok sa shop, ang unang bubungad sa iyo ay ang reception desk. Doon nakalagay ang business name at logo nito, kapareho ng makikitang signage sa labas ng shop. Sa likod niyon ay makikita ang isang pinto na may kurtinang nakatakip patungo sa opisina ni Xandie at locker room ng mga staff. Sa dingding niyon ay naka-display ang business permit at pati na rin ang licensing agreement from the copyright holders at trademark owners.
Sa right side ng shop matatagpuan ang iba't ibang merchandise kagaya ng figurines, toys, posters, pins, mugs, T-shirts, jackets, blankets, pillows, shoes, key chains, bags, tapes at marami pang iba. Sa left side naman makikita ang mga rack at cabinet kung saan naka-display ang iba't ibang anime costume. May malaking fitting room din na may floor-to-ceiling na salamin.
Library naman ang tema sa second floor. Hitik sa comic books at graphic novels ang mga shelf doon at nagkalat ang iba't ibang cushioned seats kung saan puwedeng tumambay ang mga gustong magbasa sa shop. May mini coffee station din doon na self-service. Bukod sa mga iyon, nagkalat din ang iba't ibang life-sized figurine sa kabuuan ng shop. Lima ang nasa itaas at tatlo ang nasa first floor. Puro mga character galing sa paborito nitong anime.
On top of all of that, isa rin talaga sa mga dahilan kung bakit patuloy na dinadayo ng mga tao ang shop ay ang daily getup ni Xandie. Mula nang mamulat kasi ito sa anime, nakahiligan na nito ang pagko-cosplay at dinala nito iyon hanggang sa shop. Every day, iba-iba ang suot nito at madalas ay ginagawi talaga ito ng mga estudyante mula sa iba't ibang universities.
May kulay-pulang couch malapit sa fitting room at doon nakapuwesto sina Xandie at Keeno. Prenteng nakaupo ang buwisit samantalang ang pinsan ko ay nakatayo sa harap niya. Masyadong invested ang dalawa sa pinag-uusapan kaya hindi ako agad napansin. Dressed like Ino Yamanaka from head to foot, may nirereklamo yata ang pinsan ko at pinagtatawanan lang iyon ni Keeno.
Babati na sana sa akin ang receptionist na naka-duty ngayon pero agad kong sinenyasan na huwag mag-iingay. Tumango ito at nagkasya na lang sa ngiti at matipid na tango.
"Tigilan mo ako," dinig kong naiinis nang sita ni Xandie sa best friend nitong buwisit.
"What?" natatawang tanong naman niya. Kunwari pang maang-maangan pero halata naman sa tawa niya na talagang nang-aasar siya. Kung gaano kaluwang ang ngisi niya habang nakatitig sa reaksiyon ng pinsan ko, ganoon naman kabilis naglaho iyon nang mapabaling siya sa akin at tuluyan akong napansin.
"Ano? Ano?" I mouthed arrogantly. Ready na akong unahan siyang manghamon ng away.
Mas lalong nagsalubong ang mga kilay niya pero bago pa man siya makaganti, napalingon na sa akin ang pinsan ko.
"Princess!" Umaliwalas agad ang mukha nitong kanina lang ay nakabusangot.
Agad kong pinalitan ng maluwang na ngiti ang irap ko kay Keeno kanina at sinalubong ang yakap ni Xandie. Itinaas ko ang bitbit na malaking box ng milk selection ng Haigh's Chocolates.
BINABASA MO ANG
Keeno's Princess (2023)
عاطفيةKEENO'S PRINCESS (2023) Binger S. Princess Quinn Tuazon never had a problem with food allergies. Pero sa tao, mayroon. Anino pa lang ni Keeno Prince Ortega ang natatanaw niya, sira na agad ang araw niya. And what do you know? The feeling is mutual...