Janet Napoles, Wer Na U?

83 0 0
                                    

Nakikipaglaro pa yata ng taguan pung ang tinaguriang Pork Barrel Scam Queen na si Janet Napoles at ‘di na mahanap ng mga otoridad. Aba’y mahihirapan nga silang maghanap dahil nabalitang dalawampu’t dalawa ang bahay nito. Kailangang bantayan ang mga ito isa-isa. Tatlumpu naman ang kanyang mga sasakyan. ‘Yun ay kung doon nga ito magtatago. Saka sa dami ng network ng taong ito, malamang ay may mga tumutulong sa kanya. Kahit magtago siya sa loob ng maraming taon ay ‘di siya aaray dahil marami siyang panggastos. Kung gugustuhin niyang magpa-plastic surgery ay magagawa niya para ‘di siya makilala.  

Bilib din naman ako rito kay Napoles. Sino ba naman ang nakaisip na magkaroon ng ganitong klase ng negosyo. Alam niya lang siguro na madaling makasilaw ang pera kaya ito ang kanyang naging pundasyon. Napoles isa kang Henya! Puwede kang magturo ng Corruption 101. Ilang taon na rin pala niya itong ginagawa, ngayon lang nagkabukingan kung hindi pa siya ikinanta ng kanyang mga dating tauhan. Pero sabi naman ni Napoles, hindi siya sa pork barrel yumaman kundi dahil sa pagtitinda ng pork. Baboy ka r’yan! At hindi rin daw mother ng pork barrel scam kundi mother siya ng kanyang mga anak. Anak ka ng ina mo! Tingnan mo nga naman ang kapilosopohan ng babaeng ito. Malakas ang loob magsasagot sa media nung nakaraan tapos biglang naglahong parang bula.  

Binaboy ni Napoles ang kahulugan ng GRO, NGO pala. Dahil sa pagtatayo niya ng mga pekeng NGO. Ang ganda pa naman ng layunin ng NGO tapos ginanun lang niya. Pero hindi mangyayari ito kung hindi sa pakikipagsabuwatan ng mga mambabatas. Kaya hindi lang dapat si Napoles ang habulin kundi ang lahat nang naglagak ng kanilang pork barrel sa mga pekeng NGO. Pero siyempre kanya-kanya na silang dahilan. Kaya Napoles magtago ka lang, ha. Mahirap na kapag ikaw na ang kumanta.  

Matagal nang panawagan ng iba’t ibang sektor na buwagin na ang pork barrel fund dahil nagagamit lang ito ng korapsyon. Kagaya nga nang ginawa nitong si Napoles. Pero siyempre, tutol dito ang maraming Mambabatas dahil paano na raw ang proyekto sa kanilang nasasakupan kung walang pondong pantustos? Sabi pa nga ni P-Noy, bakit ang kamalian ng ilan ay idadamay ang lahat? Para kumalma ang sambyanan ay pinahinto muna niya ay pagkakaloob ng pork barrel sa mga Mambabatas. Pero sa dami nang naglagak ng pork barrel sa mga pekeng NGO ni Napoles ay iilan na lang ang matitinong natira? Sabi nga ng mga kritiko, talagang binaboy ang Pilipinas dahil sa ganitong uri ng anomalya. Ang perang nakurakot, madami pa sanang paggagamitan pero sa bulsa lang ng iilan napupunta.   Kung hindi talaga aalisin ang pork barrel dapat bawat sentimo ay i-audit. Kung saan ito nagastos at kung paano ito nagastos? Mamaya sa mga ghost project lang pala mapupunta. Kung hindi naman ay overprice ang isang proyekto pero ang materyales na ginamit ay mahihinang klase naman. Kaya may mga kalsada na sasandali pa lang ay sira na agad. Huwag mag-aalala ipapayos uli ‘yan. Sa lagay ba naman, eh?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 22, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Weh Di Nga!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon