Part 1

133K 1.6K 37
                                    

"Saan ka magkukolehiyo, Tiffany?" tanong ni Krishna sa kanya habang nagliligpit sila ng mga gamit sa desk nila.

Uwian na. Tapos na ang klase nila. At dalawang buwan na lang din ay graduation na nila. Magpapaalam na sila sa buhay senior high at naghe-hello na sila sa buhay college. Excited na silang parehas na magkaibigan na lusungin ang next na baitang na naman ng kanilang buhay estudyante, ang pinaka-last bago ang totong pakikipagsapalaran na sa buhay.

"Ikaw saan?" balik-tanong niya kay Krishna. Kaibigan na niya si Krishna since grade 7. Naging kasundo niya agad ang kaklase dahil simple lang din ito tulad niya. Simple ang mga gusto sa buhay, simple sa mga gamit, at simple lang din ang mga pangarap.

"Sabi ng Daddy ko ay sa Sanchi College raw. Dapat doon ka rin, Besh, ha, para magkasama ulit tayo."

May kaya sa buhay sina Krishna kaya hindi na siya magtataka kung sa isa sa pinakasikat na college school gusto ito pag-aralin ng mga magulang nito. Sea man ang daddy ni Krishna at teacher naman ang mommy nito.

Actually, iyon ang ikinahanga ni Tiffany sa kanyang kaibigan, iyong may kaya sila sa buhay pero napakasimple pa rin nito. Hindi maarte si Krishna tulad ng mga rich kid nilang kaklase rin. Mga pa-English English pa, wrong grahams naman minsan. Pfft!

"Titingnan ko," natuwang tugon niya sa matalik na kaibigan. Ang totoo, doon talaga sa sikat na school na 'yon din niya pangarap mag-aral ng college noon pa man. Sasabihin niya kay mama niya kapag tumawag sa kanya.

Domestic helper lang ang mama niya sa Hong Kong pero alam niyang pagsisikapan ng mama niya ang pag-aaral niya. Sabi nga sa kanya noong huli na tumawag ang mama ay kahit saan daw na school niya gusto mag-college. Sabihin lang daw niya.

Subalit ang pangarap niyang iyon ay natapos din noong araw na iyon. Pag-uwi ni Tiffany kasi ay nadatnan na niya ang mama niya sa bahay nila. Umiiyak at lumong-lumo. At nang nakita siya ay niyakap siya nang mahigpit.

"M-mama? Bakit... bakit biglaan yata ang pag-uwi mo?" tanong niya na nag-alala at nagduda.

Hindi ugali kasi ng mama niya na umuwi na walang abiso sa kanila. Kapag umuuwi ito ay gustong-gusto na nagpapasundo sa airport. Tapos bago umuwi ay kakain muna sila ng masarap sa isang sikat na restaurant. Gano'n ang mama niya, pasyal agad at celebrate agad. Ang dahilan nito ay na-miss daw sila nang sobra.

"Lola?" baling ni Tiffany sa abuwela nang hindi sumagot ang ina. Patuloy lang sa kakaiyak.

Subalit ay hindi rin sumagot sa kanya ang kanyang lola. Napaiyak na rin.

"Ma, please, sabihin mo sa akin kung bakit biglaan ang uwi mo. May nangyari po ba?"

Nang sinagot na ni Mama niya ang tanong niya ay para siyang sinakluban ng langit at lupa. Siya naman ang natameme.

"May breast cancer ako, Anak, kaya pinauwi na ako. Noong una'y naitatago ko pa ang sakit ko pero hindi na kalaunan kaya nalaman din ng employer ko." Iyak nang iyak ang kanyang mama habang sinasabi iyon.

Pinilit ni Tiffany na magpakatatag ng mga sandaling iyon. "No. Hindi ako naniniwala. Sabihin mo sa akin na nagbibiro ka lang, Mama, please?"

Kaysa sabihin nga iyon ay umiyak lalo ang kanyang ina.

"Ah, alam ko na. May sorpresa kayo sa akin, ano? May Phone Max Pro na ba ako?" she jokingly said to lighten up the atmosphere. Iyon kasi ang request niyang pasalubong sa ina. Ang pinaka-latest na model ng isang brand ng mobile phone na nagkakahalaga ng hindi birong libo. Katunayan ay puwede nang bumili ng motor katumbas niyon. Mahal ang presyo kaya hindi na siya umaasa na mabibili nga iyon ng kanyang mama kahit pa sinabing pag-iipon din daw.

TAYO NA LANG, PUWEDE NAMAN Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon