CHAPTER THREE

553 13 15
                                    

PARANG nagising sa mahabang pagkakatulog si Rain nang maramdaman niya ang pagdampi ng mga halik sa magkabilang pisngi niya. Halos magkasabay pang lumapit at humalik sa kanya sina Louie at Sidd. Pagkatapos ay nagkatinginan ang mga ito, parehong seryoso ang mukha. Halos sabay ring nagbawi ng tingin na halatang iniiwasan ang isa't isa.

"Bakit ngayon ka lang?" may pag-aalalang tanong ng mama niya. "Malapit na yata ang presentation mo."

"Oo nga," sabi ni Mandy na namalayan na lang niyang nasa likod na niya. "Alis na muna kami, Tito, Tita, ha?"

"Sige, Mandy. Galingan n'yo, anak." Nagpakawala ng ngiti si Sidd.

Iyon lang at hinila na siya ni Mandy papunta sa backstage para maghanda. Hindi pa rin siya nakatiis na hindi lumingon sa mama at papa niya. Nakatayo pa rin ang mga ito kung saan niya iniwan. Magkalapit sa isa't isa pero nag-iiwasang magkatinginan. Hanggang sa makita niyang iniwan na ni Louie si Sidd at bumalik na ito sa upuan. Hindi pa rin naman nakaligtas sa mga mata niya ang pagsunod ng tingin ng papa niya kay Louie.

Ilang beses na yata niyang naitanong sa sarili kung mahal pa rin kaya ng mga ito ang isa't isa? Wala siyang makuhang sagot sa utak niya.



MAGANDA naman ang play nina Rain at Mandy. Pero siyempre talo sila ng ibang grupo. Ano ba namang laban ng mga katulad nilang mechanical engineering students? Kung hindi lang nga project iyon sa English ay nunkang sasali siya roon. Mas gusto pa niyang magkumpuni ng sasakyan kaysa umarte-arte sa stage.

May talyer kasi ang papa niya. Bata pa lang siya ay sinanay na siya nitong magtrabaho sa talyer. Naging asal-lalaki tuloy siya. Kabaliktaran ng mama niya ang papa niya. Mayaman naman ang pinanggalingan nitong pamilya. Sa katunayan ay dating driver ni Louie si Sidd.

"Pa!" malakas niyang pagtawag sa papa niya nang matanaw niya itong naglalakad na papunta sa pick up truck nitong nakaparada sa labas ng multipurpose hall.

Napatingin sa kanila ang mama niya na nakatayo na rin sa labas at hinihintay siya.

"Aalis na kayo?" tanong niya kay Sidd na saglit na tumigil at hinintay siyang makalapit.

"Madaming gawa ngayon sa talyer, eh,"sagot ng papa niya. "Isa pa hindi ka naman uuwi ngayon sa bahay, di ba? Sa mama mo..."

Napabuntunghininga siya. Ganuon ang arrangement nila. Two weeks siya sa mama niya, two weeks din sa papa niya. Nakakalungkot. Pero mas gusto na niya iyon kaysa mapalayo ulit sa kaniya ang mama niya.

"Baka naman puwedeng kumain muna tayo sa labas?" hiling niya. "Kasama si...mama." Napatingin siya kay Louie na mukhang kanina pa nanonood sa kanila.

Tumingin din si Sidd kay Louie. Pero agad din itong nagbawi ng tingin. "Next time na lang, anak, ha? Pasensiya na. Busy ang papa, eh. Mukhang nagmamadali rin ang mama mo."

"Let's go, Rain." Mayamaya nga lang ay narinig niyang anyaya ni Louie. Aristokratang tingnan ang babae sa suot nitong dress. Ito na ngayon ang chief operating officer ng negosyong iniwan ng lola niya.

Samantalang simpleng simple pa rin mag-ayos ang papa niya. T-shirt. Jeans. Jacket. Sneakers. Mga bagay na nakasanayan din niyang isuot dahil lumaki siya at nagkaisip sa tabi ng ama.

Malungkot siyang lumapit at humalik sa ama. "Bye, papa..."

Hindi sumagot si Sidd. Niyakap lang siya nito. Kabisado na niya ang papa niya sa tagal ng pinagsamahan nila. Ramdam niya sa yakap nito ang lungkot. Humalik ito sa pisngi niya at saka humakbang na patungo sa sasakyan nito. Para siyang maiiyak habang hinahabol ito ng tingin.



"ANONG SABI ng papa mo?" usisa ni Louie nang nasa sasakyan na sila.

"Busy ka raw kaya hindi tayo puwedeng lumabas." Nakatingin siya sa labas ng sinasakyang Honda CR-V. Nasa back passenger seat sila. May driver na nagmamaneho ng sasakyan. Kalalabas pa lang ng sasakyan mula sa university na pinapasukan niya.

Napaismid ang mama niya. "Baka siya ang busy."

"Hindi na ba talaga kayo magkakabalikan?" biglang tanong niya.

Natahimik ang mama niya. Hindi makasagot. O ayaw sumagot.

"Ma..." Tumingin siya rito sa nakikiusap na mga mata.

"Para ano?" sa wakas ay sagot nito. "Para araw-araw akong awayin at sisihin ng papa mo dahil ako ang kasama ni Trish nung mawala siya?" May namintanang luha sa mga mata ni Louie. "Na para bang ginusto ko lahat nu'ng nangyari. Anak ko 'yun, eh. Para na rin akong namatay nung mawala ang kapatid mo."

Hindi na ulit siya nagsalita. Masasaktan lang siya lalo. Sa tuwing napapag-usapan nila si Trisha, hindi puwedeng hindi bumalik ang sakit.

Kakain sila noon sa labas. Sinundo siya ni Sidd sa school. Magkasama naman sina Louie at Trish na umalis ng bahay para puntahan sila. Pero habang papunta sa restaurant, bigla na lang nawala si Trisha. Inabot sila ng madaling araw sa kakahanap dito pero hindi nila natagpuan ang bata.

Naging aktibo ang mga pulis sa paghahanap kay Trisha. Nagpalabas naman si Louie ng mga panawagan sa TV, radyo at newspaper na magbibigay ito ng malaking pabuya sa makakahanap kay Trisha. Pero walang nangyari sa paghahanap. Hindi na nila nakita si Trisha magmula noon.

Tahimik na ibinaling ni Rain ang paningin sa labas ng sasakyan. Ayaw na niyang magsalita pa ulit sa takot na maungkat na naman si Trisha at masaktan siya. May bumagsak na luha mula sa kanyang mga mata na kaagad niyang pinahid. Nang lumiwanag ang paningin niya, saka siya may natanaw na pamilyar na lalaki sa gilid ng daan.

Ang lalaking napagkamalan niyang snatcher kanina at nakatingin ito sa sasakyan nila!

"Manong, pakitabi po ang sasakyan!" agad niyang sabi sa driver na si Mang Oscar. Listo namang itinabi ni Mang Oscar ang sasakyan.

Takang napatingin sa kanya ang mama niya. "Bakit, Rain?"

Hindi na niya nakuhang sagutin ang tanong ng ina. Kaagad siyang bumaba ng sasakyan at patakbong pinuntahan ang lalaki.

Pero nang matanaw siya ng lalaki, kaagad din itong tumakbo papunta sa nakaparadang motorsiklo nito.

"Huy, bumalik ka dito!" sigaw niya sa lalaki.

Pero lalo lang nitong binilisan ang takbo. Lalo tuloy siyang nagkainteres na malaman kung sino ang lalaking iyon. Anong ginagawa ng lalaking iyon sa may school niya? Bakit nito hinahabol ng tingin ang sasakyan nila. Kilala ba sila nito?

Ilan lamang iyon sa mga katanungan ni Rain sa isip habang tumatakbo para habulin ang lalaki.

***

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 24, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Minsan May Isang Musmos Na Puso Book 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon