Ghosts Mimicking the Living: My Sister's Double

598 16 0
                                    

Ghosts Mimicking the Living: My Sister's Double (Shiela's Story)



"Sheena!"

Malakas na tawag ni Shiela sa nakatatandang kapatid. Ngayon gabi kasi ay siya ang nakatuka para maghugas ng plato. Kaso, inaantok na siya at hindi kumakain ang kapatid niya. Hindi na niya ito mahihintay.

"Sheena!" Muli niyang pagtawag. Pero walang sagot mula sa ikalawang palapag ng building na inuupahan ng pamilya niya. Kanina, bago siya bumaba para maghugas ng mga platong nakatambak sa lababo ay nadaanan pa niya ang ate niya na nasa salas sa ikalawang palapag. Nagtutupi ito ng mga nilabhang damit habang nanunuod ng T.V.

"Sheena! Ano ba?" Naiiritang pumanhik si Shiela sa itaas. Nakita niya itong nakaupo pa rin sa sofa. Nagtutupi pa rin ng mga damit at nakayuko. "She, ano ba naman? Inaantok na ako. Bakit hindi ka pa kumakain. Alas-nuwebe na oh!" Sabi niya sabay turo sa orasan. Nakasandal siya sa barandilya ng hagdan. "Sheeeena?" Akmang lalapitan niya ito. Pero napahinto siya nang biglang nagtaas ito ng tingin.

Napahinto si Shiela. May kakaiba sa ate niya pero hindi niya alam kung ano iyon. Walang kislap sa mga mata nito. Tila ito inaantok o natutulog na dilat ang mata. "She?" Kinakabahang tanong niya. Hindi niya alam kung saan galing ang kaba. "Uhm, kain ka na ha?"

Nakatitig pa rin sa kanya, dahan-dahang tumango ang ate niya, tila wala pa rin sa sarili. Gusto pa sanang lumapit ni Shiela ang kapatid pero may nagpipigil sa kanya na gawin iyon. Sa halip ay malakas ang tibok ng puso na tumalikod na siya at nagtungo sa silid nila na nasa second floor din.

Makalipas ang halos labing-limang minutong pag-iisip, nagpasya si Shiela na lumabas. Nag-aalala na siya. Hindi niya kasi maiwasang kutuban ng masama. Halos apat na buwan na sila sa building na ito at marami na syang naririnig na kuwentong nakakatakot. Mismong ang ate niya na Sheena ay may kakaibang karanasan katulad nang minsang kumakanta ito habang naglalaba at biglang may boses ng babae na sumabay rito sa pagkanta...

Kinakabahan man ay nagmamadaling lumabas siya sa kuwarto niya at pumunta sa sala. Nakita niya ang ate niya na nakaupo ng tuwid at nanunuod ng T.V. Napansin rin niyang wala na ang mga damit na tinutupi nito kanina.

"She..Sheena? Kumain ka na ba?" Mahinang tanong niya. Hindi nagsalita si Sheena. "She? She...?"

Dahan-dahang lumingon ang ate niya. At ang unang nakita niya ay ang mga mata pa rin nito na walang kislap... Matagal siya nitong tinitigan. Dahan-dahang tumango saka muling ibinaling ang pansins sa telebisyon.

"Errr... okay..." nagmamadaling bumaba si Shiela. Nasa ibaba kasi ang mga magulang niya. Nasa tindahan nila. Ayaw niyang makasama sa itaas ng bahay si Sheena. May kakaiba kasi rito.

Kaagad niyang tinungo ang tindahan nila. Pagpasok niya roon ay muntik na siyang mapasigaw... ang Ate Sheena niya, kasama ang mga magulang nila. Kung andito ang ate niya... sino ang taong kinakausap niya kanina sa itaas?

True Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon