*****************************************
Inaaanyayahan ko ang lahat na magkuminto para naman malaman ko ang inyong saloobin para sa ikakaganda sa susunod na mga kabanata. Maraming salamat po!!!!
*******************************************Alam ko sa sarili ko kung anong uri ng pagkataong meron ako. Hayskul pa lang kasi ng naramdaman kong kakaiba ako sa mga kasing edad kong lalaki. Ay kung bakit mahilig sila sa pagbabasketball samantalang ako sa volleyball nahuhumaling. Mas attracted ako sa mga may itsura kong lalaking kaklase kaysa doon sa mga babae. Bagamat may kalituhan pero pilit kong isinilsil sa aking isipan na ako ay isang lalaki. In denial parin ako kahit na nagsisimula ng magsilabasan ang mga palatandaan ng pagiging isang alanganin ko.
Noong mag-college ako, doon ko na tuluyang nakilala ang aking sarili. Mas nai-excite akong panoorin ng palihim ang Miss Universe kaysa sa championship ng NBA. Halos mapapatili ako at napapalundag ng mataas na para bang mabubunggo na ako sa kesame sa sobrang saya kapag binabanggit ng host ang,
"YOU ARE STILL IN THE Competition...PHILIPPINES!"
Hay, grabe ang sigaw ko niyan na para bang ako mismo ang nandoon sa pageant na iyon. Iyon nga lang may unan na nakapasak sa aking bunganga. Mahirap na kasi kapag maririnig ako nina Daddy at Mommy mabuking pa ako. Lalo na si Kuya na alam kong may allergy sa mga katulad ko.
Bagamat tanggap ko na ang pagiging ganito ko, pilit ko parin naman itong inililihim sa aking pamilya lalo na kay Daddy na may mataas na katungkulan sa PNP. Sa tulad niya na isang kagalang-galang at ulirang pulis paniguradong hindi niya matatanggap na may lalambot-lambot sa kanyang pamamahay. Kaya hayun, todo ang pagsisikap kong huwag mahalata nila at sa awa naman ng Diyosa ng mga bakla sa Makiling, napagtagumpayan ko naman. Kunsabagay sa gwapo ko ba naman at astigin kong kumilos at pananalita tiyak na hindi ako maaamoy pwera na lang siguro sa mga taong katulad ko ng pagkatao.
Sa edad ko ngayon na labinwalo, di sa pagmamayabang, maraming mga kababaihan sa university na pinapasukan ko ang patay napatay sa akin. Iyong iba pa nga ang mismong lumalapit at nanliligaw sa akin pero lahat iyon ligwak. Sorry na lang sila dahil hindi ko sila type. Iba kasi ang gusto ko. Pero hirap akong magkaroon. Alam ko ang siste ng ligawan ng mga nasa gitna; itsura ang labanan. Iyon bang kung may itsura ka at masarap sa paningin nila, bentang-benta ka at lalo na kung may pera ka. Kung sa pagkain, pag-aagawan ka.
Lahat naman ng katangiang iyon ay nasa akin ngunit zero parin ang lovelife ko. Hirap akong makabingwit kahit isa. Nauungusan pa ako ng kaibigan kong si Dexter na bagamat hindi ganoon ka gwapo kung ikukumpura sa akin ay halos linggo-linggo kung magpalit ng boyfriend.
"Hay naku Jeric wala namang problema sa'yo. Kung sa itsura, tiyak panalo ka. Matangkad na may katawan pa!" Ang sabi sa akin ng kaibigan kong si Dexter na tulad ko kumukuha rin ng Engineering sa UST. Isa rin siyang discreet o iyong hindi halata ang pagiging bading. "Alam mo ikaw, sabihin ko na sa'yo, suplado kasi ang aura mo. Kaya siguro nahihiyang lumapit iyong may gusto sa'yo!"
"Alam mo namang hindi ako ganoon Tol!" Ang pagtatanggol ko pa sa aking sarili kahit na alam kong tama naman ang kanyang sinabi. Isa sa mga defense mechanism ko kasi ang pagsusuplado-supladuhan para mas maitago ko pa lalo ang pagkatao ko. Para sa akin kasi, ang pagiging suplado ng aura ay makadaragdag sa pagiging brusko ko. Ngunit may hindi maganda din pala iyong hatid sa akin. Bukod doon, isa rin akong mapiling tao. May sinet kasi akong qualification sa taong hinahanap ko. Una, dahil nga sa may itsura ako, dapat may itsura rin ang jojowain ko. Dapat iyong makinis ang balat at balidoso sa katawan. Ayoko iyong mukhang mabaho. Gusto ko iyong kasing tangkad ko na 5"11 o higit pa kahit na hindi ganon kaganda ang hubog ng katawan basta hindi iyong chubby o masyadong payat. Pangalawa, ayoko ang halata. Gusto ko iyong lalaking-lalaki sa kilos at pananalita. Para kapag dumalaw siya sa bahay hindi kami matunugan nina Daddy at kuya. At kapag mamasyal kami sa pampublikong lugar gaya ng mall, para lang kaming magtropa kung titingnan. Pangatlo, gusto ko iyong may pera. Hindi upang may manlibre sa akin dahil may pera naman ako kundi para may kahati ako sa mga gastusin kung kami ay kakain o mamasyal. Napag-alaman ko kasi na hindi na lang ang mga lalaking straight ngayon ang manggagamit o humihingi ng kapalit. May mangilan-ngilan naring mga alanganin ang gumagawa ng ganoon para lang makamit ang mga pangangailangan nila.
BINABASA MO ANG
Wala Man Sa'yo Ang Lahat
RomanceIsa akong mapiling alanagnin. Meroon akong sinet na mga standards para sa taong mahalin. Gusto ko iyong gwapo at may kaya din na tulad ko. Matalino at may mataas na pangarap. Ngunit paano kung darating ang panahon na ang taong ititibok ng puso ko a...