KINAGABIHAN.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" Gulat na gulat si Tiffany nang katukin siya ni Bearlan nang dis oras ng gabi. "Baka makita tayo ni Madam Amelia."
"Shuss!" Inilagay ni Bearlan ang hintuturo nito sa bibig niya. "Huwag ka ng madaming tanong. Mag-jacket ka dali. We're leaving."
"Huh?!"
"Bilisan mo!"
"Magtatanan tayo? Hindi pa ako ready sa pag-aasawa."
"Hay! Isip mo talaga advance 'no? Saka na 'yon if wala na tayong choice. Sa ngayon mamasyal muna tayo sa dagat. Sulitin natin 'yong natitira nating oras na magkasama rito sa isla."
Napahiyan siya pero sa huli ay kinilig na siya. Gusto niya 'yon!
Actually ay hindi pa siya natutulog dahil iniisip niya na bukas ay baka hindi na niya makasama ng matagal ang binata at nalulungkot na siya ngayon pa lang. "Sige kukunin ko lang 'yong jacket ko."
"Bilisan mo. I love you."
"I love you, too." Matamis ang kaniyang naging ngiti bago niya binilisan ang kilos. Kung kaya't saglit lang ay magkahawak-kamay na silang tumakas ni Bearlan. Awa ng Diyos ay wala naman 'atang nakapansin sa kanila.
Tuwang-tuwa sila na tinungo ang tabi ng dagat. Patakbo na nagtatawanan sila. Para silang malayang ibon na ngayon lang pinakawalan.
"Ang lamig," sabi ni Tiffany na napayakap sa sarili. Ngiting-ngiti siya dahil masayang-masaya siya. Nililipad ng malamig na hangin ang kanyang mga buhok at ramdam ng pisngi niya ang parang ambon na nanggagaling sa bawat alon ng dagat.
Si Bearlan ay masayang napatitig sa mukha niya. Pagkuwa'y kumilos si Bearlan, pumunta ito sa likod niya at niyakap siya nito mula sa likod.
Bahagyang napakislot siya. Pumulupot kasi ng marahan sa kanyang maliit na beywang ang dalawang braso ni Bearlan. Pagkatapos ay idinantay ni Bearlan sa kanyang balikat ang ulo nito habang malayo ang tingin. Alam niya, naglalambing ang nobyo sa kanya.
Kung bakit naman kasi kay bilis nang binigay sa kanila ng panahon para magkasama? Bukas ay hindi na nila alam kung ano ang sususunod na mangyayari.
"Tiffany?"
"Hmmm?"
"Promise me huwag kang susuko, ha?"
Hindi siya agad nakasagot. Ang totoo ay naguguluhan siya. Ang ganda ng offer na naman sa kanya ni Madam Amelia. Papalampasin pa ba niya iyon? Ang makapag-aral ng kolehiyo sa Amerika? Once in a blue moon ulit na may mag-o-offer niyon sa kanya. Ang tanga niya yata kung hindi niya iyon tatanggapin.
"Huwag kang mag-alala aayusin ko 'to. Hahanap lang ako ng tyempo."
"Pero pa'no kung ipakasal ka na talaga kay Jullie Anne? Lalo na ngayon na akala ng Mommy mo na pumapatol ka na sa babae?"
"That will never happen. Just trust me, okay?"
Ilang minuto rin silang binalot ng katahimikan. Ninanamnam na lang nila ang bawat sandali na magkayakap sila. Kumilos lang sila nang mag-iba sila ng posisyon. Nagyakap naman sila na nakaharap sa isa't-isa habang nakatingin pa rin sa malayo.
"Ano pa lang sabi ni Mommy sa 'yo no'ng nag-usap kayo kanina?" maya-maya ay basag ni Bearlan sa katahimikan.
"W-wala. Good job daw ako. Akala niya talaga ay nagawa ko ang misyon ko sa 'yo," pagsisinungaling niya. Hindi na siguro dapat pang malaman ni Bearlan ang panibagong offer sa kanya ni Madam Amelia. Isa pa, hindi naman niya iyon papatulan siguro. Naguguluhan lang siya siguro ngayon kaya kung anu-ano ang naiisip niya.
Napangiti lang si Bearlan. At natahimik ulit sila.
Pagkuwa'y maingat na kumawala sa pagkakayakap si Bearlan. Nagkatitigan sila at masuyong ikinulong ni Bearlan sa mga kamay nito ang mukha niya tapos ay malaya nitong hinalikan sa pangalawang pagkakataon ang labi niya.
"I love you," saka puno ng pagmamahal na sabi nito nang maghiwalay ang mga labi nila.
Mangiyak-ngiyak siya na sumagot. "I love you too, Bearlan."
Muli silang nagyakap. Mas mahigpit na tila ba wala na talagang bukas.
Kung ilang oras silang nakatayo na magkayakap ay 'di na nila alam. Ang alam lang nila ay ninamnam nila ang sandali na iyon ng puno ng pagmamahal sa isa't isa.
Hanggang sa magpasya na silang bumalik dahil lumiliwanag na. Magkahawak-kamay silang nilisan ang lugar na iyon na walang kasiguraduhan kong makakabalik pa sila roon.
"Una na akong papasok," pabulong na sabi niya nang nasa pinto na sila ng rest house.
"Sandali!" Muling ikinulong siya ni Bearlan sa mga bisig nito.
"Bearlan?"
"Tiffany, mag-aantay ka sa 'kin, hah?"
"Oo nga. Alam mo naman na mahal na mahal kita." Napangiti siya sapagkat nakapagdesisyon na siya. Hindi niya iiwanan si Bearlan kahit ano pang i-offer sa kaniya ni Madam Amelia. Pipiliin niya ito kahit na ano ang mangyari.
"Salamat." Pinakawalan na siya ng binata.
Masuyong hinaplos niya ito sa mukha. "Basta huwag ka ring papakasal, ah? Mangako ka."
Sunod-sunod ang naging tango ni Bearlan. "Pangako dahil sa iyo lang ako papakasal."
Nagngitian sila. Hinawakan na niya ang doorkob ng pinto. Akmang bubuksan na niya ito pero natigilan siya. Napakagat-labi siya at pagkuwa'y bigla niya ulit nilingon si Bearlan. Walang sabi-sabi na hinalikan niya ito sa labi.
"Bearlan, buo na ang desisyon ko pero kung ano man ang mangyayari. Sana... sana tatandaan mo pa rin lagi na mahal na mahal kita!" at sa loob-loob niya. Umiiyak ang kaniyang puso.
Mabilis na pumasok na siya sa loob ng bahay pagkatapos ng halik na iyon na wala nang lingon-lingon kay Bearlan. Hindi na niya nakayanan ang rumagasang luha sa kanyang mga mata na kanina pa niya pinipigilan.
Pumasok agad siya sa silid niya. Tila ay pagal na pagal ang katawan niyang napasandal siya sa dahon ng pinto at napapikit ng mariin. Ang sakit! Parang minamaso ang puso niya! Ano ba itong nangyayari? Akala ba niya masaya at masarap ang magmahal? Bakit ganito? Bakit nasasaktan siya at natatakot?
Saglit lang ay natigilan siya nang imulat niya ang kanyang mga mata at mapansin niya ang isang bulto ng tao na nakaupo sa gilid ng kanyang kama. Napatuwid at naistatwa siya ng tayo.
Si Madam Amelia!
"Huwag mong sabihin in love ka na talaga sa anak ko o trabaho lang 'yon?" nakataas ang noong tanong na sa kanya ng Madam.
Napayuko siya ng ulo at napapikit siya ng mariin. Gosh! Nahuli sila ni Madam Amelia. Paano na 'to?
Tumayo ang mayamang ginang. "Sa ikli ng panahon na nandito kayo ay imposibleng mai-in love ka talaga sa kanya. I trust you so much, Tiffany. Tell me trabaho lang 'yon, hindi ba?"
Hindi siya umimik. Ayaw niyang sumagot. Ayaw na sana niyang magsinungaling.
Disappointed nang napabuntong-hininga ang madam. "Tiffany, malayong-malayo ang agwat mo sa anak ko kaya kung ano man 'yang nararamdaman mo ay pigilin mo 'yan. You know me, Tiffany, hindi ikaw o ng tulad mo lang ang gusto ko para sa anak ko lalo na ng asawa ko kaya sinasabi ko sa iyo tanggapin mo iyong offer ko sa iyo. Mag-aral ka sa Amerika. Layuan mo ngayon pa lang ang anak ko."
"M-madam..." garalgal na sambit niya.
"Hindi kita masisisi dahil pakana ko ang lahat ng ito. Inaasahan ko naman na pwede kang ma-develop sa kanya nang totohanan, pero alalahanin mo ang napag-usapan natin, Tiffany. Huwag mo sana akong bibiguin."
Iniwan siya ni Madam Amelia na parang sinakluban ng langit at lupa. Muling nag-unahan ang pagpatak ng mga luha niya.

BINABASA MO ANG
MY BEKI "KUNONG" BOSS (Tayo Na Lang, Puwede Naman)
RomanceNoong namatay ang mama niya, ipinangako ni Tiffany na makakatapos siya ng pag-aaral kahit na ano ang mangyari at sa kahit na anong paraan. Kung kaya't ginawa niya ang lahat para sana maituloy niya ang pag-aaral. Subalit ay sobrang nahirapan siya. Ha...