Sa kanilang pagluluksa sa pagkawala ng magkapatid, isa ring nurse na lalaki naman ang nakakita ng insidenteng iyon.
Gulat na gulat ang lalaki sa kanyang nasaksihan. Nalilito niyang tiningnan ang magbabarkada sa harap ng elevator.
"Anong ginawa ninyo sa dalawang 'yon? Bakit sila duguan?" tanong ng nurse, tila natauhan naman sila nang marinig nila ang boses nito, hindi nila namalayan na may iba pa palang tao bukod sa kanila.
"Isusumbong ko kayo!" dagdag pa ng nurse, umalis ito upang ipagbigay alam ang kanyang nakita.
Naalarma naman silang lahat.
"Umalis na tayo rito!" Wika ni Cipher.
"Paano sila Jonas?" tanong ni Lyka na katatapos lang umiyak.
"Wala na sila, kailangan n'yo na lang tanggapin ang nangyari," wika naman ni Ryan.
"Tanggapin? Gano'n kadali? Alam mo ba ang pakiramdam ng mawalan ng tatlong kaibigan dahil sa lintek na Ben yan?!" Nilapitan ni Jon si Ryan at sabay hawak sa kwelyo nito.
"Kasalanan mo 'to, e! Kung hindi mo sana kinuha 'yong librong 'yon hindi sana namin mababasa 'yong dasal na nakalagay doon, hindi sana namin dadanasin ang ganito!" patuloy pa ni Jon. Agad namang umawat si Lucy.
"Hindi ngayon ang oras para mag-away! Nasa panganib na ang buhay nating lahat, hindi ba dapat nagkakasundo na lang tayo?!" wika ni Lucy.
Saka lamang naisip ni Ryan na maging ang buhay niya ay nasa peligro na rin. Tulad nila Lucy, isa rin siya sa mga nakabasa ng dasal pangdyablo na ginawa ni Ben. Nakaramdam siya ng takot at pagkalungkot. Para sa kanya, tama ang sinabi ni Jon, siya lang ang maaaring sisihin kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Hindi siya nakapagsalita bagkus ay nakayuko lamang.
"Tama siya, magkasundo na lang tayo, pare-pareho lang tayong nasa panganib, hindi natin alam kung sino na ang susunod na mawawala, magtulungan tayo, walang mangyayari kung magpapadala tayo sa emosyon natin," pagsang-ayon ni Cipher sa sinabi ni Lucy.
"Lisanin na natin ang lugar na 'to," pag-aaya ni Lucy.
"Bahala kayo sa buhay n'yo!" Nauna nang naglakad si Jon.
"Saan ka pupunta?! Delikado, hindi ka pwedeng humiwalay sa 'min," Hinawakan ni Lucy ang braso nito.
"Kukunin ko 'yong libro sa bahay nila Drew! susunugin ko na 'yon para matapos na ang lahat ng 'to!"
"Jon, hindi pwede! Alam mo namang maraming pulis na pagala-gala, e." Si Lyka naman ang nagsalita.
"Wala akong pakialam, mamamatay na rin naman ako!"
Hindi nagpapigil si Jon sa binabalak niyang gawin, masyado nang masakit ang mga nangyari kaya gusto na niyang matigil na ito. Buo na ang loob niyang magpunta sa bahay nila Drew.
Kukunin niya ang libro at susunugin sa pagbabaka-sakaling matitigil na ang misteryo. Sakto namang nakaalis na sila nang dumating ang mga guard kasama ang nurse.
Samantala, sinubukan siyang sundan ng mga kasama subalit hindi siya naabutan. Binilisan niya kasi ang pag-alis dahil alam niyang pipigilan siya ng mga ito.
Nakalabas na siya ng ospital, sa mga pagkakataong ito ay tila wala na siyang kinatatakutan. Maging pulis man o si Ben.
Katuwiran niya sa sarili, mas maganda nang mamatay nang lumalaban. Pero paano niya naman lalabanan ang isang tulad ni Ben? Si Ben na demonyo. Kung si Cipher nga ay nahihirapang labanan ito, siya pa kaya na pangkaraniwang tao lang?
Dahil gabi naman, siya'y kampante na hindi siya mamumukhaan ng mga pulis.
Pumara siya ng taxi, huminto ito sa harapan niya at nasa aktong papasok na sa loob nang biglang...