"Ano ba ang iniisip mo?" tanong ni Gerlie sa kanya dahil kanina pa siya tulala at nakapangalumbaba lang sa lamesa imbes na tumulong siya sa paghahanda ng kanilang ipapanindang palamig sa araw na iyon.
Tumingin si Diane sa kaibigan. "Gerlie, naniniwala ka ba sa gayuma?"
Napaismid si Gerlie. Napatigil sa paglalagay ng yelo sa inumin. "At kailan pa naging totoo ang gayuma para paniwalaan ko?"
"Sabi kasi ni Tatang, eh, totoo 'yon. Ginayuma raw kasi siya ng asawa niya noon."
"Suss, maniwala ka d'on. Umayos ka nga, Diane. Alam kong tanga ka na nga'y gullible ka pa pero sana utang na loob huwag kang nagpapani-paniwala sa mga ganoong bagay.
Ngumuso-nguso siya. Sabagay hindi naman siya naniniwala, kaya lang ang tagal niya kasing pinag-isipan iyon kagabi at sumisiksik sa isip niya na hindi naman masama kung susubukan niya. Wala namang mawawala. Isa pa'y hindi naman siguro mamamatay si Aron kung gagayumahin nga niya.
"Tara na. Okay na ang mga ito," pagkuwa'y sabi na ni Gerlie nang matapos na nitong timplahan ang mga palamig.
Tatlong klase ng palamig lang ang ginawa nila ngayon dahil kahapon ay hindi naman naubos ang mga ginawa nila. Maraming natira dahil wala masyadong tao sa plaza. Siguro ay dahil bakasyon at kapag bakasyon madami ang nagpupunta sa probinsya kaya konti lang ang tao ngayon sa lugar nila. Pero pasalamat pa rin nila dahil kahit matumal ay kumikita pa rin naman silang magkaibigan. Tiwala pa rin silang makakaipon pa rin sila ng pan-enroll nila hanggang sumapit ang pasukan.
Bitbit na nga ang mga palamig na pinagtulungan nilang dalhin at sumakay na sila sa tricycle na lagi nilang inaarkila papuntang plaza.
"Hay, ang bigat," sambit ni Gerlie na inilapag ang dala nitong palamig sa stall nila.
Inayos naman agad ni Diane ang mga gamit nila. Agad niyang nakita si Tatang na pulubi sa dati nitong puwesto pero hindi niya muna ito nilapitan. Pag-iisipan niya muna hanggang hapon ang offer nitong gayuma.
Ang sabi rin kasi ni Tatang kahapon ay matagal bago mawala ang bisa ng gayuma or puwedeng hindi na matanggal. Kailangan niya raw munang kapain sa puso niya kung talagang si Aron na nga ba ang gusto niyang makasama habambuhay, dahil wala nang bawiin oras na mainom ni Aron ang gayuma.
"Oy, Diane! May tao!" kalabit ni Gerlie sa kanya dahil natulala na naman siya kakaisip sa gayuma.
"Ay sorry sorry," sabi niya. "Ano po 'yon?" tanong niya sa ginang na bibili ng palamig.
"Bigyan mo ako nito," sabi ng ginang na tinuro ang pineapple flavor.
"Sige po." Mabait at nakangiting inasikaso na nga niya ang buwenamano nila.
Napapailing lang naman si Gerlie habang nakatingin kay Diane. Sa isip-isip niya'y, inlababo talaga ang kaibigan kaya nawawala na sa sarili. Kung kaya lang sana niyang burahin ang pagkainlababo nito kay Aron ay ginawa na niya. Naaawa na kasi talaga siya kay Diane. Nagmumukha na talagang tanga dahil sa labis na pagtingin kay Aron.
Buti na lang at marami silang naging customer sa araw na iyon. Sunod-sunod kung kaya nawawala si Diane sa pagkatulala.
"Sana ganito lagi ang bentahan natin, no? Tiyak na makakaipon talaga tayo bago ang pasukan," saad ni Gerlie habang binibilang ang mga pinagbentahan nila. Tubong-lugaw na sila kaya masaya na sila ngayong araw. Kuta na sila. Bawi na nila ang puhunan nila at may tubo na rin kaya 'yung mga palamig na nasa mga lagayan pa ay tubo na rin nila ang mga iyon.
Masaya na silang nagkukwentuhan nang may dalawang lalaki na umagaw sa atensyon nilang magkaibigan.
"Pabili," at si Aron ang isa.
BINABASA MO ANG
MY EPIC GAYUMA
RomanceSa kahibangan ni Diane sa kanyang ultimate crush ay may nagawa siyang kagagahan, kalokohan, at katangahan. Sa tulong ng isang matanda ay gumawa siya ng gayuma upang mapaibig niya sana ang lalaking crush na crush niya. Kahit pa suntok sa buwan para...