Paulit-ulit kong inisip na sana'y di na dumating pa ang oras na nakilala kita. Na pinangarap kong makasama ka. Na inasam ko na mahalin mo ako at mahalin kita.
Na sana'y hindi na lang nahulog ang loob ko sa'yo at nasanay sa mga oras na nakakausap kita na para bang wala nang darating na umaga.
Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya sa araw na iyon na ngayo'y isa na lang mapait na alaala ng aking kahapon.
Umabot tayo sa punto na nasabi mong mahal mo rin ako. Na nasuklian mo rin ang pagmamahal na para lang sa'yo. Ngunit dahil sa layo ng agwat at liit ng posibilidad na tayo'y magkita, mas pinili mong maging magkaibigan na lang tayo sapagkat pareho lang tayong mahihirapan.
Masakit man pero umoo ako. Ano nga ba ang laban ko sa isang taong laging nariyan na kasama mo? Ang nais mo ay iyong mayayakap, masasabihan ng mga nakakatuwang kuwento sa buong maghapon. Mahahagkan, mahahawakan ang kamay, at makakatabi sa pagtulog.
Isang araw, nagising na lang ako na hindi na kita hinahanap. Nawala na ang sakit bagamat nagpakabitter ako kasi inunfriend kita. Hindi ko kasi kaya "dati" na masaya ka sa piling niya. Noon iyon, pero ngayon, masasabi ko nang kaya ko na. Na natuto na ako. Na kaya ko nang makipag-usap sayo gaya ng dati. Yung walang ilangan, at wala nang anumang pag-aalinlangan.
Salamat dahil minahal mo rin ako. Marahil ay hanggang dun lamang tayo. Magkaibigan. Nakakalungkot man pero magiging masaya na rin ako. Para sa'yo, magagawa ko na ring maging masaya dahil nahanap mo na ang taong magpapasaya sa'yo. Yung taong mamahalin ka nang higit sa pagmamahal na maibibigay ko.
Sana, maging masaya ka sa bawat araw. Hindi mo man alam, naiisip pa rin kita. Ispesyal pa rin ang pangalan mo sakin. May puwang ka pa rin sa puso ko.
Nababasa ko ang ilang posts mo. Bagamat may kirot pero nagagawa ko nang ngumiti. Naiimagine ko kung gaano ka kasaya. Naiisip ko yung maniningning mong mga matang nakatawa. Na kuntento at wala nang maaasam pa.
Hanggang dito na lang. Masyado nang mahaba. Basta tandaan mo, minahal kita at totoo yun. Hanggang ngayon, pero bilang isang ispesyal na kaibigan.
Magpakasaya ka lagi. Lagi mong iisipin na nandito lang si kuya para sayo.
I Love you. Yiehhh. Haha