Ikalawang Istorya

38 6 1
                                    


Nagising si Vice dahil sa tunog na nagmumula sa kanyang telepono. Agad niya itong dinampot sa maliit na mesa na katabi ng kanyang kama. Nakita niya na tumatawag ang ina kaya naman dali-dali siyang bumangon at sinagot ito.





"Tutoy, anak, kamusta na?" Malambing na turan ng ina. Labis na napangiti naman ang binata dahil narinig niyang muli ang boses ng pinakamamahal na ina.



"Ayos naman po, 'nay. Malungkot lang kasi namimiss ko na ho ang adobo niyo," Malambing rin na sambit ng binata. Tumayo ito sa kanyang kama at dumiretso sa banyo nito.





"Ang kaisa-isang recipe lang ba ni nanay, tutoy? Pero namimiss na rin kita anak." Rinig ni Vice ang lungkot sa boses ng ina. "..sobra. Miss ka na ni Nanay." At tuluyan na nga itong humikbi.




"Ay, ano ba naman yan 'nay. Halos mag-iisang buwan pa lang akong napalayo, e. Paano pa kaya kung isang taon na. Baka mapauwi ako nang maaga ha," Pagpapagaan niya sa nararamdaman ng ina. Kakagat-kagat labi na rin siya na pinipigilan rin ang sarili na maluha.


Di maikakaila na mahal na mahal niya talaga ang ina. Mama's boy nga kung kilalanin. Dahil na rin siguro sa siya ay nag-iisang anak lamang kaya bata pa lamang ay ang nanay na niya ang kasakasama lagi.




"Ayos ka lang ba talaga diyan? Paano yung mga pagkain mo? Kumakain ka naman ba sa ayos? Mag-iingat ka lagi diyan ha? Ayusin mo ang pag-aaral mo. Galingan mo. Pag may kailangan ka, tawagan mo lang ako at kung kinakailangan ay pupunta ako dyan." Nag-aalalang sabi ni Rosario sa anak.




"Opo, 'nay. Kayo rin po mag-ingat diyan ha. Baka naman pinababayaan niyo ang sarili niyo. Yung gamot niyo, wag niyong kalimutan. Tatandaan ko po lahat ng sinabi niyo. Sige na po, ibaba ko na. May pasok pa ho kasi ako,"





"May pasok ka pa, 'nak?" Tanong ng ina.





"Di ba ho kakasabi ko lang? Paulit-ulit tayo rito ha, 'nay?" Pabalang naman na sagot niya rito. Rinig naman niya na natawa ang ina sa kabilang linya. "Siya, sige na. Labyuuuu,"


Pagkatapos ng tawag ay agad na nag-ayos si Vice at naghanda na sa kanyang pagpasok.






"Eksaherada naman kasi si nanay magpamiss. Umagang-umaga napaiyak tuloy ako." Pabaklang pagkausap nito sa sarili habang nakaharap sa salamin.






Ilang minuto lang ang lumipas ay handa na siya sa pagpasok. Suot na niya ang kanyang uniporme kaya naman lumabas na siya ng kanyang apartment at nagsimula nang naglakad papasok sa kanyang paaralan.



Posturang-postura siyang naglalakad habang tinatahak ang daan patungo sa eskwelahan. Parang modelo siya na kekembot-kembot pa kung maglakad na di pansin ang mga tao sa paligid.









"Jose!"

Nang makita si Anne sa gate ng paaralan habang siya ay kinakawayan, pasimple siyang tumindig nang mariin at lumapit dito.


"Good morning, Jose." Masiglang bati nito sa kanya.




"Makulit ka rin talaga, girl," bulong niya.




"Ha?"





"Wala! Di ba sabi ko sayo, pwede mo kong tawaging Vice?" Palusot niya sa dalaga. "Di ko kinakaya yung Jose. Eww." Bulong niyang muli sa sarili.




"Jose Marie B. Viceral." Pagbasa ni Anne sa kanya ng ID. Agad naman niyang nilayo ito sa dalaga. "Hahahahaha. Sige na nga. Let's go Vicey. Baka ma-late na tayo."




Napansin naman niya na nasa likod lang pala ni Anne si Karylle na kanina pa di nagsasalita. Ibang-iba na muli ang mukha nito na suot na muli ang uniporme nila. Naka-blouse, palda at black shoes ito na suot rin ang salamin nito sa mata. Nakalugay rin ang maganda nitong kulot na buhok.








"H-hi. Good morning, K. Este K-karylle pala." Nahihiyang bati ni Vice rito. Tinignan lang naman siya nito at binigyan ng maliit na ngiti bago nauna nang maglakad at iniwan sila. "Ang hilig niyang manguna no?" Napapansing tanong naman ni Vice kay Anne. Magkasabay silang naglalakad pataas sa kanilang silid.





"Masasanay ka rin. Pero mabait yan, promise. Magkakasundo rin kayo niyan. Baka nga mas maging close pa kayo kesa sa sakin." Turan ng dalaga. "Bilisan na natin baka maagawan tayo ng upuan." Dagdag nito bago siya nito higitin.





×××

Kasalukuyang naglalakad mag-isa si Vice sa kanyang pag-uwi. Kumakanta-kanta pa ito habang nakikinig sa paborito niyang kanta na pinapatugtog sa kanyang cellphone. Enjoy na enjoy lang ito sa paglalakad habang may nakakakabit na earphone sa tainga.



Damang-dama naman niya ang pagkanta na sinasabayan ang paborito niyang singer na si Justin Bieber. Kung minsan ay napapaindak pa ito na parang baliw.





Nagulat na lamang ang binata nang may kamay ang nagtanggal sa kanyang earphone na sumira sa pakikinig niya sa tugtugin.









"Hindi maganda na nags-soundtrip ka habang naglalakad. Dahil una, Maynila ito. Maraming nakakalat na magnanakaw at kriminal sa paligid. Hindi ito gaya sa probinsya niyo na safe lagi ang dinadaanan. Pangalawa, sa sobrang lakas mong magpatugtog, hindi mo na naririnig na may mga sasakyang bumibusina sayo. Paano kung mabangga ka?" Mahabang litanya ni Karylle na hawak pa rin ang earphone ng binata.



"Anong ginagawa mo rito? Di ba may sundo ka?" Tanong niya sa dalaga. Hindi niya alam na kanina pa pala nakasunod sa kanya ito. Ang akala niya kasi ay nakauwi na ito.




Inirapan lang naman siya ni Karylle at nauna na muling maglakad. Ilang sandali pa ay napatigil rin ito sa paglalakad nang mapansin na walang nakasunod sa kanya. Lumingon siya sa binata at nakitang nananatili pa rin si Vice sa kanyang kinatatayuan.




Tiningnan niya naman ito nang matalim habang nakapamewang. "Susunod ka ba o ano?" Natauhan naman bigla si Vice kaya tumakbo siya palapit. "Dalhin mo ko sa bahay mo," Utos ng dalaga na nagbigay na naman ng pagtataka sa binata.




"Hala. Ano namang gagawin mo sa bahay ko?" Tanong ng binata na sinabayan na rin ang dalaga sa paglalakad. Naglalakad siya nang pabaliktad habang kinakausap si Karylle.




"Umayos ka nga."




"Sagutin mo muna ako."









Bigla namang nagitla si Vice sa lumabas mula sa kanyang bibig. "Sagutin mo muna yung tanong ko, ibig kong sabihin." Pagbabago niya sa maling nasambit.



Muli na naman siya inisnob ng dalaga. Tumalon siya at humarang sa dinaraan ng dalaga kaya naman biglang nagulat ang huli nang tumama ang mukha niya sa dibdib ni Vice.



Sa muling pagkakataon ay tinignan na naman siya nito ng matalim kaya napaatras siya. Umayos na lang siya at naglakad nang muli patungo sa kanyang bahay.


"Ano ba talagang gagawin mo sa bahay, Karylle?" Makulit pero seryoso nang tanong ni Vice.




Nang makarating sa apartment na tinitirhan ay agad pumasok ang binata. Malugod naman niyang pinapasok rin ang bisita. Prente namang naupo agad si Karylle sa sofa ng salas ng binata.



"Anong gusto mong inumin? Gusto mong kumain?" Tanong niya sa kanyang bisita.








"Wala. Bilisan mong magbihis kasi. . ." Sagot ng dalaga.



"Kasi?"











". . .kasi mamasyal tayo." Dagdag nito.

Total Opposite|| ViceRylleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon