Aninag

284 13 2
                                    

Alas diyes ng gabi nang makalabas ako sa office. Kibit-kibit ko pa ang ilang folder na kinakailangang iwasto bago pa man ito tumungo sa imprenta. Stressed out na 'ko dahil sa trabaho, isama pa ang pagka-delay ng payroll ko. Nangitngit ko na lamang ang aking magkabilang mga ngipin sa sobrang inis.

Sabay ngayon, isama mo pa ang buwakanang dalang ng sasakyan! Naturingan pa namang 24-hours ang city life dito sa Maynila, sabay hindi ako makasakay kaagad? Nangangalay na ang kaliwa kong balikat sa mala-toneladang dalahin ko. Iuuwi pa rin sa bahay ang trabaho sa publication! Napahithit na lamang ako ng yosi habang ang mainit-init na usok nito'y humampas na sa mukha ko. Nang halos maging abo na ang hinihithit ko, saktong dating naman ng dyipni. Hindi gaano kapunuan. Sapat na para mailapat ang malapad kong puwet sa upuan.

Initsa ko ang yosi habang rumaragasa ang dyipni. Putang 'na, isang ulit pa talaga sa'kin nang ganito ay malilintikan na talaga ang malilintikan! Sa pagsalampak ko't pag-abot ng bayad, may isang mamang kanina pa'ng tumititig sa akin. Sa edad nito, parang nakakalokong paslit ang kaniyang pagtingin. Parang unyango sa pagkakadikit ng mata niya sa paningin ko.

Hindi ko na lamang muna pinansin. Baka namamangha lang sa angking kakisigan ko. O baka naman balak akong gawing bata nitong lalaking 'to. Hindi na rin naman bago iyon dito sa Maynila. Basta may mapasukan ng batuta't maparausan ay ayos na. Gago siya pala kung gano'n.

Napansin na 'ata niya ang pagkunot ng aking noo't pagsalubong ng aking kilay kaya napalingon na lamang siya sa bintana. Trapik pa sa bandang Pureza. 'King ina naman talaga! Kung ano naman ang kinaapurido ko sa mabagal na usad ng biyahe ay siya namang ngisi ng lalaking kaninang nakatitig sa akin. Tuwang-tuwa sa nag-aandapang ilaw ng poste at nagtataasang gusali.

"Tingnan mo 'yon, o! 'Yan ba 'yung Jollibee na sinasabi mo sa akin noon?"

"Oo! Iyan nga."

Muli niyang tiningnan ang nasabing gusali. Kumikislap-kislap ang titig. Parang pagkislap din ng mga tala sa madilim na kalangitan. May kasama pa siyang pagpalakpak.

"Gumagalaw ang mga ilaw! Lumalayo sa atin ang mga ilaw!" halos pasigaw na sabi ng lalaki sa bawat nadadaanan na poste ng dyipni. Halos maasar na rin ang ibang pasahero. Sa halip kasi na nakakaidlip sila sa biyahe ay narito ang pasaherong iyon, akala mo'y buang na ngayon lamang nakakita ng buhay sa Maynila.

Sa pustura niyang burgis, malabong taga-tribo ito. May tililing lang 'ata talaga.

"Hala! Bakit pati 'yung buwan ay nasunod sa atin sa dyip?" muling sabat niya habang nakatanaw sa maliwanag na buwan na animo'y nakatapal lamang sa taas ng kalangitan. Sumusunod sa pagtakbo ng saksakyan. Hindi ko na nakayanan pa ang pagkainis. Naasiwa na ako. Asiwang-asiwa! Napabulanghit ako ng mura sa dalagang nakaakbay sa kaniya.

"Putang ina, hindi mo ba bubusalsalan 'yang retarded mong boyfriend?!"

Nagkatinginan sa 'min ang lahat.

"K-Kuya ko po---"

"Kesyo kuya mo 'yan, patahimikin mo pa rin! Hindi mo ba napapadala pa 'yan sa ospital?"

"Napadala na po..."

"Napadala na pala, e. Bakit sinasayad pa rin 'yang kupal na 'yan?"

"Pinadala na po namin siya a week ago para sa eye operation niya. Bulag kasi siya pagkasilang at ngayon pa lamang kami nakapagpundar at nakapaghanap ng eye donor niya." At napuno ang dyipni ng katahimikan.

"Para nga ho!" usal ng lalaking minura ko kanina. Sa halip na gantihan niya ako, nilakipan pa niya ako ng ngiti bago sila bumaba ng dyipni.

Sa pag-usad ng dyipni ay siya namang paghinto ng sistema ko. Sa pagliwanag ng daang tatahakin ko'y siya namang pagdilim ng ulirat ko.

Ako itong may mata sa aming dalawa, pero 'di maikakailang mas bulag pa ako kaysa sa kaniya.

Kuwentong KalyeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon