Penumbre

168 7 4
                                    

No'ng sinabi mo sa akin na halos ikamatay mo na ang pagsilang sa akin, naisip ko tuloy kung pa'no kung hindi mo ako binuhay?  Kasi kung ako ang iyong tatanungin, ilang beses mo na akong pinatay. Nang paulit-ulit. Nang walang paawat. 


Bata pa lamang ako; sinabi mo na sa akin ang mga katagang, "Wala kang mararating, Maria!" 


Paano ba naman kasi, utal-utal. Parang pinipilipit ang dila. Tatanga-tanga pa. Kapansin-pansin din ang pananahimik ko sa tuwing kasama mo ang mga kapatid ko. Mga kapatid ko na tanging binibigyan mong halaga. Samantala sa akin ay wala.


At simula pa lamang noon, namatay na ako.


Kung kaya't, doon ko pinursige ang sarili ko. Muli kong binuhay ang sarili ko. Pinilit kong baguhin ang pagkapulupot ng dila ko. At doon nga'y nakuha ko ang medalya noong Kinder pa lamang ako. Best in Reading na nga, First Honor pa! Tuwang-tuwa ako sa nangyari dahil alam ko na mula roon ay matutuwa ka sa 'kin. Na kaya mo na akong ipagmalaki. Pero, hindi ang inaasahan ko ang nangyayari. Pinagkibit-balikat mo lamang ang lahat at mas pinagtuunan mo pa rin sila. Parang tinunaw ang metal na nakasabit sa munting leeg ko.


Sa ikalawang pagkakataon ng buhay ko, namatay ako.


Hanggang sumapit ang ikatlong baitang ko. Nanatili pa rin akong nangunguna sa klase. Pero, ikaw ay abala lang talaga siguro. O baka nama'y 'di mo lang talaga ako napapansin. A, mali! Napansin mo nga pala ako. Noong nakagawa ako ng awit na siyang tinampok sa school program namin. Ako rin ang umawit. Pero sa halip na suportahan ako, nasabi mo pa na ang pangit naman ng boses ko. Bigla akong nahiya. Mariin. Napahalukipkip sa isang sulok saka umiyak. Nang pagkakalakas-lakas. Na halos marinig na nang lahat. Na halos ikabingi mo na...kung maririnig mo lamang. Pero hindi. Hindi mo ito narinig.


Kaya naman, namatay na naman ako.


Sumapit ang ilang taon at ga-graduate na ako sa eskwela. Ang sarap at gaan sa pakiramdam kasi alam kong matutuwa ka. Sana nga. Kasi, ako ang naging valedictorian sa batch namin! Inaasahan ko na dumalo ka, pero...katulad ng dati ay ni anino mo ay wala. Walang nagsabit sa'kin ng medalya. Wari ko sa pagsuot nito sa aki'y naging mga lubid ito na pumupulupot sa leeg ko. Sumasakal.


At sa ikaapat na pagkakataon, namatay ako.


Sumapit ang highschool, at sa hindi ko malaman na dahilan, nagpatuloy pa rin ako sa pagsusumikap. Baka sakali kasi, mapansin mo naman ako. Ngunit sumapit ang ikatlong taon ko sa sekondarya, hinayaan mo lamang akong mag-isa. Nangungulila. Sa yakap mo. Sa pagkalinga mo.


Hindi ko alam kung lingid ito sa kaalaman mo pero alam mo, no'ng dumating ka, inakala kong susuportahan mo ako? Mali na naman pala ang hinuha ko. Sa halip, isang malakas na sigaw ang inabot ko sa'yo ay ang mga katagang: "SECOND HONOR KA NA LANG? TATANGA-TANGA KA KASI. BOYFRIEND MO KASI LAGI ANG INAATUPAG MO!" 


Muli't muli, namatay ako.


Hindi pa man naghihilom ang langib sa puso ko ay sinundan mo na 'to ng isa pang kadlit. Hindi mo gusto ang aking kasintahan. Mas gusto mo 'yung lalaking mayaman. Na di hamak na mas matanda sa 'kin. Na di hamak na iba ang nais sa akin.


Namatay muli ako.


Hanggang sa hindi ko na ninais ang mapabilang dito sa mundo. Tama ka nga naman kasi, isa lamang akong pabigat. Isang pabigat na kailanma'y hindi mo ikakakagaan. Isang kalungkutan---na kailanma'y hindi mo magiging kasiyahan. Isang pasakit---na kailanma'y hindi mo magiging kagaanan.


Kaya nga, nagtataka ako kung bakit mo pa ako binuhay; kung sa bawat pukol mo ng asik sa akin ay para mo na rin akong pinapapatay?


Nang paulit-ulit.
Paulit-ulit.
Paulit-ulit.


Sumapit na ang dilim. Doon ko natagpuan ang aking sarili. Nakatanaw sa liwanag ng sikat ng buwan. Humihiling sa tala. Na sana, sa bawat pagkamatay ko sa'yo ay maging masaya ka. Dahil 'yun lang naman ang hiling ko sa lahat, Inay. Ang kasiyahan mo. Dito sa mundo. 


Siguro nga, sa pagkamatay ko...doon ka sasaya. At sa muli kong pagkamatay, sisiguraduhin ko na sa pagpikit ng mga mata ko'y matatanaw mo na ang kaligayahang nais mo. Pagod na ako, Inay. Magpapahinga na ako. At sa huli kong pagkamatay, mamatay ako sa paraang namatay ka. 


"Anak, patawad kung katulad din ni Inay ang gagawin ko. Mamadaliin lang ni Mama, ha?"


No'ng sinabi mo sa akin na halos ikamatay mo na ang pagsilang sa akin, naisip ko tuloy kung pa'no kung hindi mo ako binuhay? 


Siguro nga, tama na lamang din na lagyan ko na ng tuldok ang mga pangungusap na bumuo sa akin. Upang magwakas na't matapos na ang sakit...ang pighati...ang poot...ang pag-asa...ang liwanag...ang lahat.


Tuluyan ko na ngang pinikit ang aking mga mata matapos kong ipabatid ang aking pamamaalam sa batang nasa loob ng sinapupunan ko.

Kuwentong KalyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon