Not so long ago in UPLB
Biyernes nanaman. Araw ng uwian ng mga estudyante sa kanikanilang mga probinsya. Magisa si Isko sa kanyang dormitoryo, nakahiga, nagmumuni-muni habang nakatitig sa ilalim ng ikalawang kama. Hindi matanggal sa isip niya si Isko2. Patuloy parin ang pagtakbo nito sa kanyang isipan.
Hindi niya mawari kung bakit. Unang beses pa lang mangyari sa kanya na alalahanin ang bawat oras na kasama ang isang lalaki.
"Hindi ako bakla." Ang bukang bibig ni Isko habang nakakunot ang kanyang noo sa hindi tumitigil na imahinasyon kasama si Isko2.
Gusto niyang pumunta sa isang lugar na tahimik. Sa isang lugar na walang makakarinig kundi siya lamang.
Kinuha niya ang kanyang gitara at tumungo siya sa Baker Hall.
Pagtapak ng kanyang paa sa labas ng gusali, tahimik ang kapaligiran. Hindi ito ang karaniwang Baker Hall na puno ng estudyanteng pawis at 'haggard-looking'.
Wala rin ang mga instructor na forever na naka rubbershoes at loose shirt. Ito ay waring ghost-town.
Sinubukan niyang itulak ang mga kahoy na pinto ng Baker Hall. Bumukas ito. Bumulaga sa kanya ang isang malaking espasyo na malinis sa kahit na anong tinig at tengang makakarinig sa kanya. Umakyat siya sa pangalawang palapag at tumungo sa kanang kuwarto.
Doon, nakita niya ang mga nakasalansang upuan sa paligid ng silid. Ang maliwanag na dampi ng araw sa kahoy na sahig. Ang amoy ng luma na katumbas ng payapang pakiramdam. Ito ang lugar na pupuwede siyang mapagisa at kumanta kasabay ang tugtog ng kanyang gitara.
Habang inaayos ni Isko ang kanyang instrumento sa gitna ng silid, nakarinig siya ng mabilis na tapak ng paa patungo sa lugar na kanyang inookyupa.
"Ano na ang napag usapan..." bigkas ng bibig ni Isko2.
Napatigil ang dalawang lalaki. Ilang segundo rin ang itinagal ng katahimikan. Hindi makapaniwala si Isko sa kanyang nakita. Ang estudyanteng hindi maalis sa kanyang isipan ay nasa kanyang harapan. Bumilis ang tibok ng puso ni Isko. Unti-unti na niyang nararamdaman ang init sa kanyang mga pisngi. Kailangan na niyang basagin ang katahimikan.
"May class ba tayo pag Friday?" Sinabayan na lamang niya ito ng ngiti upang maitago ang kaba ng kanyang dibdib.
"Uhm... Friday?? Thursday lang ngayon diba?" Hindi siguradong sagot ni Isko2.
Hindi niya mapigilang ngumiti abot sa kanyang mga tenga dahil sa sobrang pagkakyut ni Isko2 sa naturang sitwasyon.
Mayamya pa at nakita niyang napaluhod si Isko2 sa sahig. Dalidali niya itong nilapitan at tinulungang makatayo.
"Uy! Ano nangyari sa iyo?" Tanong ni Isko habang hindi sinasadyang mapalapit ang kanyang mukha sa pisngi ng isa pang Isko.
"Er.. o.. uhh.. ok ako." Sagot ni Isko2.
"Nakakatawa ka naman. Nalaman mo lang na mali ka ng araw sa utak mo, napaluhod ka na agad."
Naramdaman nanaman ni Isko ang maninit na dugong umakyat sa kanyang mukha kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Hindi ito dapat mapansin ni Isko2 kaya tinakpan na lamang niya ang nararamdaman gamit ang isang nakamamatay na ngiti.
Sa pagkakataong iyon, hindi na niya pinigil ang mga imahinasyong tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi na niya gustong manatiling nasa isip niya lamang si Isko2.
Sa pagkakataong iyon, ang malayo kay Isko2 ang pinakahuling bagay na kanyang gagawin.
"At dahil diyan, tulungan mo naman ako. Sasali kasi ako sa Freshman Idol. Nagparaktis lang ako dito. Pakinggan mo nga kung ok na ung kakantahin ko."
Tumungo si Isko2 na nagbigay ng kaligayahang minsan lang naramdaman ni Isko.
Umupo sila sa gita ng silid. Sa ilalim ng sinag ng araw. Nagsimulang tumugtog si Isko ng kanyang gitara...
(to be continued...)