Part 1

45.7K 829 41
                                    

"Palamig po! Palamig kayo riyan!" sigaw ni Diane para mapansin ang kanyang paninda. Bakasyon na nila sa school kaya sinasamantala niya ang pagkakataon na kumita ng pera upang may pang-enroll siya sa susunod na pasukan. At para makatulong na rin kahit paano sa kanyang mga magulang.

"May bumili na ba?" tanong sa kanya ng bagong dating na si Gerlie. Kaibigan at kasusyo niya ito sa munti nilang negosyo.

Ibinaba ni Gerlie ang mga plastic cup at straw na binili nito sa grocery dahil nauubusan na sila. Sa init kasi ng panahon ay kahit paano ay may mga bumibili rin naman sa paninda nila. Sa halagang tatlong peso ay mura na 'yon para sa mga taong gustong malamigan ang katawan. May iba't ibang flavor din ang kanilang mga palamig kaya bentang-benta sila sa kahit na sinong mamimili.

"Meron naman na. Nabili mo ba lahat ang kailangan?" aniya.

"Oo. Kapagod. Ang bigat," pumanaywang na sabi ng kaibigan. Nag-stretch ito ng likod.

"Sige, pahinga ka na. Ako na ang bahala sa mga iyan."

Panaka-naka ay may mga bumibili sa kanila. Salitan sila. Tulungan na magkaibigan.

Kaya lang nang mahagip na naman ng panangin ni Diane ang mga magbabarkadang lalaki na palapit ay natigil siya sa ginagawa at biglang tayo siya ng tuwid. Nagkandahaba-haba na naman ang leeg niya sa pagtanaw kung nandoon ang kanina pa niya hinihintay. At halos mapatili nga siya sa kilig nang natanawan nga niyang naroon si Aron. Ang kanyang ultimate crush.

"Ay naku." Napangiwi naman si Gerlie. Lagi kasing ganoon si Diane. Halos magkandarapa kay Aron kahit wala naman itong napapala.

"Besh, wait lang ah?" paalam na nga ni Diane sa kaibigan. Agad siyang nagkarga sa isang plastic cup ng buko juice at sinalubong ang mga paparating na mga magbabarkada. Mga magbabarkadang lalaki na ka-edad din niya at ka-schoolmate. Galing sila sa basketball court dahil mga naglaro roon.

Kung sila ni Gerlie ay busy sa kanilang palamigan kapag walang pasok, sila naman ay mga naglalaro ng basketball. Iyong napapa-sana all ka na lang sa kanila kasi wala silang kaproble-problema sa buhay.

"Hi, Aron. Para sa iyo," ngiting-ngiti na bati niya sa binata sabay abot sa buko juice nang nilapitan niya ito.

Nagtawanan ang mga barkada ni Aron. Si Aron ay napakamot-batok naman. Nahiya.

"Malamig na malamig ito. Sigurading magiginhawaan ka," aniya pa na walang nararamdamang hiya. Wala siyang pake sa mga barkada ni Aron dahil proud pa nga siya sa ginagawa niya. Sabi nga sa nabasa niya sa Famebook;  Kapag mahal mo ang isang tao gagawin mo ang lahat para siya ay maka-forever mo.

Kaya wala siyang pake kung ano ang sasabihin ng iba sa kanya. Crush niya si Aron, crush na niya noon pa, as in noon pang elementary sila kaya desperada na siyang magpapansin dito hanggang sa magustohan siya rin nito. Gagawin niya ang lahat kahit na paulit-ulit pa siyang mapahiya.

"Thanks pero nakainom na kami kanina. Hindi na ako nauuhaw. Okay na ako," pero tanggi na naman ni Aron.

"Ganoon ba?" Dismayado siya at talagang ipinakita niya. Lagi na lang kasi. Araw-araw na lang kasi na tinatanggihan siya na para ba'y may lason ang kanyang palamig.

"Oo. Salamat na lang."  At iniwan na naman siya na parang wala lang matapos sabihin iyon.

As usual, bagsak na naman ang balikat niya na tumango. Napapalabi siyang sunod-tingin na lang siya sa mga binatang palayo. Hindi ba talaga siya maganda para hindi pansinin ni Aron? Mukha ba siyang mangkukulam para iwasan nito lagi? Saklap naman.

Mahaba ang nguso niyang pabalik sa stall nila ng kaibigan. Natigil lang siya saglit nang madaanan niya ang matandang pulubi na nakaupo lagi sa tabi ng kalsada. Dito niya ulit binigay ang buko juice na para sana kay Aron.

"Sa iyo na lang po ulit ito, Tatang," malungkot niyang sabi. Puwede nang talian ang kanyang nguso.

"Bakit na naman? Eh, hindi ba para sa lalaking 'yon iyan?"

Napabuntong-hininga siya. "Ayaw niya po, eh. Tulad ng ayaw niya sa akin."

"Gano'n ba? Sige salamat." Kinuha sa kanya ni Tatang ang palamig. "Eh, wala ba namang gayuma ito? Masyado ka pang bata para sa akin, iha," pero dagdag sabi ba naman nito.

"Tatang naman, eh. Ibibigay ko ba naman sa iyo iyan kung may gayuma? Mindset ba, Tatang, mindset."

"Aba'y naniniguro lang ako." Inubos naman agad ng matanda ang buko juice at syempre biro lang iyon ng matanda.

Napapakamot-batok na lang siya na bumalik sa palamigan nila.

"Ano? Anong napala mo na naman? Papansin pa more! Para mas magmukha ka pang tanga more!" at as usual, sermon na naman sa kanya ng kaibigan. Palibhasa ay hindi ito boto sa ginagawa niyang paghahabol o tamang word panliligaw niya kay Aron. Sapagkat nakakahiya raw. Kababae raw niyang tao pero siya ang naghahabol.

"Bakit gano'n siya? Siya na ang binibigyan ng libre, ayaw pa niya. Masarap naman ang mga palamig natin, 'di ba?"

"Ay tanga nga talaga. Nagtanong pa talaga." Natampal ni Gerlie ang sarili nitong noo. "Gusto mo sagutin ko 'yang tanong mo?"

Inirapan niya ang kaibigan. "Huwag na. Alam ko naman na ang isasagot mo. Sasabihin mo lang na naman na dahil hindi ako type ni Aron."

"Alam mo naman pala, eh."

Iningusan niya ito.

"Iyon ang totoo kaya puwede ba itigil mo na 'yang ginagawa mo. Nakakahiya ka na talaga, eh. Hindi mo ba nakikita pinagtatawanan ka ng mga barkada niya?"

Napabuntong-hininga siya. Alam niya 'yon talaga dahil alam naman niya ring may girlfriend na si Aron, pero hindi niya talaga alam kung paano titigil sa pagpapansin.

Kasalanan bang humahanga pa rin siya kay Aron at umaasang mapapansin din siya nito balang araw sa kabila ng lahat? Kung meron nga lang siyang magic, eh, mamagiken niya talaga na sana siya na lang ang nobya ni Aron.

Kung alam lang sana nila na ang hirap ng kanyang sitwasyon. Ang crush niya ayaw sa kanya. Ang saklap.

MY EPIC GAYUMA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon