Banana Cue Love Story

1.4K 17 11
                                    

Lumalamig na ang gabi pero nanatili akong naka-upo sa puno at tinitignan ang mga bituin sa langit. Sumasakit na ulit ang tiyan ko pero hindi ko ininda, at kahit pakiramdam ko nawawalan na ako ng lakas, eh okay lang. Andito ulit ako sa tambayan nating dalawa. Naalala ko tuloy ang nangyari dito noong kasama pa kita. Eh ikaw? Naalala mo pa ba?

Hindi tayo magkaklase sa highschool, lalo na sa college. Magkaiba tayo, sabi nila. Pero pakiramdam ko, habang kasama kita, magkaparehas lang ang mundong ginagalawan natin, na parang iisa lang ang nararamdaman natin. Pero hanggang alaala na lang yun ngayon.

Nararamdaman ko pa rin ang presensya mo sa tabi ko kahit wala ka rito at naamoy ko pa ang banana cue na kinain natin noon, ikaw pa nga yung nakakarami at ako ang nanlilibre kapag may perfect ka sa quizzes o di kaya may pumasa tayong exam. Ganun man kababaw, pero para sakin kaligayahan na yun. At kahit ngayon, gusto ko ulit matikman ang banana cue kasama ka, kahit walang perfect quiz o pasang exam... Basta makasama ka.

Nung may project ang buong 3rd year sa paggawa ng autobiography, ikaw sana yung ilalagay ko dun. Bakit? Kasi ikaw ang buhay ko. Pero, hayaan mo na yun, alam ko namang hindi mo aalamin kahit na sabihin ko sayong may espesyal na tao akong nilagay sa biography ko. Actually nakatago siya sa portfolio ng biography ko. 69 over 70 ang grade ko nun at ikaw naman, 60 over 70, may kulang raw sa pagsulat mo ng buhay mo, sabi ng titser. Eh ano nga ba ang kulang? Edi ako.

Pero siyempre di ko yun sinabi sayo. Hanggang sa isipan ko na lang yun masasabi sayo. Minsan nga iniisip ko na sana may telepathy na lang ako para maipahayag ko sayo ang nasa isip ko---ikaw. Ikaw na laging tumatakbo sa isip ko at nagpapahinga sa puso ko. Ang korni ko na ba? Hindi ko kasi mapigilan pag ikaw, pero ngayon nararamdaman ko na ulit ang sakit.

Natatandaan mo ba nung sinabi mong inaya ka ni Zane sa prom? At pumayag ka naman dahil matagal mo na siyang gusto. Di ko naman pinansin na di mo na ako kinakausap dahil masyado kang busy sa pakikipag-usap kay Zane, at kahit nung sinabi kong manlilibre ako ng madaming banana cue, hindi ka sumama kasi ite'treat ka ni Zane sa McDonalds. Kumain ako ng banana cue ng mag-isa nang araw na yun. At hindi ako nasarapan.

Nang matapos ang prom, kinibo mo na ulit ako pero iba na ang aura mo, naging mas totoo na ang sinasabi nila na iba tayong dalawa. Nalungkot ako sa katotohanan na sumampal sa mukha ko. Huminto ako sa pagbili ng banana cue at ang pag-aya sayo na kumain nito. Huminto na rin ako sa pag-asang kapag na'perfect ko na yung mga exam at quiz, magkakasama ulit tayo.

Hanggang sa napag-alaman ko na lang na kayo na ni Zane. Masakit pero nanatili akong tahimik. Kahit na inaya mo ko na ililibre mo ko ng banana cue, hindi na ako sumama. Para saan pa? Para malaman ko na may mahal ka nang iba? Para isampal ulit sa mukha ko na wala man lang akong nagawa? Wag na 'no.

Isang araw, sumakit ang tiyan ko at di ko kinaya ang sakit. Dinala ako sa ospital nung araw na yun. Hindi ko man gusto ang mga injection at ang mga gamot, pinili kong ipaubaya sa ospital ang sakit na ngayon ko lang naranasan. Gusto ko rin nga sana ipagamot ang sakit ko sa puso---yung metaporang kahulugan, pero alam kong walang makagagamot sa sakit na yon.

Napag-alaman ko na lang na may cancer ako sa tiyan. Pinagdasal kaagad ako ng mga magulang ko. Pinagdasal na sana may paraan pa para tumagal ako dito sa mundo. Pinagdasal na sana eh mawala ang tumor sa tiyan ko at bumalik ako sa dati. Pero sana, pinagdasal din nila na maging masaya ka...sa piling ko. Ngunit hindi na pwede. Mamamatay na ako.

Naging madalang ang pagpunta ko sa eskwelahan dahil hindi ako makalakad sa sakit na dulot ng tahimik pero nakakamatay kong sakit. Gusto kong sabihan ka na okay lang ako at wag kang mag-alala, pero naisip ko din na baka masaya ka na sa piling ni Zane at hindi mo na ako maalala pa. Masakit man isipin pero hindi ko na lang pinansin. Magpapagaling ako at magpapakabait para kahit paano eh mapahaba pa ang buhay kong alam ko naman na may katapusan na rin.

Bigla mo kong binisita isang araw pero hindi ako nagpakita sayo. Alam man ng buong eskwelahan ang kalagayan ko pero sinabi kong wag nila itong sabihin sa iyo. Ang selfish ko ba? Ayoko lang na umasa kang babalik ulit ako sa eskwelahan at samahan ka kahit saan, na makakain pa tayo ng banana cue kahit walang pasang exam. Nag'drop na ako sa eskwelahan nun. Wala nang point tapusin ang kursong kinuha ko. Gusto ko sanang maging direktor pero parang mas mauunang matatapos ang kwento ko bago pa man ako makagawa ng akin.

Unti-unti akong nanghihina sa bawat araw na dumaraan. At dahil na rin sa nararamdaman ko na ang langit na kukunin ako, nagpasya akong magpunta sa tambayan natin noon. Ilang buwan na akong hindi nakakapunta ulit doon simula nang mag-iba ang landas natin. Wala na akong balita sayo pero alam kong masaya ka na sa kanyang piling.

Kaya eto ako ngayon. Pinindot ko na ang STOP sa voice recorder. At dahan-dahan yung inilagay sa tabi ko. Aalis ako sa lugar na 'to at sa mundong 'to nang hindi masasabi sayo ng harap-harapan kung ano ang nararamdaman ko sayo. Sana kahit sa huling banana cue na ibibigay sayo ng tindera bukas ng umaga, malaman mong galing yun sakin at maramdaman mong mahal kita.

Mahal kita, may pasa man ako sa exam o wala, may pera man ako o wala, magkaibigan man tayo o hindi, prom date mo man ako hindi, mahalin mo man ako o hindi at kahit nandito man ako sa mundo o wala.

Mahal kita, Cherry.

At naramdaman kong humihina ang tibok ng puso ko at ang paghinto ng bawat yapak ko sa lupa.

*One ShotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon