Capitulo Cuatro (Unedited)SPG

16.7K 480 9
                                    


SINADYA ni Rachell na tumambay sa kompanya hanggang sa mag-uwian na ang mga empleyado. Nanunood lang siya ng TV sa lobby. Mamaya'y lumabas na si Renzo. Halatang nagulat ito nang makita siya.

"Hindi ka umuwi?" manghang sabi nito.

Tumayo naman siya. "Ah, hindi. Wala naman kasi sa bahay sila mama kaya hindi ako natuloy roon. Naiinip na kasi ako sa bahay," naiilang na sabi niya.

"Umuwi ka na," anito.

"Ha? Ah, eh ikaw, hindi ka pa ba uuwi?"

"May pupuntahan pa ako," anito saka siya tinalikuran.

May kung anong tumutusok-tusok na naman sa puso niya. Pinatay na lamang niya ang TV saka binitbit ang gamit niya. May security naman na naka-duty roon sa kompanya kaya lumabas siya na hindi isinara ang pinto. Naabutan pa niya sa garahe si Renzo.

Nag-abang na lang siya ng jeep sa waiting shed na katapat lang ng kompanya. Rush hour kasi kaya punuan na ang mga jeep. Nangangawit na ang binti niya sa kakatayo. Marami din kasi ang nag-aabang na masakyan kaya wala nang bakante sa bench ng waiting shed.

Abala siya sa pagtipa sa cell phone niya kaya hindi niya napansin ang kotseng huminto sa tapat ng waiting shed. Nagulat na lang siya nang may bumusina ng malakas. Pagtingin niya sa kotse ay napamata siya nang bumukas ang pinto sa passenger seat at namataan niya si Renzo na siyang sakay ng kotse.

"Rachell! Sakay na!" pasigaw pang sabi nito.

Lilinga-linga muna siya sa paligid. Nakatingin sa kanya lahat ng mga tao.

"Rachell, ano ba?!" paasik nang tawag ni Renzo.

Tumalima naman siya. Nang makasakay na siya ay bigla nitong pinaharurot ang sasakyan. Namagitan ang malawak na katahimikan sa kanila. Hindi niya maintindihan bakit naisip ni Renzo na isakay siya. Siguro nakonsensiya ang mokong. Lihim siyang nagagalak sa pangyayari.

"Ahm, sa bahay ka ba kakain mamaya?" tanong niya kay Renzo, na siyang bumasag sa katahimikan.

"Hindi," tipid nitong sagot.

"Hindi na pala ako magluluto. Iinitin ko na lang ang tirang ulam kanina. Pero uuwi ka rin mamaya," aniya.

"Oo."

"Hindi ko na pala i-lock ang kuwarto."

"I-lock mo lang, may susi naman ako," anito.

"Sige."

Kahit papano kinakausap na siya nito. Malaking achievement na iyon para sa kanya na uhaw sa atensiyon ng kanyang asawa.

Pagdating nila sa bahay ay ibinaba lang siya nito sa tapat ng gate saka umalis din ito kaagad.

Kinagabihan, pagkatapos maghapunan ni Rachell ay nanood muna siya ng erotic movie, para naman madagdagan ang kaalaman niya sa larang sexual. Ang ganda ng higa niya sa kama habang nakatutok sa malaking screen ng LCD TV na nakadikit sa dingding. Nang bakbakan na ay hindi niya namamalayan na nakaawang na pala ang bibig niya habang walang kurap ang mga mata.

Napakurap lamang siya nang may malaking anino na dumaan sa harapan niya na siyang tumakip pansamantala sa pinapanood niya. Luminga siya sa paligid, wala namang ibang tao. Hindi na niya iyon pinansin. Nag-concentrate na lang siya sa pinapanood niya.

Nang matapos na ang bakbakan sa palabas ay nabaling ang tingin niya sa repleksiyon ng malaking salamin na nakatutok sa pinto. Napamata siya nang may maaninag siyang bulto ng lalaki. Ngunit pagtingin niya sa pinto ay wala namang tao. Doon na siya kinabahan.

In-off na lang niya ang TV saka nagtalukbong ng kumot. Hindi na niya pinatay ang ilaw kahit hindi siya sabay matulog na maliwanag. Taimtim siyang nagdarasal.

...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon