"Buti naman at nandito ka na, Tito." Nakahinga ng maluwag si Aron nang madatnan niya ang Tito Rj niya sa bahay nila. Niyakap niya ito nang maluwang bilang pagwe-welcome home. Para siyang natanggalan ng tinik sa dibdib dahil ang tagal niyang nagpaikot-ikot sa airport kanina. Nang hindi niya makita ay kinakabahang umuwi siya dahil sa isip-isip niya ay baka nawala o naligaw na ito.
Sobrang natagalan siya. Pinagawa pa kasi niya ang kotse ng Daddy niya na nasiraan kalsada, bago niya ito nasundo. Kaso pagdating niya roon ay hindi na siya naantay pa. Buti na lang talaga at nandito na sa bahay nila, kundi lagot siya sa Mommy at Daddy niya sana.
"Where have you been? Bakit hindi mo nasundo ang Tito Rj mo? Buti nakarating siya rito sa bahay," tulad nga nang inaasahan niya ay sermon pa rin sa kanya ng ama.
"Huwag mo nang pagalitan ang pamangkin ko, Kuya. Nakauwi naman ako nang maayos, eh." Inakbayan ni Rj ang kapatid saka kumindat naman sa pasaway niyang pamangkin. Close sila na magtiyuhin kaya nagtatanggulan sila.
"Kahit na! 'Yang batang 'yan talaga 'di na maasahan! Lumalaki nang paurong!"
"Nasiraan ako sa kalsada, Dad, at hindi ako makatawag dito o kay Tito Rj dahil naiwan ko dito sa bahay ang cellphone ko. Sisihin mo ang kotse mo. Bulok na pala," mahaba ang ngusong pagrarason ni Aron.
Lalo lang naman nagalit si Mang Arnold. "Tingnan mo! Sinira mo pa pala 'yong sasakyan! Hay! Bwisit talaga!" anito saka agad lumabas sa garahe para i-check ang pinakamamahal nitong sasakyan.
Tatawa-tawa na naiwan sa sala ang magtiyuhin. Apiran pa ang dalawa. Sanay na sila sa laging highblood na si Mang Arnold.
"So, paano ka nakarating rito, Tito?" usisa ni Aron sa tiyuhin nang umupo sila sa sopa.
"Nag-taxi na lang ako at nagtanong-tanong. Ang tagal mo, eh. Alam mo naman na madali akong mainip."
Kamot sa ulo si Aron. "Minalas, eh. Ngayon pa nasiraan. Sorry, Tito."
Magaang tapik sa balikat ang isinagot ni Rj sa balikat ng pamangkin. Pagkuwa'y biglang may pilyong naalala. "Siya nga pala, Aron."
"Ano po 'yon?"
"Kilala mo ba 'yong babaeng nagbebenta ng palamig sa may malapit na kanto? Sa may plaza ba 'yon?"
Awtomatiko ang pagkunot ng noo ni Aron sa tiyuhin. "And why are you asking?"
Napangisi ang binatang may edad na pagkuwa'y napahawak sa sariling baba. "Wala naman. Sa kanya kasi humingi ng tulong kanina, eh. Ang cute niya kasi."
"Baka si Diane o Gerlie, Tito. Sila lang naman ang nagbebenta ng palamig doon."
"Ah, baka nga malamang isa sa kanila," ngiting-ngiti na saad ni Rj. Animo'y nangarap pa.
Nagtaka tuloy si Aron sa tiyuhin. Sa isip niya'y huwag sanang sabihin ng Tito Rj niya na type nito ang isa sa mga dalaga na nagbebenta ng palamig. Ang tanda na kasi ng Tito niya at ka-edad niya naman sina Diane at Gerlie. Hindi bagay. Ang laki ng age gap nila.
"Kaibigan mo ba sila? Pakilala mo naman ako sa kanila nang mayroon naman akong kaibigan dito," pakiusap ni Rj sa pamangkin.
"Po?" Napangiwi na talaga si Aron.
"Pakilala mo ako kahit do'n sa isa lang. Kay cute."
Kamot-ulo si Aron. Patay na! Mukhang tinamaan na nga yata talaga ang Tito Rj niya. Pero kanino kaya? Kay Diane kaya? Naku huwag naman sana dahil sigurado basted agad ang Tito niya dahil patay na patay sa kanya ang babaeng 'yon. Ayaw niyang ma-heartbroken na naman ang tiyuhin, dahil kung hindi tatanda na talaga ito ng walang asawa.
BINABASA MO ANG
MY EPIC GAYUMA
RomanceSa kahibangan ni Diane sa kanyang ultimate crush ay may nagawa siyang kagagahan, kalokohan, at katangahan. Sa tulong ng isang matanda ay gumawa siya ng gayuma upang mapaibig niya sana ang lalaking crush na crush niya. Kahit pa suntok sa buwan para...